“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” Matapos umalis ni Kael ay agaran kong hinarap si Chalmer. Kinuha ko rin ang alcohol at cotton sa aking bag. Namamaga ang kanyang bibig. “Bakit ka ba nagkakaganyan?” Nilapitan ko siya at sinalpak sa gilid ng kanyang bibig ang cotton na may alcohol kaya napa-igik siya.
“Aray!” Kinuha niya sa aking kamay ang cotton at itinapon ito. “Kahit pa gamutin mo iyan, hinding hindi mo pa rin magagamot iyong sakit dito!” Malalim na hinugot niya ang kanyang paghinga at itinuro ang kanyang dibdib. “Pwede bang huwag kang magpakita sa akin ng pag-aalala, kasi lalo akong nahuhulog sa iyo!”
“Chalmer,” mahina kong pagkakasaad.
“Let’s pretend that we don’t know each other.” Tumayo siya at tumalikod mula sa akin. “Just like how we pretend that there was an us!” Para akong nadurog sa mga salitang kanyang binitawan. Ganoon na ba siya kagalit sa akin at ayaw na niyang kilalanin ko siyang kaibigan?
“Attention! Just to clarify everything. There was never an us!” Humarap siya sa buong mga estudyanteng nakikiosyoso at tuloyan na akong nilasan. Umalis siya na hindi man lang muling dumapo ang mga tingin sa akin. Parang hindi ako makapagsalita ng ilang segundo. Ganoon na ba ako kahirap maging kaibigan lang?
“Jam Bie, Hayaan muna siya!” Hinawakan ni JM ang aking kamay matapos niyang mapansin na aakma ko ng habulin si Chalmer. Gusto ko siyang bitawan at hindi na papakingan ang kanyang hiling, dahil kailangan ko pang tigilan na lumabas ng tarangkahan ng paaralan si Chalmer pero napahinto ako agad sa huli niyang sinabi, “Kapag bibitawan mo ako, tutuluyan na kitang kakalimutan.”
Pursigido akong mahabol si Chalmer kaya ilang segundo lang ay binitawan ko si JM at nagwika, “I’m sorry. I need to do this.” Tumakbo ako papalabas ng gate. Hindi pwedeng makalabas siya at baka may mangyari hindi maganda sa kanya.
“Please! Stay away from your car!” wika ko matapos ko siyang mahabol na naka-upo na sa loob ng kanyang sasakyan. Pinatunog niya ang sasakyan at mahinang pinaandar kaya dumiritso ako sa harapan nito. Hindi pwedeng makapatakbo siya ng sasakyan at baka madisgrasya siya. Matapos ko kasing mabasa ang libro na gawa ni JM ay napahinto ako sa isang librong ibinigay sa akin ni Mommy. Binuklat ko iyon at nakapaloob sa libro na iyon, na sa ika-limang araw buhat ng panaginip ng isang tao ay maraming disgrasya ang magaganap. Kinakailangan ng madaliang gabay mula sa nanaginip at madaliang pagsabi sa taong naging parte ng panaginip ang kaniyang napapanaginipan.
“Chalmer! Please!” Itinapon ko ang aking bag sa harap ng kanyang sasakyan. Wala na akong ibang naiisip upang bumaba siya kundi ang itapon ang bag ko.
“What is happening here?” Bigla akong nanlumo ng marinig ang isang pamilyar na boses. Isang beses pa lamang kaming nagkatagpo pero alam ko na kung sino ang nagsalita. Marahan kong inispatan ang pinagalingan ng boses at tama nga ako.
“Daddy!” Lumabas ng kanyang sasakyan si Chalmer at tumakbo papunta sa kanyang daddy.
“It’s nice to see you again.” Habang binibigkas ito ni Mr. Alano ay nakatingin siya sa akin. “Balak mo rin bang sirain ang bagong sasakyan ng anak ko?” untag niya na naging sanhi upang mailang akong muli. Patay na! Baka muli na naman akong singilin sa mga pagkakautang ko nito. Kailangan kong makaisip ng mabilisang paraan.
“Good morning, Sir!” humarap ako sa kanya at matapang na bumati. “Hindi ko po sinasadya. Siya kasi…”
“Ano?” Napaiwas ako ng tingin lalo nang nagdilat ang kanyang mga matang nakakapanghina.
“Siya kasi.” Tinuro ko si Chalmer kaya napaharap si Sir Alano sa kanyang anak. “Umagang umaga binabalak ng mag-cutting class. Nagkakaroon na po ng flag ceremony sa loob.” Bago ako makalabas sa tarangkahan ng paaralan ay tumunog na rin kasi ang kampana ng aming paaralan. Alam kong oras na iyon ng flag ceremony dahil mag-aalas 7:15 na.
“Chalmer!?” pabalang na tanong ng kanyang ama. Napapahilamos si Chalmer sa kanyang kamay dahil siguro ayaw niyang mapansin ng kanyang ama ang nasa kanyang mukha. “Bakit may dugo ang mukha mo?” Patay na. Mukhang hindi niya na maitatago ang kanyang mukha.
“Iyon na nga. Kaya ko siya hinahabol kasi namudmod na nga ang mukha niya ng mahulog siya sa hagdanan. Tapos, naiisipan niya pang mag-drive upang mag-cutting class?” Napatingin si Chalmer sa akin dahil sa aking mga sinasabi. “All I did, Sir is for his safety.”
“Son! Pumasok ka na sa paaralan ninyo.” Itinuro ni Mr. Alano ang trangkahan ng aming paaralan. “Miss Villarico! Salamat sa ginawa mo para sa anak ko.” Ngumiti naman si Mr. Alano sa akin at may ibinigay siya sa akin. Mabait naman pala siya. Hindi ko lubos maisip na marunong palang ngumiti ang isang ito. Ang akala ko ay puro pasigaw, at pangsimangot lang ang kaya niyang gawin. Ngumiti na lamang akong umalis at hinabol si Chalmer na walang ibang ginawa kundi magpatuloy lang sa paglakad papasok ng paaralan.
“Chalmer!”
“You do not have the right to call my name again!” Parang yelo siyang ibinigkas ito at tuluyan ding tumakbo papunta sa mga kaklase niya para sa flag ceremony. Gusto ko siyang tawagin ulit pero nahihirapan naman ako. Hahayaan ko na muna. Ang mahalaga ay nasa loob lang din siya ng paaralan.
—-
“May nagsunsuntukan sa Room Number 18!” Tumalas ang pandinig ko habang nakikinig sa guro ng may mga estudyanteng dumaan at nagtatakbuhan papunta sa nasabing numero ng silid. Teka? Numero ng silid iyon nina Chalmer at Kael. Hindi ko alam kong ano ang aking gagawin. Bumibilis ang takbo ng aking dibdib kaya agaran akong tumayo at nagwika, “SIr, May I go out?” Tumango naman ang aming guro kaya agaran akong lumabas.
Walang pakundangan kong tinahak ang nasabing silid. Ngunit sa bawat estudyanteng nadadaanan ko ay naririnig ko na ang pangalan ni Kael. Maaari kayang nagsuntukan na naman ang dalawa?
“Kael?” Kitang kita ko si Kael na sugatan na naman ang mukha dahil sa suntok. Marahan ko siyang nilapitan. Inikot ko ang aking tingin sa loob ng kanilang silid at hindi ko man lang makita si Chalmer. Baka, umalis din matapos nilang magsuntukan.
“Ayos ka lang ba?” untag ko sa kanya. “Nasaan na si Chalmer?”
“Ako iyong nabugbog, pero iba iyong hinahanap mo?” Mula sa pagkakaupo ay tumayo siyang lumayo ng bahagya sa akin.
“Ano ba kasi ang nangyayari? Tungkol na naman ba ito kanina?” untag ko ulit sa kanya.
“Wow! So narito ka sa pag-aakalang sinuntok ko na naman ulit si Chalmer? Narito ka at nababahala ka sa kanya?” pasinghal niyang litanya. “Ang husay mo rin e. Kung siya pala ang gusto mo e, piliin mo siya. Hindi iyong hihindi-hindi ka?” Napapalingu-lingo akong tinitingnan siya. “Please! Lumayo ka na sa buhay ko!” Lumabas siya sa kanilang silid.
“Ms. Villarico, Bakit naman kasi wala iyong tatay mo? Wala tuloy’ng nag-aasikaso sa mga nag-aaway na estudyante.” Lumapit sa akin ang adviser ng kanilang silid.
“Ma’am, may inaasikaso kasi si Daddy, alam naman ninyo iyon. Ano ba kasing nangyari?” untag ko.
“May estudyante kasi akong nagsuntukan kanina. Dahil wala ang Guidance Councilor ay tinawag ko si Kael para umawat. Ngunit, imbis naumawat, siya tuloy ang nasuntok.” Mali ako. Hindi si Kael at Chalmer ang nagsuntukan. Kaya pala galit na galit si Kael sa akin. Masisisi ba nila ako? Nasa punto ako sa buhay ko ngayon na kailangan kong gumawa ng hakbang para walang masamang mangyari sa kanilang tatlo.