"Aalis na kami," malungkot kong wika habang nakayakap sa kanang braso ni lola ang isa kong kamay, habang ang isa nama'y nakasalikop sa mga daliri niya at nakasandal ang ulo ko sa balikat niya, ganoon din si ate sa kabila.
Sandali niyang piniga nang mahina ang kamay ko at nginitian ako nang matamis na sinuklian ko naman ng isang malapad na ngiti.
"Mag-iingat kayo sa biyaheng dalawa ha, mga apo."
"Opo," sabay naming sabi ni ate.
"Hmm! Kayo talaga! Kailan pa kayo lumaki ng ganito, parang kahapon lang hanggang bewang ko lang kayo ngayon, mas matangkad pa kayo sa akin."
"Tumayo po kasi kayo, lola," biro ni ate na agad kong sinakyan.
"Oo nga po. Tayo po kayo dali!"
"Ah, ganoon?"
Nagpumiglas siya at ninais na makawala, pero hindi namin hinayaan ni ate na mangyari iyon, nilabanan namin ang lakas niya hanggang sa kusa siyang sumuko.
Huminga siya nang malalim at marahas itong pinakawalan. Sinamaan niya kami ng tingin. Nginitian lang namin siya na kita pati gilagid.
"Sarap niyong pagbuhuling dalawa," nanggigigil niyang sabi.
Napabuntong-hininga siya at nagsimulang humakbang ulit na sinabayan namin ni ate habang tumatawa.
Naglalakad kaming tatlo sa manipis na pathway palabas ng bahay. Sabay at maingat kaming humakbang pababa sa tatlong baitang na sementadong hagdan sa harap ng gate.
Naka-ngusong tinitigan ni ate si lola.
"Mag-iingat kayo dito, lalo na ikaw lola. Siguraduhing naka-lock ang gate, mga pinto at bintana bago matulog. Huwag na huwag kang magpapasok ng kahit na sino lalo na kung hindi niyo kilala. Huwag na huwag makikipag-usap kung kani-kanino. Kung may nag-alok sa'yo ng kendi at inaya kang sumama sa kung saan, tapos creepy iyong aura at iyong mukha nang nag-alok, huwag mong tatanggapin at huwag kang sumama. Okay?"
Napahagikhik ako kasama ng ibang mga kasama namin sa bahay dahil sa mga sinabi ni ate.
"Diyos ko, Bridgette, ginawa mo naman akong bata."
"Tapos—"
"Paano kung gwapo atsaka maskulado, sasama ba ako?" pilyang tanong ni lola at binasa ang labi gamit ang kaniyang dila habang walang-tigil sa kakakurap ang kaniyang mga mata.
"Lola naman! Yuck!" nandidiri siyang humiwalay kay lola.
Muling kaming natawa dahil sa reaksiyon ni ate.
"Bakit?" inosenteng tanong ni lola.
"Ang laswang tignan ng ginawa niyo. Nakakadiri." Pinipilit ni ate na sabihin iyon ng seryoso pero hindi niya mapigil ang hindi matawa.
"Nakakadalawa ka na sa aking bata ka! Lagot ka talaga sa akin!"
Sinamaan ako ng tingin ni lola kaya agad ko siyang binitiwan. Nang makita iyon ni ate, agad siyang tumakbo. Ilang minuto silang naghabulan kasabay ng mga tawa naming sumasabay sa kanilang mga hapong halakhak.
"Pinagod mo akong bata ka!" hinihingal na sabi ni lola habang hila-hila si ate sa tenga.
"Tinulungan ko lang po kayong mag-exercise."
"Exercise?"
"Naipasok na po namin sa sasakyan ang lahat ng bagahe," wika ni kuya Lawrence .
Pinikot muna ni lola ng isa pang beses si ate bago pinakawalan. Nagpakawala siya ng marahas na hininga at bumaling sa direksyon ko.
"Tin-Tin, apo. Ikaw na ang bahala sa ate mo. Bantayan mo ng mabuti. Kapag sobra na ang pagiging pasaway at tigas ng ulo, paluin mo sa puwet, kapag hindi pa din nadala, alam mo na."
Dumiretso ako ng tayo at sumaludo.
"Opo. Kapag hindi pa rin nadala si ate sa palo, pwersahan kong aagawin ang mga candies at chocolates niya at hindi hahayaang makakain ng kahit anong matamis buong araw!"
"That's too much! I—
Sinamaan siya ng tingin ni lola, iyong tipo ng tingin na nakakatakot na pati kaluluwa mo manginginig at mangingilabot.
"May sinasabi ka?"
"Huh? Ako? Wala, lola. Ang sinasabi ko lang ang ganda niyo, sobra, pero, mas gaganda kayo lalo kung hahayaan niyo ako. Ang tanda niyo na—I mean, ang tanda ko na, hindi ko na kailangan ng bantay. Kaya ko nga sinama si Tin-Tin para makapag-relax at makalimutan iyong gunggong na Alfred na iyon, tapos bibigyan niyo pa siya ng sakit sa ulo. Kaya ko na ang sarili ko. Don't worry about me. Hm?"
Walang emosyong nakatingin sa kaniya si lola.
"Ang daldal mo. Ang ingay mo."
"La, naman!"
"Hala! Sige na, lumarga na kayo, Tin-Tin, Bridgette. Hala! Hala! Hala! Gora na kayo!"
Biglang napatawa nang malutong si ate at tumingin kay lola.
"Ano? Gora? Batang-bata ha."
"Che!"
Binelatan ni ate si lola at lumapit sa mga kasama namin sa bahay.
"Nanay Fe, Aling Berta, Ate Therrese, Kuya Bong, Kuya Tirso, kayo na po muna ang bahala sa bahay at lalong-lalo na do'n sa feeling millenial na iyon o'. Bantayan niyo ho siyang maiigi. Huwag niyo siyang hahayaang magpupupuyat sa kakanood ng mga kdrama. Mag-iingat po kayo dito."
Tumango-tango sila.
"Hoy! Bridgette, narinig ko 'yon! Huwag niyo siyang pakinggan!"
"Hindi ka namin marinig, lola."
"Tawagan niyo po kami agad kapag ayaw ni lolang inumin iyong mga maintenance niya. Pagpatak po ng eksaktong alas-otse ng gabi, patayin niyo na po iyong wifi at huwag na huwag niyo nang bubuksan ulit kahit na ano pa pong sabihin ni lola. In-uninstall ko po muna ang mga food delivery at online shopping app niya, kapag pina-install niya po sa inyo ulit, sabihin niyo pong hindi niyo alam kung paano. Siguradong mababagot po siya ng sobra. Ihanda niyo na po ang inyong mga sarili pati na po ang inyong mahabang pasensiya sa pranks na gagawin niya.
"Opo," wika nila na natatawa ng alangan at tumingin sa isa't isa.
"Fighting!" sabay-sabay nilang sabi at ginawa iyong signature move sa kdrama, na taas-baba ng kanilang balikat habang nakakuyom ang kamao.
Napatingin kami ni ate sa isa't isa.
"Fighting," sabay naming sabi na nakangiti at ginaya ang aksyong ginawa nila.
"Nasa loob na po ng van ang lahat ng bagahe," rinig kong sabi ni Mang Mindu kay lola.
"Oo nga. Nasabi na sa akin ni Lawrence. Paulit-ulit?" Napakamot na lamang sa ulo si Mang Mindu. "Kayong dalawa na ang bahala sa mga apo ko, Mindu, Lawrence. Mag-iingat sa daan ha, huwag matulin ang pagpapa-andar. Wala kayong hinahabol na kung ano man."
"Opo," rinig kong sabay na sagot ni Mang Mindu at Kuya Lawrence.
Tumingin ako kina ate Therese at may balak pa sanang ipahabol na bilin, kaya lang, bago ko pa man maibuka ang bibig ko, nahila na ako ni ate palapit kay lola. Sabay namin siyang yinakap nang mahigpit at hinigpitan pa niya lalo na parang nanggigigil sabay hila sa akin palayo na pareho naming kinagulat ni lola. Bago pa kami makabawi, mabilis na lumapat ang labi niya sa pisngi ni lola.
"Alis na kami. Bye. Love you!"
Gagayahin ko sana siya pero sa ikalawang pagkakataon, hinila na naman niya ako bago ko pa man magawa ang gusto kong gawin.
"Ate!"
"Ano?" nakangisi niyang sabi na kumikinang ang mga mata. Napabuntong-hininga ako. Excited na excited na talaga siyang makita ang bahay nila.
"Dahan-dahan naman sa paghila, masira bag ko."
"Sorry." Agad niya akong binitiwan. Inayos ko ang pagkakasukbit ng dalawang strap sa balikat ko at nginitian siya.
"Sandali," pigil ko sa kaniya nang makitang, hihilahin na naman niya ako gamit ang bag ko.
"Ba-bye, la!" sigaw ko at nag-flying kiss gamit ang dalawang palad. Pagkatapos na pagkatapos kong gawin iyon, inabot ko ang palapulsuhan ko na agad niyang hinawakan at hinila subalit sa pagkakataong iyon, maingat na at dahan-dahan, slow motion—nang-iinis. Sinamaan ko siya nang tingin na sinuklian niya lang ng mas nakakainis na ngiti.
Binuksan niya ang pinto ng van at itinulak ako papasok, agad siyang sumunod. Sabay kaming kumaway ng nakangiti.
"Babalik din kami agad. Bago niyo pa mamalayang miss niyo na kami, lumipas na ang dalawang linggo at naka-uwi na kami! Ba-bye!" sigaw ni ate at sinara ang pinto.
"Let's go!" masayang sigaw ni ate sabay taas ng kaliwang kamay niya at pikit ng mata. Kumunot ang kaniyang noo, siguro'y dahil wala siyang nakuhang sagot o dahil ilang segundo na ang dumaraan at hindi pa rin umaandar ang sasakyan.
Napabuntong-hininga ako at napa-iling-iling. Kinuha ko mula sa mukha ni Doraemon kong backpack ang cellphone at earphone ko, isinaksak ang earphone sa cellphone at isinuksok sa mga tenga ko ang earphone, nagtungo sa music player at pinatugtog ang playlist ko na puro heartbreak at moving on songs.
"Huh? Nasaan na si Mang Mindu at Kuya Lawrence?" rinig kong tanong niya bago pumailanlang sa tenga ko ang isang pamilyar na awitin.
Sumandal ako at ipinikit ang mga mata. Yinakap nang mahigpit ang malambot at amoy downy kong bag.
Bahala si ate diyan, inaantok ako, idagdag pa itong kaba na kagabi pa kumikitkit sa katiting na tapang na nagpapanitili sa aking naka-upo dito.
Napamulat ako ng maramdaman ang paggalaw ng sasakyan. Nakita ko si ateng binuksan muli ang pinto at lumabas. Nagmamadali siyang naglakad palapit kay lola at hinila sina Mang Mindu at kuya Lawrence, na mukhang binibilinan pa ni lola ng kung anong seryoso. Nang makalapit, hinawakan niya ang palapulsuhan ng dalawa at binelatan si lola, bago patakbong hinila ang dalawa habang nakangiti nang malapad.
Halos umusok ang ilong at tenga ni lola sa inis. Agad kong inalis ang isang pares ng headset at umusog palapit sa pinto. Kinalikot ang cellphone ko at pinindot ang camera. Zinoom sa mukha ni lola at walang tigil na pinindot ang capture button.
"Bridgette! Ang bastos mong bata ka! Ibalik mo sila dito! May sinasabi pa ako! Bridgette!"
"Bye, la. See you after two weeks! Mwah!"
Humalik siya sa hangin sa direksyon ni lola at humarap sa dalawa sabay bitaw sa kanila nang may pag-iingat.
"Alis na po tayo."
Tumango sina Mang Mindu at kuya Lawrence saka naglakad papunta sa harap. Agad namang pumasok si ate at sinara ang pinto.
"Let's go!" biglang sigaw ni ate.
Napaigtad ako maging sina Mang Mindu, dahil sa gulat.
"Sorry! Excited lang. Let's go!"
Umusog ako at sumandal. Isinuksok pabalik ang isang earphone na tinanggal ko kanina at nagsimulang magpalipat-lipat sa mga larawang kuha ko. Kasabay ng pag-andar ng sasakyan at pagsasayaw ni ate, ay ang pag-edit ko sa mga litratong napili ko.
"What are you doing?"
Agad kong pinihit ang katawan paharap kay ate upang hindi niya makita ang kababuyang pinaggagawa ko sa mukha ni lola.
"Oh!" gulat niyang sabi na nagpatigil sa akin at agad tiningnan ang tinuturo niya. Ang polaroid photo na nakalagay sa likod ng phone ko na kitang-kita dahil sa transparent na case ko.
"Baka sakaling hindi siya maniwalang ako nga si Tin-Tin. Mabuti ng handa ang ebidensiya," naka-ngiti kong sabi.
"Aysus! Ano nga 'yang ginagawa mo, kanina ka pa humahagikhik na parang nasisiraan ng ulo. Nakakatawa ba? Patingin!"
Hindi niya ako tinantanan sa kakasubok na maagaw ang phone ko at nang kilitiin na niya ako, napabuntong-hininga ako, senyales nang pagsuko at iniabot sa kaniya ang cellphone ko.
"Pfft!" Humagalpak siya ng tawa na may kasamang hawak pa sa tiyan.
...
Tumatawa siyang huminga nang malalim at dahan-dahan itong pinakawalan sabay abot sa akin ng phone.
"Pasa mo iyan sa akin mamaya," sabi niya na pinunasan ang mga luhang naipon sa gilid ng mata niya.
Tumango ako at nakangiting ipinagpatuloy ang ginagawa. Napatingin ako sa bintana ng sasakyan nang may patak ng tubig na bigla na lamang lumitaw mula sa kung saan. Doon ko lamang napansin ang makapal at maitim na ulap na anumang oras ay bibigay na. Hindi nga ako nagkamali, ilang sandali pa'y bumuhos ang malakas na ulan. Agad kong tinanggal ang isang earphone at ipinikit ang mga mata, nagpakalunod sa awiting nililikha ng ulan na sumasabay sa makabasag pusong kantang aking pinapakinggan na hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.
...
Nagising ako dahil sa mainit na hanging maya-mayang dumadampi sa pisngi ko. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata at ang napaka-panget na mukha ni ate ang aking nakita na ilang dipa lamang ang layo sa mukha ko.
Napatili ako at napaatras—nagsumiksik sa sulok ng upuan.
"Grabe ka naman! Nakaka-offend iyong tili mo! Daig mo pa iyong nakakita ng multo!" galit niyang sigaw.
Ngumiti siya nang malapad at inayos ang kaniyang buhok upang itali.
Siraulo. Galit tapos biglang ngingiti? Baliw.
"Nandito na tayo. Bago natin puntahan ang fiance mo, libutin mo na natin ang bahay namin!"
Agad siyang bumaba ng sasakyan nang maitali ang kaniyang buhok at tumakbo papasok habang pakantang sumisigaw ng kantang inembento niya—on the spot.
Huminga ako nang malalim at dahan-dahan iyong pinakawalan. Ilang beses kong inulit iyon hanggang sa maka-ipon ng lakas ng loob sapat para makalabas ng sasakyan.
Pagtapak na pagtapak ko sa kalsadang dati'y matalik na kaibigan ng mga paa ko, ay pagragasa ng mga ala-ala—masasaya't malulungkot kasamang ng mga taong naging panandaliang parte ng pagkabata ko, na akala ko'y nalimot ko na. Hindi ko maiwasang hindi maluha.
"Tin-Tin?"
Ang boses na iyon, hindi ako maaring magkamali.
Agad akong lumingon sa likod ko kung saan nanggaling ang pamilyar na boses na iyon at nakita ang taong inaasahan kong makita. Ngumiti ako nang malapad at tumakbo payakap sa gulat pa ring siya.
"Ate Klaren!" mangiyak-ngiyak kong tawag sa pangalan niya.
"Oh my God! Tin-Tin! Ikaw nga ba talaga 'to?"
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko at marahan akong itinulak palayo sa kaniya.
"Tin-Tin! As in Tin-Tin iyakin?"
"Ate naman e'!"
"I miss you so much!"
Muli niya akong yinakap na halos pigain na ako sa higpit na hindi na ako makahinga. Agad kong pinagpapalo ang likod niya.
"Ate, I can't breathe!" nahihirapan kong sabi. Agad niya akong binitiwan.
"Sorry!"
Huminga ako nang malalim at sabay kaming tumawa.
"Ikaw lang ba mag-isa?"
"No, kasama ko si ate. Nasa loob ng bahay. Bahay nila."
"Kay ate Bridgette? As in iyang mansion na iyan?"
"Kay ate nakapangalan ang bahay pero para sa kanilang dalawang mag-asawa iyan."
"Asawa? May asawa na si ate Bridgette?"
"Oo," natatawa kong sabi dahil sa palaki nang palaki niyang mga mata.
"Let's go! Kailangan kong ma-interview si ate Bridgette!" Hinawakan niya ang palapulsuhan ko at hinila ako papasok ng bahay.
"Ate Klaren," nagdadalawang-isip kong tawag sa kaniya.
"Hmm?"
"Si Tan-Tan—"
Bigla siyang napatigil sa paglalakad kaya natigilan din ako. Malungkot siyang humarap sa akin.
"Hindi na kayo nag-abot. Kaka-alis lang niya kanina, pauwi na siguro iyon ng Manila."
Ngumiti siya nang malapad.
"But, I have his contact number, bigay ko sa'yo mamaya, nasa bahay kasi ang phone ko, ay! Inutusan nga pala ako ni mama, mauna ka ng pumasok. Babalik din ako agad."
Agad siyang tumakbo paalis.
"Manila?"
Inilapat ko sa gitna ng dibdib ko ang kaliwang palad ko at pinakiramdaman ang tibok ng puso ko.
"Why do I feel relieved and disappointed, at the same time, Tan-Tan?" wika ko sa hangin. Ilang minuto akong nakatingin sa kawalan, sinusubukang sagutin ang sariling tanong, nang hindi mahanapan ng magandang paliwanag, napabuntong-hininga ako at humarap sa bahay.
...