Chapter 48: Ang Kaba sa Puso ni Lance

ANG lakas ng kabang naramdaman ni Lance ng marinig niya ang pagbulalas ni Jillian sa pangalan na iyon.

Naaalala na ba nito ang anak? kbadong tanong niya sa sarili.

Kung babalik na talaga ang memorya ni Jillian sa palagay niya'y wala na talaga siyang magagawa kung iiwanan na siya nito. Kahit naman kasi gustung-gusto niya itong makasama, alam niyang hindi naman talaga maaari. May pamilya na ito kaya't kahit siya pa ang mahal nito, alam niyang hindi naman siya ang pipiliin ni Jillian.

Talaga nga bang siya ang mahal nito?

Maaari ngang 5 years ago ay siya ang mahal ni Jillian pero marami na ang nangyari. Mas marami ng pinagsamahan sina Jillian at Mark Wayne kaya't natabunan na ang ilang buwan na magkarelasyon sila ni Jillian. Kaya ngayon ay pinipili niyang mandaya porke sa isipan ni Jillian ay siya ang nasa isipan nito.

Kaya nga pinili pa niyang magkaroon ng extension ang pagpapa-stay niya kay Jillian sa isla na ito. Ibig niyang sulitin ang mga araw na magkasama sila at babaunin na niya iyon sa kanyang alaala habambuhay. Siguro nga'y ipinanganak lang siya sa mundong ito para maging miserable. Siguro nga, siya ang kabayaran sa mga pagkakamali ng ama niya sa kanyang ina kaya't kahit gusto niya, hindi niya makakasama habambuhay ang kanyang pinakamamahal.

Ibig man niyang sisihin pa si Franco ay wala na rin naman siyang magagawa. Gayunman, hindi na niya mapapatawad pa ang dating bestfriend dahil ito ang dahilan kung bakit siya sobrang naghihirap ngayon at hindi iyon dapat ipinararanas ng bestfriend sa kanyang matalik na kaibigan. Lalo tuloy siyang nakaramdam ng inggit kay Mark Wayne dahil may bestfriend itong gaya ni Jillian.

"Hindi ba dati, kapag nasa condo tayo, palaging apple ang breakfast natin kapag kinakain natin kapag magkasama tayo?" Nakangiting tanong sa kanya ni Jillian nang balingan siya nito.

"Yes," wika niyang hindi malaman kung makakahinga nang maluwag o mas kakabahan pa.

Nang maalala kasi niya ang eksenang inutukoy ni Jillian ay sumingit din sa kanyang alaala ang kanilang naging kasunduan na sa kanya mismo nanggaling, "Kapag nagkaanak tayo, Apple ang ipapangalan ko."

"Call," mabilis namang sabi ni Jillian. "Mapababae man siya o mapalalaki, Apple ang ipapangalan natin sa kanya."

Damn! gusto niyang ibulalas pero hindi niya magawa. Kailangan niyang pigilan ang kanyang sarili. Wala rin namang maalala ngayon si Jillian kaya hindi nito magagawang sagutin ang kanyang tanong. Saka, nagawa na rin naman niya itong taningin at sinabi nga nitong tatlong taon lang ang anak nito kaya't imposibleng maging anak niya si Apple.

Ngunit, bakit parang hindi mawala-wala ang kabog ng kanyang dibdib?

Paano kung nagsisinungaling lang pala si Jillian?

"Lance..." nagtatakang tawag sa kanya ni Killian na ngayon ay titig na titig sa kanya. May isinusubo pala ito sa kanyang cookies pero hindi niya magawang kagatin iyon dahil talagang nawawala ang kanyang isipan dahil tumatakbo ngayon sa kanyang isipan.

Gusto niyang malaman na nagkaanak sila ni Jillian dahil iyon na talaga ang pagkakataon niya para talagang maipaglaban ang pag-ibig niya kay Jillian pero parang hindi niya kakayaning malaman na ibang lalaki ang umako sa kanyang anak.

Shit! Kahit gusto niyang kumprontahin ngayon si Jillian ay hindi maaari. Wala din naman kasing maisasagot sa kanya si Jillian kaya sa huli ay siya rin ang lalabas na talunan. Kaya mas maigi pa talaga kung maghihintay na lang muna siya ng tamang panahon. Saka, hindi nga ba, wala namang lihim na hindi nabubunyag.

"Uy, Lance."

"Ha?"

"Ano bang problema ng It's my Lance ko?" malambing na tanong sa kanya ni Jillian tapos niyakap pa siya at hinalik-galikan siya sa pisngi.

Ayaw naman niyang mapahiya si Jillian kaya hindi siya umiiwas. Saka, ayaw din naman niyang magpaka-ipokrito kaya natural lang na masiyahan siya sa ginagawa ni Jillian. Ang ibig nga niya'y kuyumusin ito ng halik dahil nais niyang maramdaman ni Jillian kung gaano niya ito pinananabikan.

"Wala naman."

"Hindi ka naman nanonood, eh."

"Nanonood."

"Sige nga, anong nangyari."

"Para kang natuka ng ahas dyan," natatawa nitong sabi pero hindi naman maiwasan ang magtaka.

"M-may iniisip lang ako," wika niya saka isinubo ang cookies na nakaumang pa rin sa kanyang bibig. Siyempre, hindi naman niya gugustuhin na magtampo sa kanya si Jillian kaya kung maaari nga lang ay lahat ng gusto nito ay susundin niya.

Kahit ba kapag sinabi na nito sa kanyang iwanan na niya ito't kalimutan? mapait niyang tanong sa sarili.

"Kasama mo na naman ako. Bakit kailangan mo pa akong isipin?" natatawa nitong tanong sa kanya.

Natawa siya sa tanong nito. Talaga kasing kahit kailan ay parang lagi nitong nababasa ang kanyang iniisip. Kaya, minsan tuloy ay pakiramdam niya'y kilalang-kilala siya ni Jillian mula pa noong mga bata sila kahit pa ang palagi nitong kasama ay si Mark Wayne at sa paningin nito ay isa lang siyang asungot.

"Ganyan kasi kita kamahal," nahagilap niyang sabihin. Well, talaga namang mahal na mahal niya si Jillian. Lahat naman talaga ay gagawin niya para rito. Kahit pa amh sabihin nitong umalis na siya sa buhay nito.

"Mahal daw."

"Bakit naman parang ayaw mong maniwala?"

"Kasi alam kong may itinatago ka sa akin."

Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Kahit kasi kailan ay nahuhulaan palagi ni Jillian ang kanyang nararamdaman.

"Ayaw mong magkaanak sa akin, 'no?" malungkot nitong tanong sa kanya.

"Anong sabi mo?" mangha niyang tanong kay Jillian. Paano nitong naisip iyon samantalang wala naman siyang gusto mula pa noon kundi ang magkaroon sila ng anak para naman may dahilan na talaga siya para pakasalan ito.

Kahit kasi nagawa ni Jillian na ipagkaloob sa kanya ang sarili nito ay hindi pa rin niya alam kung magagawa nga ba ni Jillian na makasama siya habang buhay gayung wala naman itong ginusto noon kundi si Mark Wayne.

Kaya nang malaman niyang magkasama sina Jillian at Mark Wayne noon sa Tagaytay, parang gustong sumabog ng puso niya sa sobrang selos.

"Ayaw mong magkaanak sa akin."

"No," mariin niyang sabi. Mapamura siya nang makita niyang pagrehistro ng sakit sa mga mata ni Jillian.

"Kungsabagay, wala na namang nangyayari sa akin kaya paano akong magbubuntis, hindi ba?"

"Jillian..."

"Pero, sa tanda ko naman may nangyayari rin sa atin dati, hindi ba?"

"Jillian..."

"Okay lang, huwag ka na mag-explain dahil gets ko naman. Itatago ko na lang sa'yo kapag nagkaanak tayo."