Chapter 3

Anica

Naglalakbay ang aking isip sa kung ano ang gagawin para sa problema namin. Nahihiya naman akong lumapit kay Zyra kasi kagagaling sa operasyon ng daddy niya at natitiyak kong milyones ang halaga noon.

Nagulantang ako ng tumunog ang cellphone ko. Sino ba ang tumatawag sa ganitong oras?

"Hello." Inaantok kong sagot na napahikab pa.

"Adrienne!" Nawala ang antok ko bigla ng marinig ang boses sa kabilang linya. Suwabe at parang dj lang sa radyo ang kausap ko. "Did I wake you up?"

Nakagat ko ang daliri habang pinagmamasdan ang paa kong itinataas ko sa ere na parang gymnast na ninanamnam ang musika.

"Hindi pa ako nakatulog, Drake. Ikaw, nakauwi ka ba ng maayos?" tanong ko. Narinig ko ang parang ingay ng musika at sigawan ng mga tao.

"Nasaan ka ba? Hindi ka ba umuwi?"

He sighed deeply."Umuwi naman pero umalis ako agad." Bakit parang ang tamlay ng boses niya? Nag-away siguro sila ng kanyang nobya.

"Pero bakit? Masama ang panahon, Drake. May problema ka ba? Gusto mo bang puntahan kita?"Bumangon na ako sa kama para maghanda kung sakaling kailangan ko siyang i-rescue.

Ganito naman palagi ang rule ko pagdating sa kanya. Rescuer, pag nalulungkot siya, pag nag-aaway sila ng girlfriend niya and many more.

"Don't. Just stay there, malakas pa ang ulan sa labas. Okay lang naman ako. Well, after hearing your voice, though."Nakagat ko ang labi sa kilig.

Putcha! Pa fall ang kumag. Pag ako hindi nakatiis, gagahasain ko ang lalaking ito. Siyempre, mabubuntis ako at kailangan niya akong panagutan dahil kung hindi -hindi ko siya ipapakilala sa anak namin. Maganda siyang gawing plot sa isang story.

Napatawa ako ng mahina sa naisip ko. CB kasi ako- Certified Baliw. Tumikhim ako para hindi mahalata ng kausap ko ang pagtawa ko at mukhang may pinagdadaanan pa naman ito.

"Ehem, pre, mukhang di tayo talo diyan."Isang malaking scam, Anica.

"Weh! Liar! Alam ko namang type mo ako." napatawang sabi nito.

Biglang tinambol ang puso ko sa sobrang kaba. Kapal ng apog ng lalaking ito pero sabagay tama naman siya.

"Hala! Wag kang masyadong feeling, pre. Kapal din ng mukha mo." galit-galitan effect ko kunyari pero ang totoo gusto ko na siyang yakapin. Maharot talaga ako. I deeply agree witn myself. Tch!

Narinig ko siyang tumawa. As usual, ginagawa niya akong clown para sa mga sad moments niya. "Alam ko talagang ikaw lang ang may kakayahang pagaanin ang loob ko. Thanks."

Ginawa pa akong tagapasan ng mabigat na mundo niya.

Seriously, rich kids have bigger problems than the average ones. Well, at least marami silang pera.

"May problema ka ba?" tanong ko. Being his rescuer slash his clown made me sensitive enough to assess his conditions but it's okay at least may part pa rin ako sa buhay niya. Hala! English ba yong mga lines na yon.

"Can we meet tomorrow morning? Oh, I forgot you have to work?"

"It's okay I am planning to take a leave tomorrow. Saan ba?" Saktong-sakto naman siya kung magplano kasi may lalakarin ako bukas. Baka puwedeng siya muna ang unahin ko bago lakarin yong iba. You know girlfriend's este rescuer's duty. Mag-apply nalang kayo ako sa 911 kasi mukhang mas bagay ako doon.

"I guess, open na ang ZC's at 9:00 am. Doon tayo magkita. I'll treat you to a meal." Ang ZC's ay ang resto na pagmamay-ari ng bestfriend ko.

"Deal,"sagot ko.

"I'll see you tomorrow, then. Anyway, I already bought a new pair of sandal for you."

Napalaki ang pagkakangiti ko. "Nah! Di mo na sana ginawa. Nakakahiya masyado. Salamat pa rin."

"Tss! Matitiis ba naman kita?"

Napaikot ko ang mata ko sa sobrang kilig. Sigurado ba ang lalaking ito na wala siyang feelings sa akin. Ba't kung magsalita siya, para siyang gumagawa ng hukay para sa akin. Well, sadyang ganito pala talaga siya. Sweet-talker ang kumag at siyempre ako namang si marupok ay nahulog sa hukay na siya ang may gawa.

"Magkita na lang tayo bukas. Mag-iingat ka sa pag-uwi mamaya at wag kang magpakalasing masyado-wala ako para alalayan ka." Napabalik ako sa paghiga at talaga namang inaantok na ako. Inaantok man ay narinig ko pa rin ang kanyang tawa." Ba't ka tumawa?"

"Nothing! You did sound like a concern wife. Cute!"

"Cute ka diyan! Paano, bye na." Naghikab na talaga ako." I love-" Natutop ko ang bibig. Ano ba tong pinagsasabi ko?

"I know. Bye." Then, its him who ended the call first. Nakamot ko ang ulo sa sobrang pagsisisi. Oo, hinaharot at binibiro ko siya minsan pero dapat pa rin na magtira tayo ng kaunti para sa sarili natin. Am I right o tama ako?

Maaga akong gumising kinabukasan at pinaghanda ng agahan at baon ang aking mga kapatid. Tumawag na rin ako sa opisina para makapagpaalam na hindi ako papasok.

"Anak, ang aga mong nagising, ah. Ako na diyan."

"Ako na po, Ma."Iginiya ko siyang maupo pagkatapos ay nagtimpla ako ng paborito niyang kape."Hayaan niyong pagsilbihan ko kayo, kamahalan."Biro ko at epektibo naman dahil napatawa ko si mama.

"Ma, hindi po ako papasok ngayon. May pupuntahan po akong importante,"sabi ko at nilapag ang mug sa harap niya."

"Maari ko bang malaman kung saan ang lakad mo?"

" Ayaw." parang bata kong sabi. "Pagkauwi ko na lang po."

Napangiti siya at pinisil ang pisngi ko." Naglilihim ka na, ah! May date ka noh?" pabulong niyang sabi. "Ilang taon ka na ba ulit, anak? Ah, malapit ka ng mag-26. Anak, nasubukan mo ba namang magkaboyfriend?"

Napatigil ako sa ginagawa ko at tiningnan siya ng masama. "Ma, siyempre naman po. Noong college, pero pumuntang ibang bansa at hindi na nagparamdam pa."

"Anak, baka masyado kang naging abala sa amin ng mga kapatid mo kaya hindi ka pa nagkakaboyfriend ulit. Wala bang nanliligaw sa'yo ngayon?"

Umiling ako. Masyado akong abala sa paghahanapbuhay na hindi ko na inisip ang bagay na yon. Isa pa, wala din namang patutunguhan kasi iba ang laman ng puso ko. Iba ang gusto kong makasama. Kahit ba para sa kanya ay clown lang ako sa buhay niya.

Bukas na nga ang ZC's cuisine nang dumating ako. May iilan ng customer's na kumakain at nagkakape. Dumiretso na ako sa loob at kilala naman na ako ng mga tao dito.

Nakita ko si Drake na nakaupo sa pandalawahang mesa. Lalapit na sana ako ng makitang may ka video call siya. As usual, sino pa nga ba? Ang girfriend niyang modelo na nasa Amerika. Dahil nasa likod niya ako ay kita ko kung gaano kaganda at kakinis ang babae. Mukhang kakauwi pa lang nito galing sa trabaho. Tch! Ano ba to, nakikinood pa ako.

"Sweetie, Adrienne is there already," sabi pa nito na tinuro pa ako. Napalingon tuloy sa akin si Drake at napilitan akong kumaway kay Chloe. Di na ako magtataka kung bakit patay na patay si Drake dito. Si Chloe ay parang isang anghel na hindi pa nakababa sa lupa.

"Hi!"sabi ko.

Gumanti naman ito ng kaway. Pagkatapos ay lumipat na ako sa tapat ni Drake at naupo doon. Hinintay kong matapos ang masaya nilang pag-uusap habang nagdurugo ang puso ko. Char lang! Baka mamatay ako ng maaga.

"Sorry, medyo natagalan."

Salamat naman at natapos na din. Maya-maya lang ay dumating na ang order namin na inorder pala niya habang naghihintay sa akin kanina.

Tahimik lang siya, habang kumakain kami at nang matapos ay ako na mismo ang bumasag sa katahimikan. Baka gabihin siya sa pananahimik. Paano na ang iba kong lakad?

"Anong oras ka umuwi kagabi?"

Tumingin siya sa akin."Almost 12 na." Napatawa ako. Lintek! Para lang si Cinderella ang kumag." Here."Inabot niya sa akin ang isang paper bag. Nang tingnan, ko isang mamahaling brand ng sandal ang nakita ko.

"Ang mahal nito, ah. Nakakahiya namang tanggapin pero since kailangan ko to at makapal ang mukha ko. Salamat." Yumukod pa ako para magpasalamat sa kanya.

"Basta para sa'yo."nakangiti niyang tugon. Ayan na naman siya sa mga pa-fall niyang lines. Inirapan ko, akala mo hindi nakalipaglampungan sa girlfriend niya kanina kahit kaharap ako. Selos ka girl?

"Ano nga palang sadya mo at may pa meet meet pa tayo dito?"

"May itatanong sana ako sa'yo?"

"Fire," I said at napainom ako ng kape. Ano naman kayang itatanong nito at kailangan pa akong ilibre ng pagkain.

"May boyfriend ka ba ngayon o manliligaw man lang?"seryoso niyang tanong na dumukwang pa sa table.

Napakurap ako ng mga tatlo o apat na beses siguro. Hala! Magtatapat na ba siya ng feelings sa akin? Na reaize na kaya niya na ako ang mahal niya. Thank you in advance, Lord. Nakipaghiwalay na ba siya kay Chloe kasi kung hindi ano yon, pagsasabayin niya kami?

"Bakit mo tinatanong? Siyempre, wala lahat diyan sa nabanggit mo."I heard him laugh. Lah, pinagtawanan lang ako." Anong nakakatawa doon?"

"Sa daldal mong yan, wala kang napaikot na lalaki? Poor, Adrienne!" aniya. Bahagya akong dumukwang din para hampasin siya pero nakaiwas ang loko

"Poor ka diyan! Masyado lang kasi akong busy sa work. Ganoon!"

"But it's amazing, though! Walang sagabal sa plano ko."

"Plano? Anong plano mo?" kinakabahan kong tanong.

"Well, balak ko sanang pakasalan ka kung papayag ka. Are you willing to be my wife, Adrienne?"