Chapter 51: FIFTY-ONE
Hindi ko na maipaliwanag kung anong level na ng panginginig ang mayroon ako ngayon. But then, I can’t be weak. Hindi porket sinabi niya, iyon na ang totoo. I suffered a lot.
Ngayon, iyan naman ang panghahawakan ko. Hindi ko pupwedeng palambutin ang puso ko sa kaharap. “Anak, pakinggan mo muna ako.”
Imbes na sumagot pa ay itinikom ko ang bibig. Gustuhin ko mang iikot ang paa paharap sa pinto at lumabas ay parang naninigas din ako sa kinatatayuan.
“It was an arrange marriage. Iyong kay Zaccarias, ako na ang naging pambayad ng mga magulang sa utang namin noon sa sakahan ng ama niya. Wala akong ginusto sa lahat ng iyon. I wanted a simple life. . . a peaceful one! Pero nangyari ang nangyari, ikinasal kami at naging mag-asawa.” Mariin kong tinitingnan ang babae. Ginagawa kong makinig habang masusing sinusuri ang pisikal na katangian nito.
Matagal pa mang mangyayari pero sigurado akong kapag naabot ko na ang edad na ito, magiging kamukhang-kamukha ko ang babaeng kaharap. She is very simple, she looks very innocent. Hindi alam ng karamihan na sa inosente at mabait na mukha ng babaeng ‘to, napakaraming tao ang nasira ang buhay.
“Akala ko, pagkatapos ng kasal ay magiging maayos na ang lahat pero nagkamali ako. Mas nasira pa ang buhay ko–”
“Kaya ba nanira ka rin ng buhay, gan’on ba?”
“Anak, makinig ka naman muna.”
Ilang beses ko mang piliting kumalma, ilang beses ko mang piliting kontrolin ang sarili ay hindi ko magawa. Kitang-kita sa akin ngayon ang pagkadismaya sa lahat.
“Ilang beses niya akong pinilit sa mga bagay na iyon, ilang beses niya akong trinatong parang basahan. Pinag-aral nila ako para sa magiging imahe ko sa kompanya nila pero kapalit noon ay paulit-ulit na pambaboy ni Zaccarias sa akin. Kung kani-kanino ako humingi ng tulong pero wala ni isang naniwala sa sinasabi ko. Anak. . . isang gabi, tumakas ako noon. Nagpunta ako sa Maynila at may nakilalang lalaki. Pinatuloy niya ako sa bahay, nagtagal din ako ng dalawang linggo roon. Mabait na tao ang lalaking iyon. . . napakabait na tao ng ama mo.”
Hindi ako natinag sa pagiging matigas ng mga salitang iyon. Who cares about that thing? Hindi iyan ang dapat na iniisip ko kundi kung paano kami titigilan ni Zaccarias.
“Pagkatapos ng dalawang linggo, nakita ako ng mga tauhan ni Zaccarias at ibinalik ako sa bahay. Doon na nagsimulang oras-oras akong sinasaktan ng lalaki. Hindi ko mabilang kung ilang latay ng kamay, sinturon ang nakukuha ko dahil sakanya. Nagtagal ang sitwasyong iyon kaya parang sinanay ko na talaga ang sarili ko. Tinanggap ko ng hindi na ako makakatakas at habangbuhay ko ng mararanasan ang bagay na iyon pero. . . I got pregnant. Hindi kay Zaccarias kundi sa lalaking nakilala ko sa Maynila. Ta. . . Takot na takot ako ng mga panahong iyon, okay lang at matatanggap ko kung ako man ang saktan niya pero ngayong may panibagong tao na sa sinapupunan ko ay natakot ako, Felicity. Natakot akong baka mapano ka–”
Napahinto ang babae dahil sa malakas kong pagtawa. “Ang kapal din talaga ng mukha. Natakot kang baka mapano ako? Napano ko, ha? Napano ako ngayon? Anong nangyari sa buhay ko?”
“Anak–”
“Shut it! Hindi mo ako anak!”
Mas lalo pa atang humagulgol ang babae, ngayon ay talagang kapos na kapos na ito sa hininga. “Itinakas kita. Itinakas kita ulit kay Zaccarias at bumalik ako sa amin. Iniwan kita sa lolo at lola mo dahil alam kong hindi ako titigilan ni Zaccarias at mapapahamak ka. Hindi. . . Hindi ko alam na mangyayari ito. Felicity, maniwala ka sa akin.”
Mabilis kong iyinukom ang mga kamao ko, hindi maipaliwanag ang galit na nararamdaman.
“Pero, tama ka. Ako mismo ang magsusuko ng sarili ko kay Zaccarias para matigil na ang lahat ng ito,” sabi niya pa.
“Ang lakas ng loob mong magsalita. Ang lakas naman ng loob mong isuko ang sarili mo gayong wala na si Cornell, wala ng magulang si Zion, sira na ang buhay ko at ng panibago kong asawa. . .” Napahawak ako sa dibdib. Bigla iyong nanikip noong binanggit ko ang pangalan ng dating asawa. “Hindi ka na nahiya kay Cornell. Sinira mo ang buhay niya at nakitira ka pa rito? Iniinsulto mo ang pagkatao niya!”
Umiling-iling ang babae, “Hindi, nagkakamali ka. Si Cornell mismo ang nakahanap sa akin at pinatira sa bahay na ito. Siya mismo ang nagsabing hindi ko kailangang bumalik kay Zaccarias dahil. . . dahil gagawa siya ng paraan. Hindi ko alam na mawawala siya.”
“Puro ka ‘hindi ko alam’! Anong magagawa nyan ngayon? Isuko mo ang sarili mo kay Zaccarias! Gawin mo ang lahat para maranasan ang lahat ng sakit na pinagdaanan namin!” Bumalik ang pagsinghot ko at minu-minutong pagpupunas ng luha. “Si Cornell. . . wala na si Cornell!”
Direkta akong napabagsak muli sa sahig. Pansamantala ko iyong pinaghahahampas.
Sobrang sakit. Ang sakit-sakit, sobra.
Hindi ko man lang nagawang makahingi ng tawad. Hindi ko man lang nakita ang mga ngiti nito sa kahuli-hulihan nitong mga oras kahit na ipinangako ko sa lalaking habangbuhay ko siyang pasasayahin.
Hindi ko man lang nagawang haplusin ang mainit nitong mukha sa kahuli-hulihang pagkakataon.
Hindi ko nagawang makapagpasalamat sa napakaraming taon na kasama ko siya at nagawa niya rin akong pasayahin at mahalin.
Napansin ko ang biglaang pagtayo ng babae, labis pa rin ang pag-iyak. Mayamaya pa ay bumalik itong may hawak na maliit na notebook.
Mabilis na bumalik sa akin ang mga alaala. Natatandaan ko ang bagay na iyon. Sa notebook na ‘yun ipinangako ni Cornell na isusulat at ididikit niya ang mga larawang makukuha namin araw-araw. Sinabi ko sakanyang napaka-korni noon pero hindi pa rin pala siya tumigil.
“Mahal na mahal niya ang notebook na ‘yan at dala niya saan man siya magpunta. Kaya nanibago akong hindi niya bitbit iyan noong araw na iyon. . . naisipan ko lang nang malaman ko ang nangyari. Hindi man niya direktang sinabi sa akin, alam kong gusto niyang ibigay sa‘yo iyan.” Padarag kong kinuha ang maliit na notebook sa kamay niya at nanginginig ang mga kamay na binuklat iyon.
It was really his. Sumiwalat agad sa akin ang sulat nitong parang kinahig daw ng manok, mas lalo lang akong lumuha.
“Walang araw na hindi ka minahal ng lalaking ‘yan, Felicity. Walang araw na hindi ka niya inisip kahit pa nasa piling ka na ng iba. Patuloy pa rin siya sa pagmamahal sa’yo kahit sa tagong paraan. . . hindi ko man siya nakilala bago kayo ikasal, wala man akong naging blessing sa kasal ninyo ay itrinato niya akong parang pamilya. Napakabait ni Cornell–”
Hindi ko na pinatapos ang babae. Mabilis kong pinilit ang sariling makalabas sa pinto kahit pa halos gapangin ko ‘yun.
Nang tuluyang makalabas ay ginamit ko ang buong lakas para tumakbo. . . kahit hindi ko alam kung saan ako marahil magpunta at makarating.
Ginawa kong ilabas ang luha, lahat. Nagawa kong magwala, sumigaw, saktan ang sarili nang paulit-ulit. But at the end of that, hindi pa rin nawala ang sakit. Hindi pa rin natapos ang lahat.
Muntik akong mapatili nang bigla akong nakaramdam ng yakap mula sa likuran bago pa nanuot sa ilong ko ang pamilyar na amoy. Mabilis at agad-agad ko iyong nilingon.
“Hey! Na-disappoint ka bang ako ang nakita mo at hindi si Darius?”
Hindi ko na siya sinagot, mahigpit ko siyang niyakap saka ako nagpatuloy sa pag-iyak. I just know it. Alam kong maubos man ang mga tao at sabay-sabay man nila akong talikuran, mananatili ang isang tao. . . ang isa sa mga napakahalagang tao sa buhay ko.
“I won’t let you be alone. Alam mong hindi na kailangang ulit-ulitin ni Tina ‘yan, ‘di ba?”
Ginawa ko ang makakaya para tumango-tango bago mas lalong humagulgol sa balikat ng kaibigan. . . sa balikat ni Tina.