Chapter 18: 8

“BOSSING!” umiiyak na tawag ni Dong kay Jerome. Lumapit pa ito at yumakap sa amo nila na matagal rin nilang hindi nakita.

“Boss bakit ang tagal niyo namang magbakasyon, alam naman namin na masyado kang nasisiyahan sa babaeng ‘yan! Pero bakit naman ang tagal niyo ‘don?” sigunda rin ni Andress na siyang tumatayong leader kapag wala siya. Malaki ang tiwala niya sa tatlong ito, kahit na kung minsan ay parang mga isip bata ang tatlo.

“Hayaan niyo na, tutal masaya rin naman kayo na wala ako sa paligid niyo, gawin na natin ang plano, nakuha niyo ba ang mga impormasyon?” seryoso niyang tanong.

“Oo Boss, napag-alaman na namin na ang nagpadala sa kanya ay si Mucho, ang kalaban mong Mafia Boss na pinuno ng grupong Black Arrow, pero itong babaeng to, galing Rusia ang mga sindikatong humawak sa kanya.” naituro pa ni Andress si Venice.

Ngunit nagulat sila nang hawakan ni Jerome ang daliri niya, bahagyang binali iyon, “Huwag mong duruin ang mahal ko, buhay ko ang itinaya ko para makuha siya,” seryosong salita ni Jerome.

“Aray! Aray ko Bossing! Oo na, hindi na!” napapangiwing sigaw ni Andress.

“Ayan, ayan tuloy!” singit ni Dan. “Bossing, iyong mga kontrabando, alam na rin namin kung saang pantalan manggagaling, pagkalapag na pagkalapag, mainit-init pa, kukunin na kaaagad ng grupo ni Mucho! Kasama ang mga sindikatong Alien,” dugtong pa ni Dan.

“Bossing, gaano naman nating masisiguro na hindi tayo ta-traydorin ni Venice?” naisingit na tanong ni Dong nang makitang umalis muna sa harapan nila ang babae, nagtungo ito sa kusina.

“Basta, kahit na anong mangyari sagot ko siya, huwag niyo siyang gagalawin, kung kaya niyo, ipagtanggol niyo na rin, tatanawin kong malaking utang na loob sa inyo ‘yan,” mariing bilin ni Jerome sa mga tauhan.

ALAM niyang hindi pa rin lubos ang tiwala sa kanya ng tatlong kaibigan at tauhan ng lalaking ngayon ay labis na niyang iniibig. Kaya lang hindi niya rin lubusang maipangako sa mga ito na hindi na siya magbabago ng desisyon. Ang kumampi kay Jerome, pero sa isang sulok ng isip niya, paano kung mas lalong mapahamak si Jerome, kung hindi siya susuko sa mga sindikatong iyon.

Naguguluhan siyang napaupo na lang sa harap ng lamesa sa kusina. Nagulat pa siya ng makita ang pagpasok ni Andress, lumapit ito at nagbukas ng fridge, kumuha ng tubig, “Sana naman huwag mong ilaglag si Bossing, kasi hanggang sa huli, paninindigan ka niya, hindi siya iyong tipo ng tao na mang-iiwan sa ere, kaya sana isipin mo rin ang kaligtasan niya, marami kaming umaasa sa kanya,” sabi nito. Sabay talikod na at iniwan pa ang bote na ininuman sa lamesa.

Naiwan naman siyang napapatulala sa mga narinig niya, wala naman siyang balak na traydorin si Jerome, kaya lang nakakaramdam siya ng matinding takot para sa gagawin nilang transaksiyon. Iyon ang simula ng gulo, iyon na rin ang simula ng paghabol ng mga ito sa kanya upang patayin siya.

Sa kanila, may batas, bilang assassin, kung hindi mo nagawa ang misyon mo, kinakailangan mong magpatiwakal dahil kung hindi, para mo na ring inilagay sa mga kamay mo ang impiyerno. Hindi na sila titigil na tugisin ang isang assassing nabigo sa isang misyon.

“Anong iniisip mo?” gulat siyang nagtaas ng tingin kay Jerome.

“Ha? W-wala lang ito,” atubili naman niyang tugon.

“Kung ano man iyang inisip mo, p’wede bang huwag na huwag mong itutuloy, alam ko kung ano ang bumabagabag sa iyo, huwag na huwag mong gagawin iyan, kung may tiwala ka sa ‘kin, alisin mo sa isip mo iyan. Kung wala naman, nakikiusap akong pagkatiwalaan mo ako, mahal kita Venice!” mariin ang pagbigkas ng binata sa huling mga sailitang binitiwan nito.

MAKALIPAS ang isang linggong paghahanda at pagpaplano, nagtungo na sila sa hide out, naroon na sila isang araw bago ang nasabing transaksiyon. Nai-report na rin niya sa isang pulis ang mga bagay na iyon. Naniniwala siyang mahuhuli nila ang mga sindikatong ito na may masamang binabalak sa mga armas na dapat ay para sa bansa. Nakita na niya ang mga pekeng armas na ipapalit ng mga ito sa tunay.

Ang plano lang naman nilang gawin, pagpalitin ang mga iyon, nakawin ang perang ipangbabayad para sa mga orihinal na mga armas, tapos noon ay malaya na silang makakapamuhay ni Venice. Iyon ay kung magiging matagumpay ang lakad nilang iyon. Kung walang aberyang magaganap.

Silang lahat ay nagpapanggap na isa sa mga tauhan ni Mucho, hindi alam ng mga ito na napatay na nila ang ilang tauhan nito, at napalitan na nilang lima. Hindi pumayag si Venice na hindi sumama sa lakad nilang iyon, mahal niya si Jerome, at nais niya ring matiyak ang kaligtasan nito. Hindi sila nag-uusap ngunit anumang oras ay maaari nilang marinig ang boses ng isa’t isa sa pamamagitan ng suot nilang earpiece.

Nakita nilang nagdatingan na ang mga kalabang mga Mafia, kasama ang mga grupo at pinuno ng sindikatong kukuha ng mga armas, at iyon din ang grupong humahabol kay Venice. Maya maya ay nagkabarilan na, lalo na nang makita nilang nagdatingan ang mga pulis, hindi pa man nakakalapit ang mga ito, at nailalapag ang mga dala nilang may lamang mga pera, nagpaputok na kaagad ng isang tauhan ni Mucho.

“Itakbo niyo na ang pera! Parating ang mga parak! Boss napendeho na naman tayo!” sigaw ng isang lalaki, hindi sila kagaagad nakakilos dahil sa nabigla rin sila, wala pa sa plano nila ang biglaang pagdating ng mga pulis, naiinis man siya dahil hindi umayon sa kagustuhan niya ang mga pangyayari, mabilis na rin silang nakipag barilan sa mga tauhan ni Mucho, una rin niyang pinuntirya ang mga sindikatong nagnanais na makuha ang mga sandata. Iyon din ang mga humahabol sa babaeng mahal niya.

“Umalis na kayo! Umalis na kayo Andress! Sibat na!” sigaw ni Jerome, habang patuloy na nakikipag barilan.

Magulo na ang sitwasyon, hindi niya akalaing guguluhin ng mga pulis ang lahat, kaya naman wala silang choice kundi tumakas, tutal naman ang hiling lang niya ay mahuli ang mga sindikatong iyon at masabutahe ang transaksiyong.

“Jerome! Paano ka?” sigaw ni Venice na may pag-aalala sa kanya. Nilingon niya iyon at kinindatan na lang ang dalaga.