Chapter 2: CRUSH! PABILING NAPKIN

Ayaw ko na! Ayaw ko na talagang lumabas ng kwarto! Wala na akong mukhang ihaharap sa kanila! Lalo na kay Kios!

Deputa naman kasing tagos na yun eh!

Ano nalang ang sasabihin niya sa akin!? Na isa akong burara, dugyot, walang pinagaralan, at walang dignidad na babae!?

Mababaliw na ako!

“Sam” bigla akong natigilan sa pagmamaktol ng marinig ang boses ni Kuya mula sa labas ng kwarto.

Isa pa tong si Kuya! Ang sarap isako!

“Sam” tawag na naman nito ng hindi ako sumagot.

Manigas ka jan!

“Hoy, Sam! Lalabas ka jan o sisirain ko tong pinto mo!?” pananakot nito.

Napabuntong hininga nalang ako at umalis mula sa pagkakaupo sa kama para pagbuksan siya ng pinto.

“Ano bang kailangan mo!?” pagtataray ko sa kaniya kahit na ang totoo ay nahihiya talaga ako sa kanya dahil sa nangyari kanina!

“Kunin mo to” seryosong saad nito habang inaabot sa akin ang isang paper bag.

Kunot noo ko itong tinanggap. “Ano ba to?” kunot noong tanong ko, pero bigla nalang ako nitong iniwanan ng walang sabi sabi.

Anong drama nun?

Kunot noo kong sinilip ang laman ng paper bag. At ganun nalang ang pagpula ng mukha ko ng makitang ibat ibang klaseng brand ng napkin ang laman ng paper bag!

Binili ba tong lahat ni Kuya!?

Kaagad kong sinara ang pinto ng kwarto at isa isang tiningnan ang mga pack ng napkin.

At ganun nalang ang pagkunot ng noo ko ng makitang may nakadikit na sticky note sa bawat isang pack ng napkin! Ano ang mga to?

Isa Isa kong binasa ang mga nakasulat sa mga sticky note.

-Sam, ang cute mo!

--Blue na gwapo.

Sam, gamitin mo yang Whisper, ako ang pumili nyan.

--Grey na Macho.

Sam, hindi ka ba nagkakarashes sa Napkin na Modess? Huwag mo nalang gamitin kapag nagkakarashes ka.

--Awesome Levi.

Little Sis, tandaan mo, flat ka kaya huwag kang mag drama.

--Kuya mong habolin ng mga babae.

Hey, Pretty!

---Kios only yours.

Ganun nalang ang pag gulong gulong ko sa kama ng mabasa ang sulat ni Kios! Pakiramdam ko nagcacart wheel ang puso ko!!

“Kiosss!!! Pakasal na tayo!!!”

“Sam, Princess?” Natigil ako sa pag gulong gulong nang biglang kumatok si Papa sa kwarto ko!

Hindi naman siguro ako narinig ni Papa diba?

“Sam” Tawag na naman ni Papa sa akin.

“P-papa?” nauutal na tanong ko.

Baka kasi narinig ako ni Papa!

“Lumabas ka na jan, bakit ka ba nagkakampo jan sa loob ng kwarto mo?” biglang tanong nito mula sa labas ng kwarto.

“Busy ako sa pagaaral dito Papa, kaya huwag mo muna akong pakialaman” pagsisinungaling ko.

Ayaw ko paring lumabas! Nahihiya parin ako sa mga mamamayan ng bansang Pilipinas!

Paano ko kaya haharapin si Kios nito!? Wala na akong mukhang ihaharap kay Blue! Atan! At Levi!

Wala akong pakialaman kay Kuya, bahala siya sa buhay niya!

“Sam, Princess, alam kong hindi ka nagaaral jan kaya lumabas ka—”

“Sinasayang mo lang ang laway mo jan Papa” Biglang pagsingit ni Kuya.

Nandiyan din pala ang kumag na yan. Biglang aalis, tapos bigla na namang susulpot.

Narinig kong napabuntong hininga si Papa. “Cloud, palabasin mo yang kapatid mo jan sa lungga niya” biglang utos ni Papa.

“Bakit ko naman gagawin yun Papa? Bahala siyang manigas jan sa loob ng kwarto niya” narinig kong kibit balikat na sagot ni Kuya!

Tamaan sana ng isang damukal na kidlat ang walang pakialam kong Kuya!

“Wala kang allowance sa loob ng isang linggo kapag hindi mo napalabas yang kapatid mo” pananakot ni Papa kay Kuya.

Very Good Papa! Oras na para makaganti ako kay Kuya. Hindi ako lalabas dito kahit na anong mangyari para wala siyang allowance sa loob ng isang linggo!

“Papa naman—”

“Palabasin mo yang kapatid mo. Tapos ang usapan” putol ni Papa kay Kuya at narinig ko ang papalayo niyang yabag.

Mahal na mahal talaga ako ni Pa—"

“Hoy! Sam! Lumabas ka na jan!” Pagdadabog na sigaw ni Kuya.

“Manigas ka jan! Hindi ako lalabas dito!” Balik sigaw ko sa kanya.

“Lumabas ka na jan! Ano ka ba! Sisirain ko talaga tong pinto mo!” pananakot nito.

“Edi sirain mo! Kung gusto mo, isali mo pa tong loob ng kwarto ko!”

Hindi ako mapapalabas ni Kuya. Kahit pa kaladkarin niya ako dito, walang makapapalabas sa akin!

“Sam, ayaw mo talagang lumabas?” biglang tanong nito.

“Ayaaawwwww”

“Kung ganun, ibibigay ko kay Kios itong diary mo” pananakot nito na lihim kong ikinataranta.

Anong diary!?

“Hindi mo ako maloloko Kuya! Hindi ako uto uto!” nagtatapang tapangang sigaw ko. Kahit na ang totoo natataranta na ako! Paano kung may hawak nga talagang diary si Kuya!

Napahinto ako ng biglang tumahimik ang labas ng kwarto ko. Tsk. Ang weak pala ni Kuya—”

“Dear Kios, matagal na akong may gusto sa’yo, hindi ko lang talaga kayang sabihin. Hindi ko ma-explain, pero sa tuwing nagkikita kita, nagliliwanag at kumikinang ang buung paligid—"

Auto takbo ako palabas ng kwarto nang biglang binasa ni Kuya ang diary ko para kay Kios! Bakit nasa kanya yan!

Dali dali kong binuksan ang pinto at bumungad sa akin ang nakangising mukha ni Kuya habang hawak hawak ang diary ko!

“Kuya! Akin na yang diary ko!” galit na saad ko kaniya.

Biglang ngumisi si Kuya. “Bakit ko naman to ibibigay sayo?” Nakangising tanong nito. “Ibibigay ko to kay Kios” saad nito at kaagad na kumaripas ng takbo palabas ng bahay!

“Mama! Si Kuya!” sumbong ko habang hinahabol ko si Kuya.

“Papa! Napalabas ko na sa lungga niya si Sam!” sigaw ni Kuya habang patuloy na tumatakbo palabas ng bahay.

Huminto ako sa pagtakbo ng maramdamang biglang sumakit ang puson ko!

Humanda ka Kuya!

Kakalbohin talaga kita!

MAKALIPAS ang ilang minutong paghahabulan namin ni Kuya, natagpuan ko nalang ang sariling nasa labas ng bahay, katapat sa tindahan nila Kios.

“Kuya, ibalik mo na sa akin yang diary ko!” mahinang saad ko kay Kuya habang pinanglalakihan siya ng mata.

Bakit naman kasi nandiyan pa si Kios sa harapan ng tindahan nila!

Kung sinuswerte nga naman ako. Tahimik lang itong nakaupo sa harapan ng tindahan nila habang nagbabasa ng libro. Mas lalo itong gumwapo.

Panay ang salita ni Kuya pero hindi ko maintindihan. Nakatakip kasi ang kamay ko sa bibig niya. For safety measures lang tong ginagawa ko.

“Kuya! Nakakainis ka na talaga.” Naiinis na saway ko dito, hindi parin ito matahimik kahit na tinakpan ko na ang bibig.

“Cloud”

“Hmmp, hmp hmp” Pag-iingay nito.

“Ano ka ba, Kuya! Ibigay mo nalang kasi yang diary ko—”

“Cloud.” Kaagad akong naestatwa sa kinatatayuan ko nang biglang marinig ang boses ni Kios mula sa likoran!

Anak ng tupa talaga!

Kinawayan naman ni Kuya si Kios gamit ang kamay niya na may hawak sa diary ko!

Bakit ba napakaswerte kong babae!?

Inalis ko sa pagkakatakip ang kamay mula sa bibig ni Kuya. Kaagad akong dumeretso ng tayo. Pinunasan naman ni Kuya ang bibig niya.

Ano bang akala niya sa kamay ko? May ketong?

“What brought you here, bud?” Tanong nito habang hawak-hawak parin ang diary ko. Gusto ko itong dukutin mula sa kamay niya.

Napatingin sa gawi ko si Kios kaya kaagad akong nag-iwas ng tingin. Sana lamunin nalang ako ng lupa!

Naaalala pa siguro nito ang t-tagos ko kanina! Nakakahiya!

Tumingin ulit ito kay Kuya. “Gusto ko lang sanang magtanong kung may libro ka ba about sa assignment natin sa physics?” Tanong nito. Kapagkuwan, biglang kumunot ang noo nito ng dumako ang tingin sa diary kong hawak-hawak ni Kuya!

Oh God!

“Wow, Cloud! It’s a miracle.” Natatawang saad nito. “Marunong ka na palang magbasa ng libro ngayon?” Tanong nito habang nakatingin sa diary ko.

Ang lakas ng tibok ng puso ko habang pinalipat-lipat ang tingin kay Kuya tsaka kay Kios.

Huwag lang sanang sumumpong ang ka abnormalan ni Kuya. Pepeng dasal ko.

“Ah!” Natatawang anas ni Kuya. “Ito ba?” Nakangising itinaas nito ang diary ko habang nakatingin sa akin. “This is Sam’s—”

“Story book!” Biglang putol ko kay Kuya. “Story book ko yan.” Pekeng ngiting saad ko habang nakikipagkarera sa lakas ang tibok ng puso ko.

Baka mabuking ako.

“Story book?” Parang nagugulohang tanong ni Kios.

Kaagad kong inagaw sa kamay ni Kuya ang diary ko. Nakangisi naman ito habang nakatingin sa akin.

Binalingan ko si Kios. “B-babasahin ko lang ‘tong story book ko sa loob, bye!” Walang ano-ano’y mabilis pa sa kidlat akong kumaripas ng takbo papuntang loob ng bahay.

Para akong timang!

Anong story book!? Ano nalang ang iisipin ni Kios sa akin? Na isa akong Kinder?

𝗕𝗢𝗡𝗨𝗦 𝗖𝗟𝗜𝗣

“Story book?” Nagugulohang tanong ni Kios.

Pasimple namang napangisi si Cloud. “Mahilig talagang magbasa ng story book yung kapatid ko.” Anito habang inaakbayan si Kios.

“Ano bang story book ang paboritong basahin ni, Sam?” Tanong ulit ni Kios habang nakatingin sa tumatakbong bulto ni Sky.

Mas lalong napangisi si Cloud. “Sa edad ni Sam ngayon.” Napahinto ito na parang nag-iisip. “Paborito niyang basahin yung Little Mermaid.” Natatawang saad nito.

“Little Mermaid?” Hindi makapaniwalang tanong ni Kios. “Yung sirena na may pulang buhok?”

Kaagad namang tumango si Cloud. “Pangarap kasi ni Sam na maging isang Sirena.”