Chapter 2

Napatingin siya sa dalaga, tiningnan niya ito sa mukha, at binasa kung nasa mukha ba nito ang nagsisinungaling lang, naiisip niya tuloy na baka isa lang itong manloloko at siya naman ang naisipang paglaruan. “Totoo ba ang sinasabi mo? O baka naman ikaw iyong may plano?”

“Hoy! Hindi sabi no, totoo nga, nahiya lang akong magsabi sa iyo, kaya idinaan ko na lang sa galit,” paliwanag pa nito, na ngayon ay tila maamong tupa sa kabaitan sa kanya.

“O ano naman ngayon ang issue mo? Bakit mo ako sinusundan, ayokong magkaroon ng kinalaman sa babaeng malas na tulad mo, baka mamaya mahawa pa ako sa kamalasan mo dito sa bansang Poland. Mahirap na,” masungit niyang sabi sa dalaga.

“Wala akong mapupuntahan, dahil kababayan kita, ikaw lang ang malalpitan ko dito,” nagpa-cute na sabi ng dalaga.

“Tumigil ka, hindi tayo magkakilala,” paanas naman na sabi niya.

“Oo nga pero kilala mo na ako hindi ba?”

Tumayo na siya dahil ayaw na niyang humaba pa ang pakikipag-usap niya sa dalaga. Lumakad na siya at nagpapalinga-linga kung saan maaaring makakita ng bahay panuluyan sa lugar na iyon. Ngunit nagulat na lang siya nang bigla na lang kumapit sa isa sa mga braso niya ang dalawang kamay nito.

“Hoy! Ano ba?” pasinghal niyang tanong sa dalaga.

“Sige na isama mo muna ako ngayon, ayokong matulog sa lugar na ito, wala akong matutuluyan kasi wala akong pera, ninakaw nga ang wallet ko at wala akong pera, maawa ka naman sa akin Mr.” may pakikiusap na sabi nito sa kanya. Mas humigpit pa ang kapit nito sa isang braso niya.

“Ano ba! Bitiwan mo nga ako, ayoko sabi!” Tunutulak na niya ang mukha nito palayo sa kanya, ngunit sadyang makulit ang dalaga, at mahigpit na ang pagkakuyapit nito sa kanya.

“Please help me, kapag pinadalhan na ako ng Antie ko ng pera lalayo na ako sa iyo, help me na makatawag ako sa kanila,” pakikiusap pa nito sa kanya. Hanggang sa makapasok sila sa loob ng hotel ay nakakapit ito sa kanya.

“Okay! Okay! Pero bitiwan mo na ako, kasi baka isipin pa ng mga tao rito na may ginagawa akong masama sa iyo, p’wede ba! Alam mo namang lalaki ako at babae ka, lumayo ka sa ’kin ng konti,” sa sinabing niyang iyon pa lang natauhan ang dalaga.

Madaling salita ay tumuloy ito sa iisang k’warto kung saan din siya tumutuloy. “Hoy! Para sabihin ko sa iyo, walang ibig sabihin ito ah, mauubos ang pera ko kapag iniupa pa kita ng sarili mong room, okay? Nagtitipid din ako dahil wala pa akong s’weldo, kaya sana, huwag kang mag-inarte, at mag-isip ng masama,” paliwanag niya sa dalaga.

“Oo na, wala naman akong sinabi, salamat ha,” biglang naibulalas nito. Isang bagay na hindi niya inaasahan. Ang akala niya kasi ay mayabang ito, at hindi marunong magpasalamat.

Mayamaya ay kumatok ang room boy na magdadala sa kanila ng pagkain. Mabuti na nga lang at may free meal ang napuntahan nilang hotel, kahit na maliit lang iyon.

“O, kumain ka na, mauna ka nang kumain, iyong matitira mo, iyon na ang kakainin ko,” sabi pa niya sa dalagang hindi pa pala niya pormal na nakikilala.

“I-ikaw?”

“Kasasabi ko lang,” sagot niya sa babae.

“Ang sungit mo naman, Mr, ano nga palang pangalan mo? Kanina pa ako nakabuntot sa iyo, pero hindi ko alam ang pangalan mo,” tanong pa nito, habang nilalantakan ang pagkain sa tray.

Nakadama naman siya ng awa para sa dalaga, marahil ay totoo nga ang sinasabi nito na na-hold up ito at nanakawan ng wallet. Halos hindi na ito huminga sa sobrang bilis kumain, halatang buong araw itong hindi nakakain. “Bakit ka ba nandito?”

“Iyong tanong ko muna ang sagutin mo?”

“Ako si Clinton, ikaw?”

“Myra nga diba! Alam mo na nga ang name ko e,” sabi pa nito. Habang kumakain pa rin. “Kumain ka na rin, kasi baka maubos ko na ang food mo,” sabi pa nito sa kanya, na kahit paano ay may malasakit din naman pala.

Matapos nilang kumain ay panandaliang nagtungo si Clinton sa beranda, medyo humigop pa siya ng hangin at ibinuga rin iyon sa kawalan. Nakatingin pa siya sa malawak na kalangitang napupuno ng bituin.

“Ang ganda ng langit no? Alam mo, nasaan kaya ako ngayon kung hindi mo ako natagpuan at naisipang tulungan, siguro may masama nang nangyari sa akin, ikaw siguro ang destiny ko,” mahinang sabi ni Myra sa kanya.

“Bakit? Hindi mo pa ba nakikita ang destiny mo?” tanong niya sa dalaga.

“Ako, sabi nila, sila ang pumili ng destiny ko e, ang mga magulang ko, kaya eto, lumayas ako.”

Napatingin naman siya sa dalaga, at bahagya siyang natawa, “Talaga? Lumayas ka? At lumayas kang walang dalang pera,” sabi pa niya. Itinuloy lang niya ang mahinang pagtatawa sa kausap niya. Para kasi sa kanya ay isang malaking kalokohan ang ginawa ng dalaga.

“Anong nakakatawa? Oo lumayas ako kahit na kakaunti lang ang pera ko, tapos nanakaw pa. Kaysa naman makulong ako sa isang kasal o pag-aasawa sa taong kahit kailan hindi ko magugustuhan.

“Bakit mo naman nasabing hindi mo magugustuhan? Nakilala mo na ba iyong ipapakasal sa iyo?” natatawa niyang tanong. Ngunit sa isang banda, bigla na lang siyang nakadama ng awa para sa dalaga. Nakikita niya ang sarili niya rito.

“Bakit ka naman biglang nanahimik? Siguro may problema ka rin, kaya ka naririto sa Poland. May pinagtataguan ka rin ba?” natanong naman ng dalaga.

“Siguro, hindi ko rin masabi kung talagang nakapagtago ako, mahirap kasing masigurong maiiwasan ko ang pamilya ko, sabihin na lang nating nasa gitna ako ng isang pag-iisip. Kapag nakagawa na ako ng isang desisyon, maaring bumalik na rin ako sa pamilya ko.”

Muli siyang napatingin sa kalangitan. Si Myra naman ay bigla na lang umiyak. Malakas na umiyak, iyong bang iyak ng batang inagawan ng laruan, “Ayokong magpakasal sa lalaking hindi ko naman kilala, hindi ko alam kung anong itsura, at kung anong ugali, bakit kasi hindi na lang nila hayaang makilala ko ng kusa ang lalaking itinakda sa akin ng Diyos, diba lahat naman ng tao may kanya-kanyang destiny, bakit ba marunong pa sila?” tanong nito sa kanya. Isang tanong na minsan na rin niyang naitanong sa sarili niyang pamilya.