Chapter 8: Jensen Russel
Russ’ POV
Makailang beses na akong sumusulyap sa aking relong pambisig. Bagaman hindi ko nakikita ay alam kong litaw na naman ang mga guhit noo ko. Mag-aalas nuwebe na kasi ay wala pa ang aking bagong personal assistant. Marami pa naman akong ibibilin rito. Ano kaya ang nangyari?
Kunsabagay ay parang hindi buo sa loob kong kunin ang isang iyon. Tingin ko ay wala namang alam eh. Masyado pang madaldal at mataray. Sa lahat ng ayaw ko ay mga babaeng umaaksyon nang hindi nag-iisip muna. Hindi ginagamit ang utak. Tss. Tapos wala pang ka-class-class.
Ano ba iyong suot na iyon kahapon? Simpleng bestidang panahon pa yata ni Lola Soledad. Tapos flat shoes at sling bag. Hindi ba itinuturo ngayon sa kolehiyo ang wastong pananamit? Lalo nang nangunot ang noo ko.
Totoo bang naka-gradweyt iyon ng kolehiyo? Tingin ko ay menor de edad pa eh. Hindi kaya mareklamo ako ng child labor kapag tuluyang nagtrabaho iyon dito? Marahas akong napabuga ng hangin. Ang mabuti pa ay kausapin ko si Tita Vera para ihanap na lang ulit ako ng bago.
Tumayo ako at agad na tinungo ang pinto. Bahagya pa akong nagulat nang may kumatok rito bago pa ko pa mahila. Agad itong bumukas at bumungad ang mukha ng aking sekretarya. Mukhang nagulat din itong makita ako sa pintuan.
“Ay, Mayor, nagulat naman ako sa inyo,” nakangiting saad nito.
“O, Tita Vera. Ano’ng meron at parang nagmamadali ka?” takang tanong ko rito. Tita Vera ang tawag ng lahat ng empleyado rito sa sekretarya ko kaya naman nasanay na rin akong tawaging ito ng ganun. Tamang-tama lang naman sapagkat mas matanda talaga ito kesa sa’kin. Nagsimula pa itong magsilbi kay Lolo Ando.
“Narito kasi si Aling Marga. Iyong asawa ni Mang Renato. Gusto ka raw kausapin tungkol kay Thea.”
Nangunot na ulit ang noo ko pagkarinig sa pangalang Thea. Nagtaka ko kung bakit naroon ang asawa ni Mang Renato imbes na ang babaeng iyon. Kilala ko ang maybahay ni Mang Renato sapagkat isa ito sa mga mother leader sa isa sa mga barangay ng aking bayan. Dumilim na talaga ang mukha ko nang maisip na kaya marahil hindi bumalik ang dalaga ay dahil sa may pinasok na namang gulo.
Lihim akong napalatak. Sa tingin ko ay gulo lang ang dadalhin ng babaeng iyon dito. Mas mabuting sisantehin ko na ang dalaga bago pa man magsimula sa trabaho nito. Malamang imbes gumaan ang trabaho ko ay lalo pa akong ma-stress.
“Ano raw ang tungkol sa babaeng ‘yon?”
“Hindi ko rin alam, Mayor. Basta ang sabi ay gusto ka raw kausapin. Papapasukin ko na lang para ikaw na ang kumausap,” saad ni Tita Vera. Kunsabagay mas mabuting makausap ko na nga ang Tiya Marga ng Theang iyon at nang matapos na.
“Magandang umaga po, Mayor Russel, Ako po si Aling Marga, asawa ni Renato at tiyahin ni Thea.” Magalang na bati ng isang babaeng nasa mga late forties.
“Pasensya na po kayo at naabala ko kayo. Gusto ko lang po sanang humingi ng pasensya sa mga nangyaring kagagawan ng pamagkin kong si Thea. Mayor, pagpasensyahan n’yo na po talaga ang batang iyon. Kaka-gradweyt lang po noon kaya isip bata pa talaga. Kanina lang po niya nakuwento sa’kin iyong tungkol sa nangyari daw sa may tulay. Mayor, ako na po ang lubos na nagpapasalamat sa inyo sa ginawa ninyong pagtulong sa kanya,” litanya na ni Aling Marga hindi pa man tuluyang nakakapasok sa opisina ko.
“Magandang umaga din po, Aling Marga. Maupo muna kayo,” anyaya ko dito, Bumalik ako sa aking upuan upang mapakinggan nga ang pakay nito. Nang makaupo si Aling Marga ay tila radyong tinurn-on. Naisalayasay na yata nito ang buong buhay ni Thea simula pagkapanganak ng dalaga. Hindi ko naman mapigil ang damdaming bumalot sa puso ko.
Ewan ko pero nakaramdam ako ng simpatiya sa dalaga matapos mapakinggan ang lahat. Kung gayon ay ulila na pala ito sa ina. Katulad ko din pala. Hindi ko na rin nakilala ang aking ina. She died giving birth to me. Kaya nga ang kinagisnan kong ina ay step-mother ko.
“Naiintindihan ko ho, Aling Marga pero sa tingin ko ay hindi pa handa si Thea para maging personal assistant ko. Nakita n’yo naman ho ang pagka-iresponsable niya. Hindi siya pumasok ngayon. Kung tutuusin ay unang araw sa trabaho kaya dapat sana ay dumating siya nang maagang-maaga pero imbes na ganoon ang mangyari ay kayo ang naririto. Sa tingin ko ay hindi niya makakayang gampanan ang responsibilidad ng pagiging personal assistant ko. Kaya pagpasensyahan n’yo ho ako kung hindi ko na siya matatangggap at maghahanap na lang ho ako ng iba. “
“Pe…pero, Mayor nandi…”apela ni Aling Marga ngunit hindi niya natapos ang sasabihin. Agad ko na itong pinutol. Male-late na kasi ako sa aking schedule.
“Kung wala na ho kayong sasabihin lilipat lang ho ako sa kabilang building. Ngayon ho ang huling araw ng training ng mga kabataan. Hinihintay ho nila ako doon upang magbigay ng mensahe,” saad ko rito.
Ngunit bago pa ako tuluyang makatayo ay biglang bumukas ang pinto. At nakatayo roon si Lolo Ando. Pero ang higit kong ikinagulat ay ang babae sa likuran nitong yakap yakap sa dibdib si Charlie, ang aking golden retriever na agad tumahol nang mamataan ako. What the heck is going on?
“Lolo Ando, what are you doing here?”agad na sambit ko nang maka-recover sa matinding pagtataka sapagkat naroon ang aking lolo na isinama pa talaga si Charlie at karga ng Theang iyon.
“At good morning din sa’yo, Jensen hijo,” nakangiting bati nito. Hindi alintana ang gulat kong reaksyon. Kasabay rin nitong tinanggal ang suot na native sombrero na halata namang pamporma lang at hindi upang maging proteksyon sa init ng araw.
Napapikit ako at napabuga pa ng hangin pagkarinig sa pangalan ko. Kailan kaya titigilan ni Lolo ang pagtawag sa’kin ng Jensen? Hindi rin nakatakas sa’kin ang sarkamo nito doon sa good morning.
“Russ, Lolo,”kunot ang noong pagtatama ko sa aking pangalan. At syempre upang pagtakpan na rin ang bahagyang pagkapahiya ko. Sapagkat imbes na batiin ito ng good morning ay tanong agad ang isinalubong ko.
Lalo pang nangunot ang noo ko nang masulyapan ang malapad na ngiti ng Theang iyon. Tila kasi batid na agad nito ang pagkaasiwa ko sa pangalang Jensen. Muli akong napabuga ng hangin.
“Jensen, Russel, Russ… They are all your name, hijo. Lahat nang iyon ay maganda at bagay sa’yo. Kaya huwag mong ikakahiya. It was your Lola Soledad who gave you the name Jensen. Your Dad wanted to name you Russel kaya naman pinagsama ang dalawa upang parehas na mapagbigyan. And it was the best decision we’ve made,” malambing na wika ni Lolo bagay na nagparamdam sa’kin ng kaunting guilt.
And his smile was like the one I saw when he was talking to his wife, Lola Soledad. It was clear the ex-mayor was reminiscing those days when Lola was alive. Para tuloy kinurot ang puso ko.
I am being a jerk. The name Jensen is a reminder of my Lola Sol tapos ayaw ko pang ipagamit.
“I love the name, Lolo.” Agad ko na lang na sabi upang makabawi. “Bakit nga po pala kayo napadaan?”
“Wala naman, hijo. Nabalitaan ko na meron na raw kapalit si Gretchen. Well, I would like to meet her. Lalo na’t napagkamalan ka raw na terorista ng bago mong assistant.”
Sinundan pa ito nang ngiting abot-tainga. Kataon naman at nagpumiglas si Charlie sa pagkakayakap ng Theang iyon at tumakbo sa’kin. Kaagad akong naupo at hinimas-himas ang makapal nitong balahibo.
“Yeah, Lolo. Ang bilis talaga ng balita,” saad ko na biglang namurublema. “Actually, Lo, I decided not to accept the applicant. I think she is not qualified for the position.” Hindi nakatakas sa mga mata ko ang disappointment na gumuhit sa mukha ng matanda.
“Why not, hijo? She might be perfect for the position.”
“No, Lolo. I just fired her.” Ilang saglit na nawalan ito ng kibo.
“Kung gayon ay ako na lamang ang kukuha sa kanya. I need a personal assistant , anyway. Kung hindi nga lang biglang nag-resign itong si Gretchen ay aalukin ko siyang mag-part -time sa’kin. Ipasundo mo siya, hijo, at papag-report-in sa bahay.”
“Pero, Lo. It’s not possible,” apela ko. Ano ba ang nangyari? Bakit ako napunta sa ganitong sitwasyon? Paano ko ipapaliwanag kay Lolo na ang babaeng kasabay niyang pumasok sa opisina ko ay ang babaeng nais nitong ipatawag.
“Kung ayaw mo na talagang tanggapin ang aplikante mong iyon ay ito na lamang si Alethea ang ipalit mo. Come here, hija. Sabi na nga ba’t hindi basta simpleng coincidence lamang ‘yong pagkikita natin kanina.”
“No, Lolo!” mabilis kong sambit.
“Ano ba’ng problema mo, Jensel Russel? Kanina ka pa no, ng no diyan. If it’s not possible, make it possible. What’s the point na ikaw ang mayor ng bayang ito kung hindi mo magagawang posible ang mga sinasabi mong imposible. Hanapin mo ang sinesante mong assistant and bring her to me.”
Tuluyan na akong nawalan ng imik lalo pa’t tumaas na ang tono ng boses ni Lolo. At ginamit na pareho ang aking buong pangalan. I perpectly know my grandfather. Kapag medyo tumaas na ang tono ng boses nito ay mas maiging tumahimik ka na lamang.
Hindi ito nagsilbi bilang Mayor ng Santo Cristo ng tatlong termino nang walang dahilan. One should never be deceived by his sweet smiles. He could be ruthless pag galit na kadalasan naman ay sa mga halang ang kaluluwa.
“Ah, Mayor Ando,” singit ng boses ni Aling Marga. Agad na nalipat doon ang mga mata ni Lolo. Halos marinig ko ang paglabas ng hangin sa bibig ko. Hindi ko akalaing napigil ko pala ang aking paghinga.
Yeah. Kung meron man akong kinatatakutan iyon ay ang aking Lolo.
“Si Alethea po kasi ang tinutukoy ni Mayor Russel na sinesante niyang assistant,”patuloy ni Aling Marga na hindi naman malaman kung ngingiti o sisimangot. Halatang-halata sa itsura na hindi alam kung papaano ipaliliwanag ang nasasaksihang kalituhan sa harap nito nang walang mapapahiya.
Maririnig ang nahulog na karayom sa loob ng aking opisina.
*****