Chapter 1: Stupidity
Thea’s POV
"Hoy, hoy, hoy! Ano'ng ginagawa n'yo ha? Bakit pinagti-tripan ninyo ang kaliit-liit na batang 'yan!" sigaw kong pagkalakas-lakas. Halos umalingawngaw sa buong paligid ang boses ko. Sukat ba naman kasing mahagip ng mga mata ko ang tatlong kabataang lalaking iyon na pumapalibot doon sa isang batang lalaking mas maliit kaysa sa kanila.
Tila pinagti-trip-an iyon. Kaya naman halos takbuhin ko ang pababang bahaging iyon sa gilid ng tulay ng Santo Cristo. Kamuntik pa nga akong matipalok eh. May bahagyang heels kasi ang suot kong sandals. Buti na nga lang at agad kong napigil ang aking katawan sa pagbagsak. Kung nagkataon malamang ngudngod ang beauty ko. Medyo matarik pa naman ang pagka-slope niyon.
Kanina ko pa kasi napapansin ang apat na kabataang lalaking iyon habang tumatawid ako ng tulay. Patungo ako sa kabayanan ng Santo Cristo. Sobrang traffic kasi kanina. Kaya sa pag-aalala na baka dilimin ako sa daan bumaba na agad ako kahit malayo pa sa sentro ng bayan.
Doon pa talaga ako dapat bababa eh. Kaya lang nga baka tumagal pa ang traffic gabihin pa ko. Ang nakakainis pa kung kelan naman nakababa na ako saka gumalaw ang mga sasakyan.
Kaya ayun binabagtas ko ngayon ang may kahabaang tulay. Habang naglalakad ay napasulyap ako sa gawing ibaba nito. Hindi nakatakas sa mga mata ko ang apat na kabataang lalaking iyon na na nasa pampang ng ilog. Tila nais bugbugin iyong isang batang kayliit-liit. Mga walang awa. Mga halang ang kaluluwa. Kaybabata eh.
Noong una akala ko naman ay mga naglalaro lamang doon. Ngunit nang tuluyan na akong makalapit sa mga ito, narinig ko ang mga boses. Mukhang may pinagtatalunan ang mga iyon. Sobrang lakas ng boses noong isang pinakamalaki sa lahat. Hindi ko naman sana papansinin pa kaso biglang pinalibutan noong tatlo iyong musmos.
Bago pa ako makapag-isip ay sumigaw na agad ako. Baka sakaling magsipagtakbuhan pag binulabog ko at tantanan iyong bata. Pero wa epek ang pagsigaw ko. Parang wala lang na nilingon ako ng tatlong pasaway. Sa tingin ko dose anyos lang iyong pinakamaliit eh. Mga disisais o disisyete marahil iyong tatlong mukhang goon. Mukhang gusgusin ang mga itsura.
"Hoy! Pag hindi ninyo tinantanan ang maliit na batang 'yan. Tatawag ako ng pulis. May pulis doon sa may bandang itaas," pananakot ko sa mga ito. Sana nga may pulis doon. Dasal ko. Traffic enforcer lang ang natanaw ko kanina.
Nilingon lang din ulit ako noong pinakamatangkad. Hindi man lang talaga natinag sa sigaw ko. Na sinabayan ko pa ng nagbabagang tingin. Mga pasaway talaga. Hindi ba takot sa pulis ang mga ito?
Lalong nanlaki ang mga mata ko nang umastang lalaban iyong maliit. Kuyom ang mga palad nito at nakahandang sumuntok. Hindi ko malaman kung hahangaan ito sa mga oras na iyon. Hindi nag-iisip eh.
Baka akala nito siya si Superman. Makakaya ba naman niyang labanan ang tatlong higit ang laki kaysa sa kanya? Kahit gaano pa siya katapang, hindi niya maipagtatanggol ang sarili. Dapat malaman ng batang iyon na kung minsan ang karuwagan ay katapangan din. Lalo na sa mga pagkakataong ganito.
"Uy bata, kung ako sa'yo tatakbo na ako. Tsu! Takbo na," pagtataboy ko rito. Mabuti naman at ginamit ang utak. Nang malingat iyong mga nakapalibot sa kanya agad na kumaripas ng takbo. Bago pa makahuma iyong tatlo ay nakalayo na ito.
Mukhang hahabol pa sana iyong tatlo pero ewan kung ano'ng naisip sapagkat imbes na sundan iyong bata ay sabay sabay na bumaling sa’kin. Nagbabaga ang mga mata at kuyom ang mga palad na humakbang ang mga iyon palapit sa’kin.
Ano naman ang balak ng mga ito?
"Te, tutal naman nakialam ka na rin lang, ibigay mo sa'min ang pera at cellphone mo," wika noong pinakamatangkad sa lahat. Ito marahil ang lider.
A.. ano raw? Ibigay ko raw ang pera at cellphone ko? Sira ulong 'to. Bakit ko gagawin iyon?
"Magsiuwi na kayo. Baka hinahanap na kayo ng mga magulang nyo," utos ko sa mga ito. Tapanga-tapangan mode pero medyo kinabahan din ako. Saka ko lang naisip ang kalagayan ko. Baka kung ano'ng gawin sa’kin ng mga batang ito. Kahit mga bata lang sila, eh hamak na mas malalaki kaysa sa’kin.
"Wala kaming mga magulang. At hindi ako nagbibiro. Ibigay mo sa'min ang pera at cellphone mo kung ayaw mong may masamang mangyari sa'yo."
Dios mio, mukha ngang hindi nagbibiro ang isang ito. Sumimple ako ng linga sa paligid. Ano't anuman naghanap ako ng mahihingan ng tulong. Pero sa kasamaang palad wala nang tao sa paligid. Kanina naman ay may mga ilang nagdaraan. At medyo madilim na pala.
May ilaw naman sana sa ilang poste kaya lang dimlight. Nagsimula nang lumikot ang imahinasyon ko. Paano kung may gawing masama sa’kin ang mga ito pagkatapos ay itapon na lang ako doon sa ilog?
"W.. wala akong pera at wala din akong cellphone," kinakabahang saad ko. Naipakita ko na yata ang pinakamatapang na itsura ko.
"Mukha ba kaming tanga, te? Sa itsura mong 'yan wala kang pera at cellphone? Ibibigay mo ba o kailangan mo ng tulong."
Kumilos ang kamay ng lider-lideran. At bago pa ako makakurap ay hawak na nito ang isang maliit na kutsilyo.
Nanghihilakbot na nanlaki ang mga mata ko. Dios mio! Ano itong nasuotan ko?
"Uy, uy, kuya, bitawan mo 'yang hawak mo! Makukulong ka d'yan. Sayang ka. Ang bata mo pa," sabi ko rito habang unti-unting umaatras.
"Ilabas mo na, te, para matapos na 'to at makaalis ka na dito," sabi ulit ng may hawak na kutsilyo. Patuloy ito sa paglapit sa’kin.
Ano'ng gagawin ko?
Pag ibinigay ko ang pera ko, paano pa ko makakarating sa bahay ni Tiya Marga? Hindi ko pa naman matandaan ang papunta roon. Pag ibinigay ko rin din ang cellphone ko paano pa ‘ko makakatext sa kanya at sabihing nakarating na ako?
Hindi ako nakatext kanina kasi nag-expire na pala iyong combo 20 load ko. Kung hindi ba naman kasi may pagka-engot din talaga ako eh. Hindi man lang muna ako nakapag-balance inquiry bago umalis sa amin.
"Isa!" malakas na sigaw ng lider-lideran na nasa harap ko na. Inang! Naka-take yata ng droga ito. Namumula ang mga mata eh. Ngayon ko lang natitigan nang husto sapagkat masyado na itong malapit sa’kin. Binilangan pa talaga ‘ko.
Naku! Pasalamat ang batang ito dahil wala siya sa aming bayan kung hindi ay ipapatokhang ko siya.
"Eto na, eto na," nininerbyos kong sabi sabay kapa sa loob ng shoulder bag ko. Kinuha ko ang wallet saka ako naglabas ng pera. Tatlong daan piso lang naman ang laman nito. Wala akong pera. Pamasahe lang talaga at pangkain kung sakaling magutom ako at hindi pa nakakarating sa bahay ng tiya ko. Pagkakuha ay agad kong inihagis iyon sa lalaki.
"Cellphone!" sunod na sigaw nito pagkadampot sa pera.
"Ah, kuya, wala akong cellphone,"hirit ko. Baka naman maisalba ko pa ang Samsung phone ko. Bagong-bago iyon. Graduation gift ni Papa.
"Dalawa! muling sigaw ng bwisit.
"Ay, eto na, okay!" mabilis kong kinuha ang phone at inihagis din dito. Halos maiyak ako nang bumagsak iyon sa lupa. Mabuti na lamang at may damo roon. Hindi naman siguro masisira iyon.
Agad na dinampot iyon ng isang kasama nito. Pagkaraan ay tinitigan naman ako nang matagal. Medyo kinilabutan ako sa tingin nito.
"O, okay na kuya. Pwede na ba akong umalis?" maayos kong sabi habang umaatras. Mahirap na. Gagalitin ko pa kung sisigawan ko. Lalo naman akong sinagilahan ng takot. Sapagkat bawat atras ko ay sinasabayan naman nito ng hakbang palapit sa’kin.
Ano pa ang balak ng loko-lokong ito?
May balak ba itong reypin ako? Wag na wag siyang magkamamali sapagkat lalabanan ko siya. Hindi ako madya-dyaryo dahil na-gang-rape ng apat na kabataang halang ang kaluluwa. Luminga-linga ako sa paligid. Naghanap ako ng kahit na anong bagay.
Malaki-laking kahoy man lang na maaari kong ipanghampas sa ulo nito. Nabuhayan ako ng loob nang makakita ng kapirasong kahoy sa bandang kaliwa ko. Umisod ako patungo roon. Dadamputin ko na talaga niya iyon ngunit napaunat ako nang marinig ang isang tinig.
"Ano'ng nangyayari rito?" anang mala-anghel na tinig sa likuran ko. Oh my God, thank you! usal ko sa isip. May tulong na dumating.
"Wag kang makialam dito, kuya kung ayaw mong madamay," wika ng lider-lideran. Ang tapang ng dating pero halata namang takot din. Lumikot ang mata nito at bahagyang napaatras. Agad naman akong napalingon sa dumating na lalaki.
Kaso hindi ko makita ang mukha nito sapagkat naka-helmet. Obviously, naka-motorsiklo ang lalaki. Marahil ay natanawan kami nito mula sa itaas. Muntik ko na itong mayakap sa matinding tuwa.
Uubra naman kaya ang mga kabataang ito kahit gaano pa sila katapang?
Mukhang kaylaki ng katawan ng lalaking tagapagligtas ko. Ang tangkad nito eh. Imbes na sumagot ay kumilos ang lalaki upang hubarin ang helmet nito. At kitang-kita ko ang pagkamangha at takot sa mga mata ng tatlong kabataan.
"Yor," sabay-sabay na turan ng mga ito bago nagsitakbo. Nabitawan ng mga ito ang pera at phone ko. Agad ko namang dinampot ang mga iyon. Bagaman nagtaka ako kung bakit ganoon na lang ang takot ng mga iyon sa dumating na lalaki ay hindi ko na masyadong napagtuunan ng pansin.
Mukhang kilala ito ng mga pasaway na iyon. Tinawag pang yor. What kind of name is that?
Well, whatever.
Ang mahalaga ay ligtas na’ko. Parang gusto kong yakapin at halikan ang aking tagapagligtas. Labis ang saya ko nang hinarap ko ito. Hindi ko man yakapin at halikan sapagkat baka isipin nitong manyakis ako, eh buong puso ko man lang na pasalamatan.
Ngunit ewan ko ba kung ano ang nangyari. Parang bigla na lang huminto ang ikot ng mundo. Nag-slow-motion ang lahat. Para akong namamatandang napatitig sa mukha ng aking tagapagligtas na ngayon ay mataman ding nakaamasid sa’kin. He was so tall kaya nakatingala ako rito. Ito na yata pinakaguwapong nilalang na nadapuan ng aking mga mata.
*****