Chapter 2

ANICA

Napapaisip pa ako kung paano bababa  mula sa sasakyan ni Drake pagdating namin sa tapat  ng aming bahay. Wala akong sapin sa paa kasi nasira ito kanina.

"Ano? Kakargahin  ba kita papasok sa inyo?" nakangisi niyang tanong. Yon din naman ang naisip ko kanina bago niya ako naunahan.

"Puwedeng-puwede, Drake." Pero pinitik lang niya ang ulo ko at tumawa ng mahina. Ang mga  tawa niya ang nagpapaalala sa akin na kahit gaano kahirap ay kakayanin nating lumaban. Charot lang! Ang sexy kasi niyang tumawa.

"Hay naku, Adrienne! Gustong gusto mo naman?" aniya. May dinukot ito sa bandang likuran at ibinigay sa akin. Isang pares ng tsinelas. Ang tsinelas ni Cinderella! Este ng mahal ko."  Gamitin mo muna yan. Pati na rin ang payong."

"Di ka ba papasok muna para magkape?"

"Next time na lang at baka abutan pa ako ng bagyo sa daan."

"Sige, salamat sa paghatid sa akin." Nag flying kiss pa ako sa kanya bago bumaba ng kotse. As usual, pinagtawanan lang ako ng mahal ko. Hinintay kong makaalis si Drake bago pumasok ng bahay. Hanggang pangarap na lang tayo girl kasi patay na patay siya sa nobya niya.

"Ma, good evening." Naabutan ko si Mama sa sala namin kaharap ng mga papel sa lamesa. "Ano po ang mga yan?" sabi kong inilapag ang mga gamit  sa luma naming sofa at pasalampak na naupo. Pagod na pagod ako. Paano na lang kaya kung hindi dumating si Drake?

"Anak, dumating na ang mga bills natin at ang notice ng bangko sa pagkakasanla ng bahay, " sagot ni mama. Naisanla kasi namin ang bahay noong nagkasakit si papa sa bato. Sa kasamaang palad ay hindi pa rin niya nakayanan ang sakit. Pumanaw siya sa edad na 49 tatlong taon ang nakaraan. Naiwan kay mama at sa akin ang lahat ng responsibilidad.

"Paano yan, Ma? Kukunin na ba nila ang bahay?" Umupo ako sa harap niya at tinuyo ng tuwalya ang aking buhok. Paano na kami pag nagkaganoon? Saan kami titira ni mama at ng dalawa kong kapatid?

"Hindi pa naman siguro, anak. Pero natitiyak kong yan ang mangyayari pag hindi natin nabayaran ang ating utang sa kanila?" ani Mama na tiniklop ang mga papel na hawak kanina. Matamlay siyang tumingin sa labas ng bintana kung saan napakalakas pa rin ng ulan." Sa mga ganitong araw ko na-mimiss ang papa niyo. "

"Ma, baka kailangan na nating lumapit sa mga kaanak ni Papa."

Si papa ay nagmula sa mayamang angkan ng mga Montreal pero hindi na kinilala ng mga kamag-anak simula ng sumama at nagpakasal kay mama. Isa lamang hamak na trabahador si Mama sa hacienda ng mga Montreal noon nang nagkaibigan sila ni Papa. Masyadong mahaba ang buhok ni mama-parang si Rapunzel lang siya noon.

Si Papa ang madalas magkuwento ng love story nila noong nabubuhay pa ito. Na pinagtatawanan ko lamang kasi tinutukso ko siyang nag-iilusyon noong una. Akalain mong mayaman daw siya pero hindi naman namin ramdam.

Hindi nga kami makapaniwala noong una, kasi uso pa ba ang story na ganoon, na itakwil ka ng pamilya dahil hindi nila gusto ang babaeng pinili niya. Wala ng ganoon sa mga nobela lang yon matatagpuan. Sa mga sulat na gawa ng mahal kong kaibigang si Zyra. Masyado ngang cheesy, minsan.

"Anak, alam mong hindi yan gugustuhin ng papa mo? Maghahain muna ako ng hapunan natin." Umalis si Mama papunta sa kusina kaya  sinundan ko siya at tinulungang maghain.

"Pero, Ma, wala na po tayong ibang malalapitan. Baka sa kalsada tayo pulutin pag nagkataon," sagot ko. Sinimulan ko na ring maglagay ng mga kubyertos sa mesa para sa aming apat.

"Sa tingin mo ba pag-uukulan nila tayo ng pansin lalo na ngayong wala na ang papa niyo? Mahirap lang tayo, Anica at hindi tayo nababagay sa mundo nila. Tawagin mo na ang mga kapatid mo," aniya. Nilagay na niya sa mesa ang ulam naming tinolang isda at pritong tuyo.

Iniwan ko siya sa kusina at tinawag ang dalawa kong kapatid. Si Andrei at  Andrea. Nasa college na rin ang dalawa kaya todo kayod kaming dalawa ni mama para mapagtapos sila. Pero sa liit ng kita ko sa publishing ay minsan napapatanong ako sa sarili kung paano sila igagapang.

Hanggang saan ko kakayanin ang lahat? Minsan napapagod din ako. Nabuburyong sa kaiisip ng mga kuwento na minsan hindi naman kinakagat ng mga mambabasa.

Ano ba kasi ang gusto nilang basahin?

Naiisip ko rin kung bakit namin kailangang maghirap kung puwede namang magbuhay prinsesa kami. Nasabi din sa akin ni papa noon na ang pangalan ko ay kuha sa pangalan ng mama niya na si Donya Monica Montreal. Kaya ayokong tawagin sa pangalan na yan kasi paano nila nakuhang mamuhay sa palasyo at pabayaan lang kami na malugmok sa hirap.

Lintek na pag-ibig yan! Mas piniling maghirap kaysa umupo sa trono, hindi naman nasasaing ang pagmamahal na yan. Ito lagi ang linya ko noon na minsan ikinasama ng loob ni mama sa akin.

Isang araw papasukin ko ang mundo ng mga Montreal at kukunin ko ang dapat na para sa amin. Kahit lang sana para sa mga kapatid ko at ng makapagtapos sila sa pag-aaral.

Naabutan ko si Andrea na nagtutupi ng mga nilabhan ni mama kahapon at si Andrei naman ay nagwawalis. Mababait na bata na pinagkaitan ng magandang buhay.

"Kakain na!" Sabay silang tumingin sa akin.

"Ate, si Kuya Drake ba yong naghatid sa'yo?" tanong ni Andrea. Sabay-sabay kaming tatlo na pumunta sa kusina.

"Oo, si Drake yon," tugon ko na naunang maupo." Kung hindi pa siya dumating malamang wala pa ako ngayon."

"Teka, ikaw ang nakatukang  mag-lead ng prayer, Anding," sabi ni Andrei na ikanalukot ng mukha ni Andrea.

Pinagtatawanan lang siya ni Andrei at nakisali na rin kami ni mama. Ayaw na ayaw niyang tinatawag siyang Anding. Mukha daw pang matanda samantalang Andrea Corinth naman ang totoo niyang pangalan.

"Palit tayo, ikaw na ang maglead ng prayer ako na maghuhugas pagkatapos-" Hindi niya natapos ang litanya ng pinanlakihan siya ng mata ni mama.

"Andrea!"si Mama."Magtutulakan ba sa pagdarasal? Sige na umpisahan mo na at ng makakain na tayo. Baka lumamig ang sabaw."

"Ma, ang sarap po talaga niyong magluto. Kaya pala patay na patay sa'yo si papa noon," sabi ni Andrei.

"Alam kong binobola mo lang ako at kung mambobola-" Sinadyang binitin ni mama ang sinabi.

"May kailangan." magkasabay naming sambit ni Anding este ni Andrea. Nagkatawanan lang ulit kami. Kabisado na namin ang ugali ni Andrei.

"Anong kailangan mo, bunso?"  tanong ko.

"Huwag na lang po, siguro,"sagot niyang nakayuko.

"Naku, nahiya ka pa. Ma, bumigay na po kasi ang sapatos niyang panlaro," si Andrea ang sumagot. Nagkatinginan kami ni mama at sabay na nagkibit ng balikat.

"Pero, Ma, ipapaayos ko na lang po yon, " ani Andrei. "Di pa naman urgent. Hehehe!"

"Sige lang, gagawa ako ng paraan, Drei. Kain na tayo," ani ko.

Pagkatapos naming kumain ay naiwan ang dalawa sa kusina para maglinis at maghugas ng pinagkainan namin. Dumiretso na ako sa kuwarto ko at dinukot ang alkansiya na tinago ko sa ilalim ng aking kama.

Mga sukli ito na inipon ko at kaninang nasira ang aking sandal ay naisipan kong buksan para bumili ng bago. Pero mukhang kailangan ito ni Andrei sa ngayon. Hindi ko naman kayang makita siyang maglaro na sira ang sapatos niya. Bawas points pa yon sa mga chicks, ang guwapo pa naman ng kapatid ko.

"Anak."Narinig kong kumatok si mama sa pinto ng kuwarto ko.

"Pasok, Ma." Ipinagpatuloy ko ang pagbibilang ng mga coins sa ibabaw ng kama. Naupo siya sa gilid ng aking kama at pinagmasdan ako.

"Anong ginagawa mo? Siyanga pala nakita ko sa labas ng pintuan ang sandal mo. Sira na pala yon."

"Oo, Ma. Bumigay kanina ng nalubog sa tubig. Mumurahin lang naman kasi yon," sagot ko at inabot sa kanya ang perang naipon ko."1500 po yan."

"Para saan naman to?"

"Ibili niyo po ng bagong sapatos si Andrei," sagot ko. Ibinalik niya ang pera sa akin.

"Ako na ang gagawa ng paraan para sa sapatos niya. Ibili mo na lang yan ng bagong sandal." Inabot ko ulit sa kanya ang pera.

"May magagamit pa naman ako diyan. Tsaka yong pambayad ng tubig natin at kuryente bukas ko na ibibigay pag-uwi ko po. May natira ako sa atm ko na kunting pera kukunin ko na lang yon."

Hinawakan ni Mama ang kamay ko at nakita ko na lang na napaluha siya." Salamat, anak at nandiyan ka palagi para umalalay sa'kin."

Umusog ako at niyakap si Mama." Kahit ano po basta't para sa inyo, Ma. Gagawin ko po ang lahat para matulungan kayo."

"Kung sana, hindi lang ako ang pinili ng tatay niyo, di sana maayos ang buhay niyo ngayon."

"Ma, patawarin niyo po ako kung nasabi ko sa'yo yon minsan. Pero wala po kayong kasalanan. Mahal na mahal po kayo ni papa. Mahal po namin kayo. Kaya po natin ito," sabi kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya.

Makakaahon din tayo, Mama. Pangako.