Chapter 8: KABANATA 9: (IKATLONG KWENTO NG LAGIM) OBRA MAESTRA
Hindi maalis-alis ni Jakub ang tingin sa painting na katatapos lang niya. Kahit siya ay hindi makapaniwala na sariling mga kamay nya ang may gawa ng larawang iyon. Buong paghangang pinagmamasdan nya ang larawan ng isang magandang babae. Mahigit isang buwan din nyang pinag-igihan ang pagguhit sa nakakabighaning ganda nito.
Nakasuot ito ng damit na parang katulad sa sinaunang panahon. Ang mga mata nito ay parang hinihigop ang kanyang kaluluwa sa tuwing tititigan nya ang painting. Mayumi ang klase ng pagkakangiti nito.
Hindi na siya pinatahimik ng mukhang iyon mula nang makita nya ito sa kanyang panaginip ng isang gabi. Sa panaginip ay hinahalikan siya nito sa labi at pagkatapos ng matamis na halik na iyon ay ibinaon nito ang mukha sa leeg nya.
Nagising siya kaagad at hindi nya maipaliwanag ang bilis ng tibok ng puso nya nang gabing iyon. Agad na bumangon siya at sinimulan itong iguhit dahil hindi na kailanman umalis sa isip nya ang nakakaakit na ganda nito.
Inilagay nya ang painting na iyon sa kwarto nya para matitigan nya ito bago matulog. Hindi nya maipaliwanag ang kasiyahan nang mabuo na nang tuluyan ang imahe ng babae sa panaginip niya. Mula nang mapanaginipan nya ito ay gabi-gabi na siyang dinadalaw nito sa panaginip. Nakangiting tinititigan nya ito habang nagsalin ng alak sa baso.
" Para sa pinakamamahal kong si Farwana," nakangiting sabi nya na itinaas pa ang baso sa harap ng larawan.
Sa gabi-gabing pagpapakita nito sa kanya ay nagpakilala ito bilang si Farwana. Kung siya ang masusunod ay ayaw na sana nyang magising kung iyon lang ang paraan para makapiling ito nang habangbuhay.
Siya ay si Jakub del Fuego. Isa siyang sikat na pintor noon. Nagsimulang nawala ang kasikatan nya nang malulong siya sa alak. Iniwan siya ng nobya nya at sumama sa iba.
Magmula noon ay hindi na siya gaanong lumalabas ng bahay. Ibinuhos nya ang buong araw nya sa pagguhit.
Sinubukan nyang ibenta ang mga naguhit pero wala nang masyadong bumibili ng mga gawa niya. Kaya't isang gabi ay sinunog nya ang lahat ng mga paintings nya at nagpakalulong uli sa alak. Nagbago lang ang lahat nang mapanaginipan nya si Farwana.
Ito ang nagpabalik ng galing nya sa pagpinta. Ibinuhos nya ang damdamin habang iginuguhit ang larawan nito. Kadalasan ay sa harap na ng larawan nito siya nakakatulog. At sa wakas, ang pinakahihintay nyang sandal ay dumating. Natapos na din nya ang kanyang obra maestra.
Pagkaligo nya ay humarap uli siya sa larawan nito. Alam nyang makakatulog siya nang mahimbing ng gabing iyon sa piling ni Farwana. Pumuwesto na siya sa kama nya at nakangiting natulog pagkatapos matitigan ang magandang mukha ng babaeng iniibig.
" Jakub," malamyos ang tinig ng babaeng tumawag sa kanya.
Napalingon siya sa boses na pinanggalingan noon at nakita nya ang nakangiting mukha ni Farwana.
" Farwana!" masiglang sigaw nya at agad na niyakap ito.
Yumakap din ito sa kanya nang mahigpit. Matagal na nanatiling nakabaon lang ang mukha nito sa leeg nya. Lagi nitong ginagawa iyon sa tuwing magkikita sila sa panaginip.
" Ambango mo talaga, mahal ko. Hindi na ako makapaghintay na masamyo ka sa totoong buhay," malambing ang boses nito na masarap sa pandinig nya.
Bumitiw siya sa pagkakayakap nito para sabihin ang magandang balita.
" Natapos ko na ang larawan mo, Farwana. Kasingganda mo ang iginuhit ko na parang buhay na buhay ka sa paningin ko," nakangiting sabi nya dito.
Hindi makapaniwalang napatitig din ito sa kanya. Nangingislap ang mga mata nitong nakatitig sa kanya.
" Masaya ako sa balitang iyan, Jakub. Sundin mo ang sasabihin ko kung gusto mong makasama ako nang totoo."
Nagising siya na tirik na tirik na ang araw. Hindi maalis-alis sa isip nya ang sinabi ni Farwana. Hindi nya alam kung papaniwalaan nya iyon. Baka naman kasi ay bunga lang iyon ng kanyang obsesyon sa babaeng iginuhit nya. Napatingin uli siya sa painting sa harap nya. Para talaga iyong isang buhay na larawan.
Nagulat na lang siya nang biglang tumunog ang cellphone nya.
" Hello?" medyo inaantok pa ang boses nya nang sagutin iyon.
"Good news, Jakub! May interesadong bumili sa painting mo," masiglang bungad nang nasa kabilang linya.
Nabosesan nya agad ang matandang manager nya. Ito ang naghahanap ng mga buyers ng paintings nya dati. Wala naman siyang naiwang painting pa dahil sinunog nya ang lahat ng gawa nya. Ang tanging naiwan sa kanya ngayon ay ang painting ni Farwana. Naalala nyang pinost nya pala iyon sa social media.
" Hindi ko ito ipinagbibili, Mr. Joaquin," maikling sagot nya sa manager nya.
" What? This is your chance na sumikat uli. Walang problema sa kanya ang pera. Name your price nga raw, eh," pangungumbinsi nito sa kabilang linya.
Makailang ulit pa siya nitong kinumbinsi pero hindi siya pumayag. Walang nagawa ang matanda kundi ibaba ang phone pero sinabihan siyang tawagan ito kung magbago man ang isip nya.
Nang maibaba ang phone ay napaisip uli siya nang malalim at nilapitan ang malaking painting ni Farwana. Hinawakan nya ang magandang mukha nito.
" Kailangan ko ang dugo ng isang taong nananalaytay din ang dugo mo," mahiwagang sabi ni Farwana sa kanya.
Napakunot-noo siya. Sinabi nitong ibuhos nya daw sa painting ang dugo ng taong iyon at mabubuhay ito nang tuluyan. Alam nyang panaginip lang iyon pero gustong maniwala ng puso nya.
" Darating ang solusyon sa harap mo mismo at alam mo na ang gagawin. Hindi mo na ako makikita sa panaginip. Ang susunod na pagkikita natin ay sa totoong buhay na. Kaya't sundin mo ang sinabi ko kung gusto mo akong makasama sa mundo mo," nagsusumamo ang mga mata nito nang titigan siya.
Iyon ang huling tinuran nito bago siya nagising. Ipinilig nya ang ulo at napagpasyahang maligo na lang muna para makapag-isip nang mabuti. Pagkatapos maligo ay pumunta siya sa baba para alisin muna ang isip kay Farwana. Sinubukan nyang gumuhit uli pero nanatiling blangko ang isip nya. Biglang tumunog ang door bell sa labas. Mabilis na tumayo siya para tingnan kung sino ang bisita.
Nagulat siya nang makita ang bente anyos na modelo nya dati. Mas laking gulat nya nang makita ang malaking tiyan nito. Walang imik na pinapasok nya ito.