Chapter 20

Naglalakad ako ngayon pauwi sa aming bahay. Tila nawalan ako ng ganang sumakay. Mabuti ng ganito ang ginagawa ko, may sapat akong oras para himay-himayin ang mga nangyayaring kakaiba sa akin.

Malapit ng lamunin ng dilim ang liwanag, kulay kahel na ang kalangitan at papalubog na ang araw, paunti-unti na ring dumarami ang mga sasakyan at taong dumadaan, tanging mga busina at tunog ng mga sasakyan at sigaw ng mga barker ang maririnig sa paligid. Unti-unti na ring umiilaw ang mga signboards ng iba't-ibang pamilihan.

Mabuti pa ang paligid ko, normal. Walang kakaiba. Araw-araw umuusad ang kanilang buhay sa paraang nararapat rito, hindi kagaya ng buhay ko, araw-araw iba't-ibang kakaibang bagay ang nangyayari.

Napapaisip rin ako minsan, baka isa lang talaga itong mahabang panaginip at ang kailangan ko lang gawin para tumigil ito ay ang magising, pero hindi e, hindi 'to panaginip. Totoo ang lahat!

Napatingin ako sa dinaraanan ko, isang eskinita nalang at mararating ko na ang bahay namin. Napangiti ako nang biglang pumasok sa isip ko si Kiel, na naghihintay na sa aking pagtulog.

Nailing nalang ako bago pinasok ang madilim na eskinita. Kapag nalampasan ko ito, ang daan papuntang bahay na kaagad namin ang sasalubong sa akin.

Pagkapasok ko, tanging isang lamppost lamang ang nagbibigay ng ilaw, at ang masaklap pa, malapit na itong sumuko, patay-sindi na ang ilaw nito. Kinabahan tuloy ako. Baka biglang sumulpot ang matandang babae at kapag ginulat niya ako, masusuntok ko talaga ang mukha niya!

Nakayuko kong nilakad ang eskinita, pigil ang aking paghinga, kagat-kagat ang ibabang labi, at kuyom-kuyom ang aking mga kamay.

"Pst!" Nanigas ako nang marinig ko ang sitsit na 'yon. Nagpalinga-linga ako sa buong paligid ngunit wala akong makita. Huwag mong sabihing... baka panibagong kababalaghan na naman ito?!

"Pst!" Napalunok ako. Huminga ako ng malalim para makakuha ng sapat na lakas ng loob.

"Sino 'yan? Magpakita ka." Kalmadong saad ko pero hindi ko parin maiwasang hindi manginig dahil sa malamig na ihip ng hangin. Tuluyan ng sinakop ng dilim ang buong kalangitan.

Nang walang sumagot sa akin ay dahan-dahan akong tumalikod para magpatuloy sa paglalakad. Mas mabilis ang mga paghakbang ko. Nabuhayan ako ng loob nang makitang malapit na akong makalabas sa eskinita.

Ngunit bago pa man ako makalabas, isang magaspang na kamay ang humila sa aking braso at marahas akong idinikit sa sementadong pader.

"Hi Miss Byutipol..." Bulong nito sa akin. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba nang maamoy ko ang alak at sigarilyo sa kaniyang hininga. Lasing ang taong 'to!

Hindi ko maaninag ang kaniyang mukha sa kadahilanang nasa madilim na parte na kami ng eskinita.

"Ang bango mo naman, ang sarap mo siguro..." Malagkit nitong saad bago inamoy ang aking leeg. Nagpumiglas ako ngunit lubhang mas malakas siya sa akin. Hinawakan niya ang aking magkabilang kamay at idinikit sa malamig at magaspang na pader.

Napaluha ako dahil sa takot at pangamba. Hindi niya pwedeng gawin sa akin 'to!

"Bitawan mo ako!" Pagpupumiglas ko kasabay ng pagsipa ko sa kaniyang pagkalalaki.

"Aray! Walanghiya kang babae ka!" Daing nito bago niya pinakawalan ang malakas na suntok sa aking tiyan, dahilan para maramdaman ko ang kakaibang sakit na nagdulot ng panghihina ng aking tuhod at panlalabo ng aking paningin. Isa pang suntok ang pinakawalan niya sa aking tiyan kaya napaluhod nalang ako habang sapo-sapo ang sinuntok niya.

Hindi ko magawang makapagsalita dahil tila kapos na ang aking katawan sa hangin.

"Ngayon, hindi kana makakapalag." Mala-demonyong saad nito.

Unti-unti ng bumabagsak ang aking katawan sa sementadong daan, ngunit bago 'yon nangyari, nakita ko pa ang pagbagsak ng lalaki sa aking harapan at nagdilim na ang buong paligid.

Nagising ako na nasa loob na ng aking kwarto. Napatingin ako sa orasan sa aking side table at nakitang hatinggabi na pala, at alam ko na ang ibig sabihin no'n, panaginip ko na ito.

Nakapagtataka lang kung bakit wala akong Kiel na nakikita. Dapat nandito na siya sa tabi ko at mina-manyak ako, pero wala. Nakakapanibago.

Bumangon ako at nagtungo sa aking cabinet para kumuha ng jacket. Balak kong lumabas ng bahay. Hindi ko alam kung bakit bigla nalang pumasok sa isip ko ang bagay na 'yon, pero curious rin kasi ako kung ano ang nangyayari sa ganitong circumstances.

Atsaka, balak kong hanapin si Kiel.

Pagkalabas ko ng kwarto ay hinanap ko muna si Kiel sa buong bahay, ngunit wala talaga siya.

Nasaan kaya ang manyak na incubus na 'yon?

Lumabas ako ng bahay at napahigpit ang hawak ko sa laylayan ng aking jacket. Ibang-iba ang lamig, nanunuot sa laman. Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid- tahimik.

Tanging tunog lang ng mga kuliglig ang maririnig, walang mga sasakyang dumadaan, walang taong naglalakad, at walang Kiel.

Napabuntong hininga ako bago dahan-dahang lumabas ng gate. Nilakad ko ang mahabang kalsada at hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa eskinitang dinaanan ko kanina.

Napaisip ako. Sino kaya ang tumulong sa akin? Wala talaga akong maisip na pwedeng gumawa no'n dahil wala naman akong nakitang sumusunod sa akin kanina.

Habang naglalakad ako ay may naaninag akong babaeng naglalakad palapit sa akin. Hindi ko siya maaninag dahil may kung anong nakakasilaw na liwanag ang nagmumula sa kaniyang katawan.

Pero habang paunti-unti siyang lumalapit, unti-unti ring nawawala ang liwanag.

At nang mawala ang liwanag, nanlaki ang aking mga mata.

"Jenny?" Tanong ko habang sinusuri ang taong tinuring ko na ring kaibigan. Nakasuot ito ng mahabang puting kasuotan na lagpas sa kaniyang paa, may suot rin siyang headdress na kulay ginto. Kahit wala na ang liwanag, kitang-kita ko parin ang kaniyang balat na nagliliwanag sa kaputian.

Ngumiti ang dalaga bago ako niyakap ng pagkahigpit-higpit. Ngunit parang hindi ko man lang naramdaman ang kaniyang yakap sa kadahilanang walang temperatura ang kaniyang katawan.

Kagaya nung matandang babae.

"Kamusta ka?" Tanong ko rito. Humiwalay siya sa pagyakap sa akin. Tiningnan niya ako habang may nagtatakang tingin sa kaniyang mga mata.

"Nakikita mo ako?" Tanong nito sa akin.

Kumunot naman ang noo ko.

"Oo, nakikita kita. Bakit naman 'yan ang tanong mo?" Nagtatakang tanong ko rito. Umiling lang siya bago hinawakan ang aking magkabilang kamay.

"Hindi mo dapat kami nakikita." Saad nito habang umiiling.

"Kami?"

"Ah, huwag mong pansinin ang sinabi kong 'yon. Ang ibig kong sabihin kasi, bakit nakikita mo ang nilalang na kagaya ko?" Tanong nitong muli. Konti nalang, maniniwala na akong humithit ng katol ang babaeng 'to.

"Hindi kita maintindihan, Jenny. Para namang hindi ka isang normal na nilalang." Pabirong saad ko at bahagya pang ngumiti pero kaagad ring nawala nang makitang seryoso nga siya.

"Hindi ako normal na nilalang, Hannah." Saad nito at mas humigpit ang kaniyang pagkakahawak sa akin. "Kailangan mo ng magising. Pero tandaan mo, sa oras na imulat mo ang iyong mga mata, may magbabago na."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Makikita mo na ang mga bagay na hindi mo dapat makita. Dahil nagkaroon ka na ng kakayahang makita ang mga nilalang na kagaya ko. At hindi ko alam kung paano ito nangyari."