Hindi nga nagkamali si Fiona dahil kinabukasan sa cooking class nila ay hinarap siya ni Shiloh. Kasalukuyan siyang gumagawa ng dough para sa pizza. Lumabas nang saglit ang kanilang teacher para may kukunin daw sa canteen.
“Wow! Ba’t hindi ka pa makipag-break kay Cyler, ha, Fiona? Hindi naman kayo bagay dahil Asawa ka ni Shrek. Naaawa lang siya sa ‘yo dahil paawa ka. Tingnan mo nga ‘yang hitsura mo! Sure ka bang sasaluhin ka niya talaga if ever na mahulog ka sa isang puno, ha?” pang-uuyam ni Shiloh sa kanya. “He won’t, Fiona. Bakit? Dahil mabigat ka!” Saka tumawa ito nang mapanuya. Tumawa na rin ang minions nito.
“Huy! Tantanan n’yo na nga ‘tong kaibigan ko, Shiloh! Wala naman siyang ginagawa sa inyo, ah! Selos ka lang dahil kahit slim ka, si Fiona pa rin ang mahal ni Cyler! Ibig lang sabihin, mas maganda lang talaga siya kaysa sa ‘yo! Pangit kasi ng ugali mo!” sansala naman ni Jenna na pumagitna sa kanila.
Lumaki ang butas ng ilong ni Shiloh dahil sa narinig. Itinabig nito si Jenna at kinuha ang harina para ibuhos kay Fiona. Naligo ng harina ang dalagang hindi man lang nakailag dahil sa bilis ng pangyayari. Itinulak niya si Shiloh nang makabawi siya at napasandal ito sa isang silya bago tuluyang natumba sa sahig.
“Sumusobra ka na talaga, Shiloh!” sigaw niya at hindi mapigilang huwag mapaiyak. Nakamasid lang namang hindi nakagalaw ang kanilang mga kaklase. Patuloy ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga mata. Ang bigat-bigat na ng kanyang pakiramdam. Hindi niya alam kung papaano ito pagagagaanin nang mga sandaling ito.
“Fiona?” Biglang dumating si Cyler.
Nagulat siya nang makita ito dahil supposedly suspended ito. Ang binata naman ay nagdilim ang anyo nang makita siya sa ganitong kalagayan. Mabilis itong humakbang at saka kinaladkad si Shiloh palabas ng kanilang cooking classroom. Marahas nitong isinalya sa pader ang babae at nakita na lang niyang nagtaas ng kamay ang binata at baka masampal ito pero hinawakan niya ang kamay ng nobyo.
“Huwag, Cyler!” Umiling siya. Takot ang rumehistro sa kanyang mga mata.
Napamura si Cyler, galit na galit na sumigaw pero nakaharap kay Shiloh. “Pasalamat ka at pinigilan ako ni Fiona. Papatulan na talaga kita, Shiloh! Gigil na gigil na ako sa mga pinaggagawa mo kay Fiona!” Kumuyom nang mahigpit ang palad nito.
Napaiyak lalo si Fiona dahil nakikita niyang nahihirapan din kasi si Cyler. Kahit na anong gawin nitong pagpoprotekta sa kanya ay hindi pa rin tumigil ang mga ito. Lumala pa nang lumala sa bawat araw na lumilipas.
Bumaling si Cyler sa iba nilang mga kaklase na nag-aapoy ang mga mata. Parang kahit anumang sandali ay susugurin din nito ang mga ito at pagbuhatan ng kamay. Kahit si Shiloh ay may bakas na takot sa mukha dahil muntik nang masaktan ni Cyler. Dinuro nito ang mga kaklase nila.
“Kayo! Punung-puno na ako sa mga pinagsasabi at pinaggagawa n’yo sa girlfriend ko!” Pumasok si Cyler sa loob ng cooking class at saka nagwawala sa loob. Itinabig ang mga ingredients, trays, at iba pa. Lahat na ay nagkalat sa silid at itinapon nito ang ilang mga plato sa pader. Nabasag ang mga ito.
Napahumindig ang lahat at si Fiona naman ay lalong napaiyak dahil sa pagwawala ng nobyo. Mali ang ginagawa nito pero naiintindihan naman niya. Imbes na ang mga tao ang saktan nito ay ibinaling na lang nito sa mga kagamitan ang galit. Nilapitan na niya ito at niyakap mula sa likod.
“Tama na, Cyler. Tama na. Please!” Rinig niya ang paghingal nito, dama ang pagtaas-baba ng dibdib nito.
Kumalas ito para humarap sa kanya at may kinuha itong panyo sa suot na jeans. Pinahid nito ang mukha niyang puno ng harina at naglandas doon ang luha niya.
“I’m sorry, Fiona. I’m so sorry!” Tumulo rin ang luha nito.
“Don’t say that, Cyler. I know how you hate the word sorry because of your parents.”
Naalala niya pa na minsan ay tinanong niya ito kung bakit nito hate ang salitang iyon. Dahil iyon daw ang madalas na sinasabi ng parents nito noong bata pa ang lalaki, kapag na-miss ang birthday parties nilang magkapatid. Saka tinanong niya rin kung ano ang pangarap nito sa buhay. Ang sagot sa kanya ay gusto nitong maging independent pero magagawa lang nito iyon kapag tapos na sa college ayon sa mga magulang nito. Kaya lang ay alam na alam niya ring parang nasasakal na ito sa atmospera sa bahay at dinagdagan pa ito sa school.
“At wala ka namang dapat ipagpaumanhin, eh. Hindi mo naman kayang saktan si Shiloh, ‘di ba? Tinatakot mo lang siya, ‘di ba?” Pumiyok ang boses ni Fiona.
Tumango si Cyler nang marahan. Patuloy na nililinis ang mukha at buhok niya. “I’d understand if you don’t want to see me again dahil sa ginawa ko ngayon.”
“Cyler…”
“Alam ko na ang tumatakbo sa isip mo, bae-beau. I’m overprotective of you to the point of having trouble managing my anger. I have issues, I know. Wala akong katatakutan at wala akong pakialam sa iba. Ikaw lang ang importante para sa ‘kin, alam mo ‘yon. Ikaw lang ang nagpaparamdam sa ‘kin na may layunin ang buhay ko, so I don’t want to lose you, Fiona!” Basag ang boses ng lalaki habang nagsasalita.