Chapter 12
Habang nasa ilalim ng shower ay hindi ko mapigilang hindi maalala ang nangyari kanina. Kahit ilang kuskos at ilang hilod ay hindi pa din naaalis ang mainit na pakiramdam ng suka ni Archer sa katawan ko. Feeling ko masusuka din ako kapag naaalala ang nangyari kanina.
Hinalikan niya nga ako, sinukahan naman pagkatapos. Yuck! Speaking of halik, nakuha niya na pala ang first kiss ko. Napatigil ako sa pagkuskos ng katawan habang nilalamon ako ng pagsisisi.
"HAAA!" Sinampal-sampal ko ang magkabilang pisngi dahil sa magkahalong pagsisisi at hiyang nararamdaman. "Paano ko na haharapin si Archer nito? At most importantly, paano na ang first kiss ko?!" mangiyak-ngiyak kong turan.
Hindi naman sa napakaimportante ng first kiss para sa'kin, sadyang hindi ko lang matanggap na sa napakadali niya lang nakuha 'yon sa'kin.
Pero sa kabilang banda hindi na din ako lugi. Gwapo naman si Archer kahit papa'no, iniligtas niya din ang buhay ko, at pinalasap niya sa akin ang langit gamit ang mga labi at dila niya. Kung hindi ba siya sumuka higit pa kaya du'n ang magagawa namin? Hindi lang ba ang mga labi at leeg ko ang didilaan niya? At papayag naman ba ako na gawin niya 'yon sa'kin?
Napailing ako dahil sa kalaswaan na pumapasok sa utak ko. Kailan pa ako naging mahalay?
Mabilis kong tinapos ang pagligo at kaagad nang nagbihis at nagtungo sa kama. Pinalitan ko ang bandage sa mga sugat ko dahil nabasa kanina. Kailangan ko din munang magpatuyo ng buhok bago matulog. Wala din akong hairdryer kaya kailangan kong magpatuyo ng buhok sa natural na paraan. Mabuti na nga lang at binilhan ako ng mga bagong damit nina Veigo at Clark kaya mayroon akong nasusuot kahit papano. Hindi ko na kasi nakuha ang mga gamit ko sa warehouse ni baboy ramo.
Tiningnan ko ang oras at nakitang alas dos na ng madaling araw. Bumaba lang ako kanina para sa tubig pero ibang liquid naman ang nainom ko.
NAGISING AKO KINABUKASAN na masakit ang ulo. Mabigat ang katawan na lumabas ako ng kwarto at bumaba ng hagdan. Natigil ako sa paglalakad ng makita ang bulto ng isang lalaking nakatalikod sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko at parang biglang nawala ang sakit sa ulo na nararamdaman. Tumalikod ako at maingat na naglakad para hindi makagawa ng tunog na pwedeng makaagaw sa atensyon niya.
Nakalimutan ko na nandito pala siya. Lagi kasi siyang wala sa mansyon kaya nasanay ako na madalas ako lang mag-isa. Magtatago na lang ako hanggang masiguro kong nakaalis na siya.
Nakakahiya ang nangyari kagabi lalo pa't hinayaan ko lang siya sa kusina at hindi man lang inilipat sa mas komportableng higaan. Aba, kasalanan niya naman bakit siya nandoon. Hindi ko naman kasalanan na doon siya nahimatay. In fact siya pa nga ang may kasalanan sa akin kasi sinukahan niya ako kagabi!
"Woman." Napaigtad ako dahil sa malalim na boses na nagsalita. Napatigil ako sa paglalakad at napapikit.
I composed myself before turning around and met his eyes. Nakataas ang noo ko para ipahiwatig na wala akong ginawang masama o nakakahiya para takasan siya. "Yes?"
Tinaasan niya ako ng kilay. Suot niya pa rin ang suit na suot niya kagabi. That means kagigising niya lang. How can someone like him just wake up and looks like he went straight from the magazine? Ang bahagyang magulong ayos ng buhok niya, ang hindi gaanong nagusot na suit, at ang mapupula niyang labi na wala man lang bahid ng laway. Ang mga labi niyang ninakaw ang first kiss ko.
Napakagat ako ng labi nang maisip na naman ang nangyari kagabi.
Magkasalubong ang mga kilay na lumapit siya sa'kin. Itinago ko ang kaba habang hinihintay siyang tumigil sa paglalakad. Baka halikan niya na naman ako. Kadiri, mukha pa namang hindi pa siya nag-toothbrush.
Tumigil siya saktong isang metro ang layo sa akin. Hindi siya nagsalita, tinititigan niya lang ako habang nakakunot ang noo. Naaalala niya na ba ang nangyari kagabi? Palalayasin niya na ba ako ngayon? Sisinghalan? O baka mag-request na gawin ulit namin 'yon? Aba, hindi na ako makakapayag, 'no?
"Problema mo?" inis kong tanong. Hindi kasi siya gumagalaw– kahit kumurap– at nanatiling nakatitig sa'kin.
"Did my Lola called you on the phone? Or visited you here?"
"Wala, bakit?" Kumunot ang noo ko. Sa loob ng limang araw na nanatili ako dito hindi ako binista o kahit tinawagan ni Madam. Siguro busy din siya at hindi alam ang nangyari sa'kin.
Napahinga nang maluwag si Archer na mas lalong nagpakunot sa noo ko. "Don't tell her what happened. Kung tawagan ka niya sa phone 'wag mong sabihin ang nangyari sa'yo. I doubt she'll visit you here, she's busy with her business. So if ever na magtanong siya sabihin mo na ayos ka lang."
"Bakit? Ayaw mong malaman niyang niligtas mo ako?" Ayaw niya bang purihin siya ni Madam? O baka naman ayaw niya lang na mag-alala siya since matanda na si Madam. "Ah, gets ko na. 'Wag kang mag-alala, hindi 'to makakarating sa kaniya. Basta hindi lang siya pumunta dito nang hindi pa tuluyang gumagaling ang mga sugat ko." Baka nga ayaw niya lang na dumagdag pa ako sa aalalahanin ni Madam. Baka mabigla at ma-stress 'yun kapag nalaman ang buong nangyari sa akin.
Tumango si Archer, "Good." Nilampasan niya ako at umakyat na sa hagdan. Sinundan ko siya ng tingin hanggang hindi ko na siya makita.
"So hindi naman pala big deal ang nangyari kagabi? Mabuti naman," bulong ko sa sarili. Talaga ba? Bakit parang may parte sa akin na hindi okay kasi parang wala lang sa kaniya ang ginawa namin kagabi? Siguro normal lang sa kaniya ang ganu'n, kiss and run. Masyado lang akong malas para siya makakuha ng first kiss ko.
Nagtungo na ako sa kusina para magluto. Wala akong nadatnan na kahit kaunting bahid ng sinuka niya kagabi. Nilinis niya na pala. Sana hinayaan niya na lang na ako ang naglinis tutal parte naman 'yon ng trabaho ko. Hindi naman ako basta nakikitira lang dito at hangga't hindi niya pa ako pinapaalis, pagsisilbihan ko siya sa abot ng aking makakaya. Utang ko pa rin sa kaniya ang buhay ko at kulang pa ang paninilbihan ko sa kaniya para magpasalamat sa pagligtas niya sa'kin.
Nasa kalagitnaan ako ng pagluluto nang makarinig ng malakas na boses ng lalaki.
"Achie, baby, are you home?" Dagundong sa mansyon ang pagsigaw ni Veigo. Boses pa lang alam ko nang siya 'yon.
Rinig ko ang mga yabag niya habang naglalakad. Ilang sandali pa ay nakapasok na siya sa kusina.
"Oh, Miss Green, ba't ikaw na nagluluto?" gulat niyang turan na para bang hindi dapat ako nandito sa kusina. Hinubad niya ang coat at ipinatong sa upuan.
"Ang init-init naka-coat ka."
"That's what you call 'fashion', Miss Green. Fashion," sabi niya na para bang wala akong alam sa ibig niyang sabihin. Binigyan ko siya ng mapanghusgang tingin dahil sa 'fashion' na sinasabi niya.
Pinaikot ko ang mga mata at binalik ang atensyon na niluluto. Mabilis niya akong nilapitan at tiningnan ang hinahalo ko sa kaldero.
"Anong niluluto mo?" curious niyang tanong.
"Menudo." Kumuha ako ng maliit na mangkok at nilagyan ito ng kaunting menudo saka ibinigay kay Veigo.
"Luto na ba 'to?" Kinuha niya ang mangkok sa akin tinitigan nang maiigi ang laman.
Sinamaan ko siya ng tingin sa tanong niya. "Ipapatikim ko ba sa'yo kung hilaw 'yan?"
"Sabi ko nga," mahina niyang usal saka kumuha ng kutsara para tikman ang niluto ko. "Hmm," usal niya habang tumatango at nasa bibig pa rin ang kutsara. Sumubo siya sa ikalawang beses. "In fairness naman sa'yo, Ms. Green. Hindi mo naman sinabi na marunong ka palang magluto."
"Hindi ka naman nagtanong." Ku-kuwestiyonin sana ako ni Veigo kasi kumunot ang noo niya, pero masyado siyang abala sa pagkain.
Hinanda ko na ang mesa sa dining room para makakain na kami. Saktong paglagay ko ng mangkok na may menudo sa lamesa ay siya namang pagpasok ni Archer sa dining room.
"Sakto, kakain na tayo."
"Archer, ma prend!"
Sabay na sabi namin ni Veigo.
Nakaambang ng yakap si Veigo kay Archer habang naglalakad siya palapit. Pabiro siyang inambahan ni Archer ng suntok kaya lumiko si Veigo papunta sa akin at inambahan ng yakap.
"Sige subukan mo," banta ko sa kaniya habang pinapakita ang kamao ko.
"Grabe naman kayong dalawa. Alam niyo bang maraming babae ang nagkakandarapa para lang mahawakan ako tapos kayo ang o-OA niyo. Kung tutuusin ang swerte niyo nga kasi yayakapin ko na kayo eh. I mean hello? Ako na 'to, oh!" Madrama niyang itinuro ang sarili habang hindi makapaniwalang nagpabalik-balik ang tingin sa amin ni Archer.
Hindi ko na lang siya pinansin at naupo na para kumain.
"Tsk." Archer sat on the chair opposite to mine. So bali magkaharap kaming dalawa.
Kinuha ni Veigo ang kubyertos pati ang pinggan sa tabi ni Archer at inilipat ito sa dulo ng mesa kung saan siya naupo. Nagsandok din siya ng sarili niyang kanin at ulam saka kumain nang tahimik.
"Nagtampo pa nga, tsk, parang bata." Napalingon sa akin si Archer dahil sa sinabi ko. Mahina siyang natawa bago tiningnan si Veigo.
"Hayaan mo na, ganiyan lang talaga 'yan."
Napalingon ako kay Archer sa kung paano ka-casual niya akong kinausap.
"Baka magalit siya nang matagal," bulong ko.
"Nah, he's always like that. Just don't mind him, kumain ka na lang."
Paano ako makakakain kung nakatitig siya sa akin? Gustuhin ko man, hindi ko magawang alisin ang titig sa kaniya. Para bang may sariling isip ang mga mata ko na 'wag putulin ang titigan namin, sa halip ay parang hinahamon ko pa siya sa staring contest.
Napalunok ako nang bumaba ang mga tingin niya sa mga labi ko. Pakiramdam ko ay uminit ang pisngi ko nang kagatin niya ang pang-ibabang labi habang hindi inaalis ang mga titig dito.
Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya, pero alam ko kung anong tumatakbo sa isip ko. Naaalala ko na naman ang nangyari kagabi, at kahit pilitin ko mang kumbinsihin ang sarili na hindi ako apektado alam kong may apekto siya sa'kin. Pero iyon ay dahil siya ang nakakuha ng first kiss ko, 'yon lang at wala nang iba.
"Seriously, guys?"
Agad na bumaba ang tingin ko sa pagkain dahil sa pagkabigla at nagkunwaring nakatuon ang atensyon dito. Narinig kong tumikhim si Archer.
"Hindi niyo man lang ako susuyuin?" hindi makapaniwalang tanong ni Veigo.
"How did you even enter?" Imbes na pagtuunan ng pansin ang sinabi ni Veigo ay mas pinili ni Archer na iiba ang topic.
"Dumaan ako sa gate, malamang. Alangan namang tumagos ako sa pader," Veigo said in a matter-of-fact tone.
"No, sino ang nagbukas ng gate?" Binalingan ako ni Archer. Alam ko ang ibig niyang sabihin kaya't umiling ako.
"Nabigla na lang din ako na nakapasok na siya."
Bumalik ang atensyon ni Archer kay Veigo. "So, paano ka nga nakapasok kung hindi naman registered ang sasakyan mo sa recognition scanner ng bahay ko? Na kailangan para mabuksan ang gate."
A sly smile escaped on Veigo's lips. "I have my ways. Pero 'wag mong ibahin ang topic dito, magtatampo pa rin ako sa inyo."
"Napaka-simpleng bagay nagtatampo ka." Napalingon si Veigo sa akin.
"Tama!" Pag sang-ayon ni Archer sa sinabi ko. "Grow up, Igo. Hindi ka na bata para magtampo sa napakaliit na bagay."
Inis na nagpatuloy si Veigo sa pagkain dahil pinagkaisahan namin siya. Mas matanda siya sa akin ng tatlong taon pero pakiramdam ko mas bata siya sa akin dahil sa kung paano siya umasta.
Pagkatapos kumain ay dumiretsong umalis si Veigo. Eat and run kumbaga. Pero bago siya umalis ay may inabot siyang sobre kay Archer.
Napalitan ng awkward na atmosphere ang kaninang magaan nang nandito pa si Veigo. Pino at mahinhin akong kumakain at nagpapanggap na hindi ko nararamdamang nakatitig sa akin si Archer.
Sandaling napaangat ang tingin ko sa kaniya na agad kong pinagsisihan dahil nagkasalubong ang mga mata naming dalawa. Tumikhim ako bago nagsalita. "Bakit pala parang laging malinis ang bahay mo? Ano 'to, may self cleaning feature ang mga gamit sa bahay mo?"
Mahina siyang natawa. "No, silly, I hired people to clean my house every Saturday."
Napatango ako sa sinabi niya. "Ah, so bukas pala may pupunta dito?"
Tumango siya. Sabado na bukas, walang pasok si Amber at siguradong papakiusapan niya akong umuwi. Gusto ko mang samahan siya, ayaw ko namang makita nila ako sa ganitong kalagayan.
"Nga pala, kapag ba gumaling na ako paaalisin mo na ako dito?" Nagdadalawang-isip ako kung itutuloy ko ba ang balak sabihin. Pero mas kailangan mo ang pera kaya't lulunukin ko na ang lahat ng natitira kong hiya. "K-kung sakali bang– kung sakali bang umalis ako dito... babayaran mo ba ulit ako kapalit ng pag-alis ko?" Humigpit ang hawak ko sa kutsara't tinidor habang naghihintay sa sagot niya. Kailangan ko ang pera kaya sana pumayag siyang bayaran ulit ako kahit pa niligtas niya na ang buhay ko.
Mabilis ang tibok ng puso ko habang nakatitig sa mga mata niyang seryosong nakatingin sa akin.
"Hindi."
Bumagsak ang balikat ko. Naglaho ang pag-asa kong mabayaran kahit ang taong ahas muna. Pero hindi ko din siya masisisi kung ayaw niya akong bigyan ng pera. Naiwala ko ang dalawang milyon na siguradong nasa kamay na ni baboy ramo. On the second thought, baka hindi niya na ako singilin kasi nasa kaniya na ang perang pambayad ko sana sa taong ahas.
Dahan-dahan akong napatango sa sinabi ni Archer. Naiintindihan ko ang desisyon niya. Hindi ko naman siya mapipilit kung ayaw niya nang maglabas ng pera at ibigay sa akin.
"Hindi na kita paaalisin."