Chapter 12: Mission Failed

Napailing lang siya nang mag-inarte na naman ang kaibigan niya pagparada ng kotse nila sa kalagitnaan ng gubat. Makipot na ang daan at kailangan na nilang maglakad. “Saglit na lakad lang ito, Dai. Nagsabi na akong mag-tsinelas o flat shoes ka na lang. Nag-high heels ka pa. Nakita mong flat iyung heels ng sandals ko ayaw mo pang magpakabog.”

“Jusme, maliligayahan na naman ang mag-po-foot spa sa akin pagbalik natin sa Metro Manila,” maarte pang sabi nito. “Ouch,” anito dahil tumatama sa balat nito ang ilang tangkay at mga dahon.

“Ang arte mo, bakla! Hindi naman masakit.”

“Iyan oh, mapula na. Magagasgasan ang mala-porselana kong kutis baka ma-turnoff sa akin iyung crush mo.”

“Oo na, maganda ka na. Hindi kabawasan sa kagandahan at kesexy-han mo iyang pamumula ng balat mo. Magtiis ka muna. Hindi ka naman nasusugatan. Isipin mo na lang na mestiza ka kaya namumula ang mga braso mo.”

“Baka hindi na siya maakit sa akin,” madrama pang sabi nito at mula sa shoulder bag ay inilabas nito ang ointment at pinahiran ang bahagi ng mga braso nitong namumula. Kahit hirap na hirap ito sa pagkilos dahil bitbit ang box ng carrot cake ay inuna pa rin nito ang kaartehan.

“Kapag may lumabas na cannibals katulad sa wrong turn, malamang tegi ka na dahil sa kaartehan mo,” naiinis na sabi niya rito kaya umismid lang ito at parang model sa Victoria’s Secret na naglakad sa catwalk kaya hindi niya napigilang mapabunghalit ng tawa nang matisod ito at muntik pang masubsob sa malaking ugat ng puno ng kamagong. “Iyan, puro ka arte at harot, muntik pang mahulog ang box ng cake.”

“Hmp! Masyado ka pang nag-alala sa box ng carrot cake para sa crush mo kaysa sa magandang friend mo.”

“Ang drama mo! Halika na, para hindi tayo abutin ng gabi dahil may mga lumalabas ng baboy-ramo dito sa gabi.”

“Ay! Ayoko na,” tili nito kaya binatukan niya ito. “Maligno pa yata ang mga kaibigan at nakikita mo! Nakakaloka ka. Totoong tao ka pa ba?”

“Malapit na akong mairita sa kaartehan mong bakla ka!”

“Masheket ka magsalita ha! Babae nga naman kasi ako!”

“Oo na. Bilisan na natin,” aniya at nagpatuloy sa paglalakad. Pagkalipas ng sampung minuto ay nasa harap na sila ng gate. Natatawa siya sa kaibigan niyang puro reklamo dahil masakit na ang paa nito pero biglang ipinatong sa mga bitbit niyang tupperware ang box ng cake at nag-inarte na naman.

Pinulot nito ang isang tangkay na nahulog sa isang puno at tumapat sa gate. “Asnamon Voynazar. Pakibuksan ang lagusan papuntang Encantadia.” Napahalakhak na siya nang malakas nang maunawaan na umaarte itong parang diwata sa sikat na fantaserye sa isang istasyon. Paborito nito iyon lalo na ang original na version. Lalo pa siyang natawa nang bumukas nga ang gate na pantao at sumilip si Mang Jose.

“Hagorn, ilabas mo na ang jowa kong si Ybarro.” Ito raw kasi si Alena at si Vladimir daw si Ybarro kaya lalong nag-inarte pa ito. Nang sumilip pa ang dalawang security guards ay muling humirit ito. “Pashnea, ang mga hator!”

“Kapag hindi ka tumigil diyan, ibubuhos ko ang sauce ng carbonara sa ‘yo.” Nahihiya na siya sa mga naroon dahil doon pa ito gumawa ng eksena. Agad naman nitong kinuha ang box ng cake kaya nakita na ni Mang Jose ang mukha niya.

“Uy Charina, ikaw pala iyan.”

“Opo, Mang Jose. Pagpasiyensiyahan niyo na ang makulit kong kaibigan,” aniya at pasimpleng kinurot sa tagiliran ang kaibigan.

“Aray! Mashaket ha. Iyung balingkinitang beywang ko na naman ang target mo palibhasa threatened ka na naman dahil makikita ko ang crush mong foreigner na macho!”

“Napakaingay mong bakla ka,” naiinis na sabi niya at siniko ito. Tumahimik naman ito pero narinig na ito ng mga naroon kaya nagtawanan ang mga ito.

“Dalaga na pala talaga si Charina,” sabi ni Mang Jose na napangiti lang.

“Hindi naman po talaga iyan totoo, Mang Jose! Luka-luka lang din ito kaya huwag kayong maniwala,” naiinis na sabi niya at tiningnan nang matalim ang kaibigan.

“Naniniwala kami pero okay secret lang natin,” sabay-sabay na sabi ng tatlong lalaki at kinuha na ang mga dala nila. Muling lumingon ang mga ito saka sinabing suportado ng mga ito ang loveteam nila ni Vladimir.

“Oh ‘di ba, may instant fans club ka na. Iisip pa ako ng name.”

“Tse! Tingnan mo nga iyang kadaldalan mo! Sinasabi ko sa ‘yo, pigilan mo iyang bibig mo bago ko pasuin iyan ng posporo,” bulong niya pero lalo lang itong humalakhak. Pagdating nila sa tapat ng mansiyon ay napatili na naman ang kaibigan niya dahil maraming Doberman doon na umaangil dito at tumatahol. “Ay galit sa beki,” pang-aalaska niya na ikinainis nito. Pero hindi pa ito tapos dahil nakawala ang isa at tumakbo pasugod dito kaya lalong napatili ito. “Val,” awat niya sa Doberman na huminto bigla at tumakbo papunta sa kanya saka siya dinamba at dinilaan nang dinilaan. Dahil malaki ito ay napaupo siya. Ito naman ay nagpaikut-ikot pa sa damuhan at tumihaya tanda na nakikipaglaro ito sa kanya. Kiniliti niya ang tiyan nito kaya nagpapadyak ito at tumahol pa na halatang natutuwa sa ginagawa niya. Nang magsawa ito ay umupo na rin at nagpahipo sa kanya.

“You should not pet a guard dog!” Napaangat pa ang tingin niya nang makita ang papalapit na higante sa direksiyon niya. Hayun si Vladimir na wala na namang pang-itaas. Naka-board shorts lang ito at basa pa ang buhok. Nakasabit lang sa isang balikat nito ang kamiseta. Basang-basa rin ang buong katawan nito. Parang bigla siyang nauhaw sa nakikita. Para bang gusto niyang mainggit sa mga patak ng tubig na dumadaloy sa matipunong katawan nito. Sinundan niya ang mga iyon na parang dumadaan sa mga obstacle course habang naglalandas sa dibdib at abs nito. “Are you done feasting on my body?” Pag-angat niya ng tingin ay nakakunot ang noo nito at bahagya pang nakasimangot.

“Huh?”

“You’re not listening to me, woman. I told you to stop petting Val. That man is a guard dog.”

“I know Val! I’ve known Nanay Victoria since I was seventeen. Val is one of Vic and Valeree’s babies,” pagmamayabang pa niya. “Also-”

“Frankly, I don’t care. I just don’t want you to pet any dog here because they are all guard dogs.”

“Didn’t you understand what I said?”

“I did, but I don’t give a flying fuck.”

“You know what? You’re obnoxious!”

“I know, and thanks for reminding me. Your presence is not needed here because I’m not expecting any visitors or trespassers here.”

“I’m not a trespasser! Nanay Victoria knows me! You can ask her.”

“But I’m sure you haven’t yet told her that you’re visiting here. Maybe it’s me and my body you want to see,” mayabang na sabi nito na ikinapahiya niya.

“That’s not true!”

“I don’t care whether it’s true or not. The way you stare at my body, I know you’re lying. Anyway, you’re not my type, so you’re not welcome here,” balewalang sabi nito at tinalikuran sila ni Romina.

“You, pig!” Walang pakialam itong naglakad lang at hindi na sila nilingon. Ang kaibigan naman niya ay hindi na nakakibo at nasa mga labi na ang hintuturo kaya nainis siya lalo sa mayabang na lalaki. Gusto niyang humanga sa magandang likod nito pero masyado nitong pinakulo ang dugo niya. Sa pagkainis niya ay inagaw niya sa isa sa mga security guards ang tupperware. “Hoy foreigner na pangit! I’m not yet through with you.” Nang humarap ito ay saktong nabuksan niya na iyon kaya hindi ito nakaiwas nang ibuhos niya paitaas dito ang sauce ng carbonara dahil matangkad ito. Napuno ang mukha at buong katawan nito ng sauce. Alam niya namang hindi na mainit iyon kaya hindi na siya nababahala. Pag-angat niya ng tingin ay nakasalubong niya ang asul na asul na mga mata nito. Alam niyang matalim ang pagkakatingin nito sa kanya.