Chapter 6: Kabanata 6

PAGKAMANGHA ang mababakas sa mukha ni Agata habang pinagmamasdan ang malawak at malinis na batong daan. May iilang bahay na rin na gawa sa bato ang abot-tanaw niya. Malakas na hiyawan ng mga paslit at maingay na busina ng sasakyan.

“Nasa bayan na ba talaga ako?” Nilingon niya panandalian ang pinanggalingan. Mga punong kahoy at damo na lang ang natatanaw niya. May ilang bakuran na rin siyang nadaanan, pero lahat iyon ay private property kaya tanging ligaw na damo lang din ang laman.

Huminga siya nang malalim. Inihakbang ang mga paa, kasabay ang malakas na pagkabog ng dibdib.

“Totoo na ito. Nakalabas na nga ako,” masayang litanya niya nang sa wakas ay nailapat na ang mga paa sa batuhang daan.

Halos mayupi pa ang bayong na dala dahil sa pagkakahigpit ng hawak doon.

Naghahalo ang nadarama niya. Pangamba, pag-asa at kasiyahan.

Nagpatuloy na si Agata sa paglalakad. Palinga-linga sa paligid na animo’y isang paslit na bago lang nasilayan ang mundo.

Kusang huminto ang mga paa niya nang matanawan ang matandang ginang na abala sa pagwawalis ng mga dahon sa bakuran. “Magandang umaga po.” Itinaas pa niya ang kanang kamay at iwinagayway.

Panandaliang natigilan ang ginang sa ginawa niya. Kalaunan naman ay nagawa rin siyang tugunin. “Magandang umaga rin, Ineng.” Agad bumaba ang paningin nito sa bayong niyang dala. Hinayaan na bumagsak ang walis sa lupa bago lumabas ng bakuran at nilapitan siya. “Bago ka ba rito, Ineng? Ngayon lang kita nakita,” pag-uusisa nito.

Sunod-sunod itong inilingan ni Agata. “Doon po ako nakatira.” Sinundan ng paningin ng ginang ang hintuturo niyang ngayon ay nakaturo na sa kakahuyan.

Umasim ang mukha ng ginang. Isang senyales na nag-aalangan ito sa naging sagot niya. Wala naman itong naging masamang komento sa sinabi niya. Mas minabuti pa na usisain siya. “Ganoon ba? Kaya pala ngayon lang kita nakita. Saan ba ang punta mo? Kanina pa kasi kita napapansin na palinga-linga sa daan?”

Malapad niya itong nginitian. “Maghahanap po sana akong trabaho. Kahit po sana tindera lang.”

Nangunot ang noo ni Agata nang mapansin ang pagsipat na ginagawa ng ginang sa mukha niya. “May problema po ba?” nagtatakang tanong niya. Nagawa pang lapatan ng palad ang mukha para alisin kung may dumi bang naroroon.

“Maganda ka, Ineng. Sigurado ka ba na riyan ka sa bundok nakatira? Ay mukhang anak mayaman ka, a! Pinaglololoko mo yata ako, Ineng,” nakasimangot na wika ng ginang.

Hindi niya magawang sisihin ang ginang kung bakit pinaghihinalaan siya nito. Sa bundok man siya nakatira, ang kutis naman niya ay maiihalintulad sa labanos.

Matigas niya itong inilingan. “Hindi po. Sa totoo nga po, kaya lang ako nakatungo rito sa bayan ay para lang makatulong sa asawa ko.”

“Ay may asawa ka na pala!” may himig nang panghihinayang na wika nito. “Siya! Hintayin mo ako rito sandali. Magpapalit lang ako ng damit. Ihahatid kita roon sa palengke, mayroon akong kumare doon na may puwesto. Baka sakaling, nangangailangan pa ng tindera.”

“Maraming salamat po!” Nagawa pa niyang kuhanin ang kamay ng ginang dahil sa tuwa.

Agad din namang pumanhik sa loob ng bahay ang ginang. Ilang minuto rin ang inilagi niya sa labas ng bakuran nito nang sa wakas ay natapos na ang ginang sa pagbibihis.

Lumabas itong may labit ng bayong at dalagitang kasama.

Nagawa niyang ngitian ang dalagita. Agad din naman itong tumugon ng ngiti. Lumabas pa ang biloy sa magkabilang pisngi.

“Gina, mauna ka na at tawagin mo si Kaloy. Tiyak na nasa bilyaran na naman ang lagalag mong Kuya na iyon,” may bahid ng inis na utos ng ginang sa kasama nitong dalagita.

“Opo, Lola Mineng,” pagtugon naman nito at agad naring sumunod sa utos ng Lolahin.

“Kabataan talaga ngayon,” pag-asik ng ginang. Nagawa na nitong lumakad na agad niya rin namang sinundan. “Kung hindi mag-aanak nang maaga. Iiwanan naman ang mga anak sa magulang. Dinaig pa ang paitluging manok. Kung ‘di bale ay madaling magpalaki ng bata .

Wala sa sariling napakamot na lang sa batok si Agata. Hindi niya mahagilap ang salitang naaayon sa inirereklamo ng ginang.

Binagalan niya ang paglalakad. Hinayaan na mauna ang ginang. Hindi niya naman nais na siya pa ang mapagbuntungan ng inis nito.

Huminto si Mineng sa paglalakad dahilan para mapahinto rin si Agata.

“Ikaw, Ineng? May anak ka na?” tanong nito nang lingunin siya.

Inilingan niya ito. “Wala pa po. Ilang buwan pa lang po kaming kasal ng asawa ko. Bukod pa po roon—” Nahihiyang huminto siya sa pagsasalita.

Mukhang napuna ng ginang ang pamumula ng pisngi niya kaya gumuhit ang nanunuksong reaksiyon dito. “Hindi pa kayo nagsisiping? Aba’y Ineng, kakaiba na iyan. Kung walang siping na nangyayari, hindi magsisiklab ang apoy na itinatago ninyo. Agad iyong manlalamig, hanggang sa magkalabuan na kayo,” may bahid ng pagkadismayado na wika nito. “Siguro’y masagwa ang hitsura ng asawa mo kaya ganoon o kaya ay kakaiba ang amoy.” Humagikhik pa ito sa sariling iwinika, na para bang iginuguhit na sa isipan ang mapangit na larawan ng isang lalaki.

“Ay hindi po!” pasigaw pa niyang pagtutol sa sinabi nito. “Makisig po si Efraim at saka mabango po. Kahit nga maghapon siya sa taniman, hindi ko siya naaamuyan ng tuyong pawis.”

Muling humagikhik ang ginang dahil sa pagdipensa niya sa asawa. “Naamoy mo ba ang lahat ng kasingit-singitan ng katawan niya para masabi mo iyan?” nanunuksong wika nito.

Hindi maintindihan ni Agata kung maiinis ba o matutuwa sa mga salitang lumalabas sa labi ng ginang. Batid niya namang nagbibiro lang ito, kaya wala naman sigurong lugar para seryosohin niya ang mga sinasabi ng ginang.

“Hindi pa po,” mahina ang tinig na wika niya. “Pero sigurado po ako,” may pagmamalaking dugtong pa niya. “Ako po lahat ang naglalabada.”

Siya ang naglalaba ng lahat ng hinubad ni Efraim at ni minsan hindi niya naamuyan ng masamang amoy ang mga damit nito, kaya sigurado siya.

Natatawang naiiling ang ginang. “Alam ko na, Ineng. Alam ko na kung bakit mo nasabing mabango ang singit ng asawa mo.”

Napakurap siya sa sinabi ng ginang. Bago pa maunawaan ang sinabi nito ay agad na itong naunang naglakad.