Chapter 3

Wala sa wisyong naglakad si Phoebe patungo kung saan sya dadalhin ng kanyang mga paa. Ang katotohanang napasubo sya sa isang katangahan na ginawa nya ay tila hindi pa rin maproseso ng kanyang isip. Paulit-ulit nyang sinisisi ang sarili. Kung naisip nya lang sana na-icheck kung humihinga pa ang nakatatandang kapatid ay hindi sya malalagay sa sitwasyong ito.

Panay ang pagbuga nya ng malalalim na hininga. Ni hindi nito pinapansin ang daan na tinatahak nya. Ilang ulit syang nakabunggo ng tao pero nanatiling nasa baba ang kanyang paningin.

Evan Johnson. Bakit ba kasi pati ang taong iyon, ate?!

“Argh!” Puno ng inis na sinabunutan nya ang sarili. Ang nagbabadyang luha nya dahil sa pagkainis ay hindi nya na naiwasan sa pagpatak. “Ang tanga-tanga mo talaga, Phoebe!” Aniya saka naupo sa gilid ng kalsada.

Hindi nito ininda ang bulungan na naririnig. Hindi naman sya talaga iyong tao na gumagawa ng eksena, kilala kasi sya bilang mahiyain kaya naman heto’t tampulan sya ng bulungan ngayon. Nanatili syang nakaupo roon habng paulit-ulit na kinakstigo ang kanyang sarili.

“Hoy, anong eksena yan?” Gulat na nag-angat sya ng tingin. Agad syang tumayo saka mabilis na niyakap ang taong nasa kanyang harapan. Sa isip ay alam nyang nagkaroon sya ng pag-asa.

“Anne!” Malakas na pagtawag nya saka pabatong ibinagsak ang katawan sa kanyang kaibigan.

Aligagang tinulak ni Anne si Phoebe nang bigla itong umiyak sa kanyang mga bisig. Ang bulungan ng mga tao ang naging dahilan para itanggi nya ang pinakamatalik na kaibigan.

“Hindi ko kilala ang isang ‘to,” aniya na nakaturo sa babaeng kaharap. Hindi naman sa ikinakahiya nya ang matalik na kaibigan. Sadyang sa palagay nya ay wala lang ito sa wisyo ngayon at gusto nya lang pagaanin ang loob.

Agad na umasim ang mukha ni Phoebe. Wala man sa intensyon ay kinagat nya ang hintuturo ni Anne dahilan para malakas sya nitong hampasin sa balikat.

“Ano ba?!” Sigaw ni Anne saka paulit-ulit na hinimas ang kanyang hintuturo. Nang tignan nya ito ay mas lalong nagsalubong ang mga kilay nya. Punyeta! May bakas nanaman!

Masamang tingin ang ipinukol nya sa kaibigan. Sa isip ay pinaplano nya na kung paanong madadala ng mental institution si Phoebe dahil madalas itong mangagat. Akala yata’y aso sya.

“Anong hindi mo ako kaibigan?!” Patanong na sigaw ni Phoebe. Tila ba may kuryenteng dumaloy sa pagitan nilang dalawa habang nagtititigan ang mga ito.

Mula pa man pagkabata ay magkasama na sila, paano nyang matatanggap ngayon ang sinabi ni Anne?

“Nakakahiya ka! Para kang tanga na umiiyak dito!” Tugon ni Anne matapos ang ilang segundo. Inilibot nya ang paningin sa paligid at naroon pa rin ang mga tingin ng tao sa kanila. “Tignan mo nga at pinatitinginan ka na dito!” Dagdag nya pa na itinuro ang paligid. Saglit lang iyong tinapunan ng tingin ng babaeng kanyang kaharap.

Gusto sanang mainis ni Phoebe pero nang maalala nya ang problema na dinadamdam ay agad na lumambot ang puso nya. Sya lang ang pag-asa ko ngayon.

“Anne!” Muling pagsigaw ni Phoebe saka yumakap sa kaibigan. Ang pagtangis nya ay hindi inaasahan ni Anne kaya naman agad nya itong naitulak muli palayo.

“Ano ba?! Baka sabihin nila na sinasaktan kita!” Salita nya saka inilibot ang kanyang paningin. Saka lamang sya nakahinga ng maluwag nang makitang abala na sa pagchichismisan ang mga nakatingin sa kanila kanina.

Hindi umimik si Phoebe. Muli itong yumakap sa kaibigan. Sa isip ay pinaplano nya na kung paano hihingin ang pabor na gusto nya pero sa pagkakilala nito kay Anne ay mukhang mahihirapan syang mapapayag ito.

“Patayin mo na lang ako!” Totoo. Sa mga puntong ito, pakiramdam nya ay gusto nya na lang bumuka ang lupa at kainin sya nito.

“King ina mo! Dyan ka na nga!” Mabilis na umalis sa pagkakayap si Anne saka naglakad palayo.

Naiwan ang dalaga na nakatayo sa gitna ng daan habang pinanunuod ang likod ng kaibigan paalis. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Nang umabot sa ika-lima ay agad na humarap sa gawi nya si Anne tulad ng inaasahan nya.

“Halika na!” Magkasalubong ang kilay na utos nito sa kanya.

Agad na sumilay ang ngiti ni Phoebe nang maisip na talagang hindi sya kayang tiisin ng matalik na kaibigan. Bukod kasi sa mahal na mahal sya nito ay matagal na rin silang magkasama. Halos lahat nga yata ng pasikot-sikot sa pagkatao nila ay alam na alam na nilang dalawa, maski ang mga sikretong pinakaiingatan nila ay ang isa’t-isa lang ang nakakaalam.

Dinala sya nito sa isang convenience store at nilibre ng ice cream na pareho nilang paborito.

“Anong problema?” Pagkakuwan ay tanong ng dalaga. Abala ito sa pagkain ngunit hindi pa rin kinaligtaan na lingunin si Phoebe.

Agad na lumalay ang pareho nyang balikat. Ilang ulit syang nagbuga ng malalim na hininga dahila para ipahalik ni Anne ang palad nito sa kanyang ulunan.

“Panay ka buntong-hininga! Hindi ka na lang magkwento para tapos na!” Puno ng pagtitimpi na saad ni Anne.

Agad na umasim ang mukha ni Phoebe. Hindi nya inaasahan na ganito kawala sa mood ang kaibigan.

“May red flag ka ba?” Inis na tanong ni Phoebe.

Hindi makapaniwalang nilingon naman sya ng kaibigan saka marahas tumayo. Matinding pagpipigil ang kanyang ginawa para lamang hindi masaktan ang babaeng nakaupo sa kanyang harapan.

“Aba’t— bahala ka nga—”

Maagap na hinila ni Phoebe ang laylayan ng damit ni Anne saka ito sapilitang muling iniupo sa kanyang tabi. Nang mapansin ang pailalim nitong tingin ay agad na ngumiti nang pagkalaki-laki si Phoebe sa kanya.

“Ito naman. Joke lang. Ito na. Magkukwento na nga, e. Napakainit naman ng ulo mo. Gusto mo bang—” sa ikalawang pagkakataon ay aligagang hinila ni Phoebe si Anne sa pag-upo nang muli itong nagtangka na umalis.

“Ito na!”

Ikinuwento ni Phoebe sa matalik na kaibigan ang gustong mangyari ni Peyton. Hindi pa man natatapos ang kwento ay agad na nyang naramdaman ang paglapat ng palad nito sa kanyang batok matapos marinig ang pangalan ng lalaking paghihigantihan.