Third Person
Ramdam ni Rhian ngayon ang malamig na patalim sa kaniyang leeg at ang init ng hininga na nagmumula sa lalaking nakayapos sa kaniya. Hindi niya alam kung paano ito mapipigilan sa planong pananakit sa kaniya. Masyado nang nanghihina ang katawan niya ngayon at kahit na gustuhin niyang lumaban ay hindi na niya kaya pa.
"A-Ano ba talagang kailangan mo? Bitawan mo na ako at hayaang makaligtas. Tama na. Pagod na pagod na akong tumakbo papalayo sa iyo. Hayaan mo na akong makaalis dito," nanghihinang sabi ni Rhian.
Bahagya namang ngumisi ang lalaki at patuloy pa rin ang pagsakal niya sa babae. Dahan-dahan niya ring ibinabaon ang talim ng kutsilyo. Nasisiyahan siya na makitang nahihirapan si Rhian at tila ba ang kumakabog ang puso niya sa sobrang saya dahil nakakaawa na ang sitwasyon nito.
"B-Bakit. Bakit mo ito ginagawa? Hindi ko maintindihan. Wala naman akong maalala na ginawang masama sa iyo. Ano ba talagang gusto mong mangyari? Kailangan ka pa titigil sa pagpapahirap sa amin?" naguguluhang sambit niya.
Sa halip na direstong sagutin siya ay bahagyang yumuko ang lalaki at bumulong sa kaniyang tainga. Mas lalo niyang naramdaman ang init ng hininga nito. At sa bawat pagkiskis ng mga balat nila ay hindi maisahang kabahan ni Rhian. Wala siyang sapat na lakas ngayon para labanan at talunin ang lalaki.
"Simple lang ang eksplanasyon sa lahat, Rhian. Sa una pa lang ay ikaw na ang biktima. Pinaikot ka lang at nagpadala ka naman. Ang akala ng iba ay matalino at malakas ka pero nagkakamali sila. Isa ka lang mahinang tao na palaging naiiwanang nag-iisa," nakangising sambit ng lalaki.
Sinusubukang pigilan ni Rhian ang luha na namumuo sa kaniyang mga mata ngunit hindi na niya ito kayang labanan pa. Hindi siya natatakot mamatay pero natatakot siya sa katotohanang nakaantabay. Ayaw niyang malaman ng lahat na totoo ang mga sinasabi ng lalaki. Mahina siya pero madalas na nagpapanggap na kaya ang lahat.
"Rhian! Naririnig mo ba kami? Sumagot ka naman! Rhian, nasaan ka na ba? Huwag ka namang magbiro nang ganito. Nag-aalala kami sa kalagayan mo!" nag-aalalang sigaw ni Dahlia.
Bahagyang umusog ang lalaki nang sa gayon ay magawang makapagtago sila sa pamamagitan ng mga nagtataasang halaman. Mas lalo niya pa ring idiniin ang patalim sa leeg ng dalaga. Hindi na niya alintana pa kung nasasaktan ba ito nang dahil sa ginagawa niya.
"Huwag kang mag-iingay kung ayaw mong isunod ko sila. Itikom mo 'yang bibig mo. Pero kung gusto mo silang madamay ay p'wede ka namang magsalita. Nakadepende sa magiging desisyon mo kung anong kahaharapin nila. Mamili ka lang, Rhian," nakangising bulong ng lalaki sa tainga ng babae.
Bahagyang umiling si Rhian kung kaya't walang mapagsidlan ang ngisi ng lalaki. Nararamdaman niyang matatapos na ang lahat at siya ang magwawagi. Hindi na siya makapaghintay pa na makitang duguan at patay ang lahat ng mga tao.
"Saan ba kasi siya nagpunta? Sa pagkakaalam ko ay sugatan din siya kaya hindi pa siya nakakalayo. Sandali, sa kaniya ba nanggaling ang mga patak ng dugo rito? Paano kung sundan natin ito? Tama. Magagawa pa nating maabutan si Rhian. Kung bakit ba naman kasi ang tigas ng ulo niya," mariing giit ni Wince.
Agad na napukaw ang kanilang atensyon at unti-unting sinundan ng tingin ang mga bakas ng dugo. Bahagya silang nagkatinginan bago ito sundan. Natatakot man subalit kailangan nilang subukan at iligtas ang buhay ng kasamahan.
"R-Rhian? Hindi na nakakatuwa ang ginagawa mong pagtatago. Alam mo namang nakapaligid lang si Kamatayan. Muntik na niya akong mapatay noon. Delikado siya kaya dapat hindi tayo naghihiwalay. Mas malaki ang tiyansa na mabuhay tayo kapag magkakasama. Saglit naman kaming nawala pero iniwan mo na kaagad kami. Nasaan ka ba?" natatakot na sambit ni Wince.
Dalawang saksak sa likod ang tinamo niya ngunit sa awa ng Diyos ay buhay pa rin siya at humihinga. Sa tulong ni Trench ay agad siyang sinaklolohan at dinala sa ligtas na lugar. Kung nahuli ito nang dating ay siguradong malamig na bangkay na si WInce ngayon. Sobra siyang nagpapasalamat sa tulong ng kaibigan.
"Sandali, huwag muna kayong tumuloy. Malakas ang kutob ko na narito na ang tunay na kalaban. Umatras kayo. Kailangan nating mag-ingat. Nararamdaman ko na nandito siya at hinihintay lang tayong lumapit sa kaniya. Huwag niyong susundan ang dugo," mariing giit ni Trench.
Sa hindi malamang dahilan ay biglang bumilis ang pagkabog ng dibdib nilang tatlo habang nakatingin sa halamanan. Nakarinig sila ng pagkaluskos kung kaya't nagsitaasan ang kanilang balahibo. Kinakabahan sila sa mga posibleng mangyari.
"Bakit hindi ka lumabas sa pinagtataguan mo? Alam kong bihag mo si Rhian kaya lumabas ka na! Lumaban ka nang patas. Babae lang ba talaga ang kaya mong patayin? Ganiyan ka na ba talaga? Ikaw pala ang mahina sa amin. Takot!" singhal ni Trench.
Nakasalamuha niya na ito at hindi niya rin lubos maisip na isa ang lalaking ito sa paghihirap nilang lahat. Panahon na para tuldukan ang kademonyohan sa bahay ni Kamatayan. Gusto na ring niyang matapos na ang paghihirap nila. Pagod na siyang mabuhay sa marahas na mundong ginagalawan nila ngayon.
"Klian, lumabas ka na! Alam kong ikaw 'yan. Tang ina mo! Gago, mamatay ka na! Huwag mong idamay si Rhian. Tama na ang pagpapanggap mo na kakampi namin. Hindi bagay sa iyo ang maging mabait dahil ipinanganak kang may sungay sa ulo! " bulalas ni Trench.
Unti-unting lumabas ang bulto ng tao sa halaman at sinalubong sila nang nakalolokong ngisi. Nakita rin nila ang nangangambang mukha ni Rhian na bihag nito ngayon. Nanghihina na ang babae pero hindi pa rin ito pinakakawalan ni Klian. Nang dahil sa nakikita ngayon ay mas lalong nag-aalab ang puso nila sa galit.
"Ano ba naman 'yang bunganga mo, Trench! Putak ka nang putak na para kang babae! Ano, gilitan ko na ba siya ng leeg o isiping muna? Ano ba sa tingin mo ang magandang gawin? Hindi na niya ako matatanggihan ngayon at mahina na siya para makalaban. Isiping ko na ba siya sa harapan niyo?" makahulugang tanong ni Klian.
Nagpupumilit na magpumiglas si Rhian ngunit hindi sapat ang lakas niya. Tumingin siya sa mga kaibigan at bahagyang ngumiti. Kung hindi man niya magawang makaligtas ngayon ay matatanggap na niya. Pagod na rin siyang lumaban at piliting makaligtas. Gusto na niyang magpahinga.
"Ayos lang ako, hindi niyo kailangang mag-alala. Ito na ang pagkakataon niyo para tumakas. S-Sige na, iwan niyo ako. Tumakbo kayo papalayo at iligtas ang mga sarili niyo. T-Takbo na!" nakangiting sambit ni Rhian.
Bahagya siyang pumikit at pinakiramdaman ang paligid. Iniisip niya pa lang na mamamatay ang kaniyang kasamahan ay kinakabahan na siya. Mas gugustuhin niya pang siya na lang ang mamatay. Wala na rin naman siyang pamilyang babalikan. Mag-isa na lang siya.
Isa...
Dalawa...
Tatlo...
Isang nakakabinging ingay ang pumukaw ng atensyon nila. Sinamantala ito ni Rhian at buong lakas na sinuntok si Klian. Mabilis namang lumapit si Trench at inilayo ang dalaga. Alam niyang nanghihina na ito nang sobra kaya mabilis siyang lumapit para saluhin ito. Niyakap niya si Rhian at inalalayaan na makatayo.
"Kung inaakala mong magwawagi ka na, nagkakamali ka. K-Klian, nagsisimula pa lang ang laro. Sinusumpa ko na kami ang mananalo. Mamamatay kayong mga demonyo! W-Wala na kayong lugar sa mundong ito nang dahil sa mga kasalanan na ginawa niyo," mariing giit ni Rhian.
Mabilis silang tumakbo palayo at akmang hahabulin sila ni Klian subalit natamaan siya ng bala sa mata. Inis siyang tumingin sa pinanggalingan nito at kahit na malayo, namataan niya kung sino ito. Mas lalong nagtatangis ang bagang niya ngayon na pumatay. Kung katapusan na niya ay sisiguraduhin niya rin na walang ibang makakaligtas.
"Tang ina niyong lahat! Wala na akong sasantuhin. Matira ang pinakamatibay! Mga gago! Hindi niyo ako matatakasan!" bulalas ni Klian at paika-ikang sinundan ang mga kasamahan.
Samantala, mabilis na kinuha ni Wince ang dalawang galon ng gasolina at ibibuhos ito sa pasilyong malapit sa kanila. Bahagya silang lumayo habang akay-akay ni Dahlia si Thymine. Mabuti na lang at nagawa nila itong iligtas mula kay Klian. Ang buong akala pa naman nila kanina ay tutulong ito pero pinapaikot lang pala sila.
"Paano si Marlyn? Hindi natin siya p'wedeng iwan na mag-isa. Tinulungan niya tayo kaya dapat din natin siyang tulungan. Siguradong mapapahamak siya. Isama na natin siya sa pagtakas nang sa gayon ay magawa niya ring makaligtas," suhesyon ni Dahlia.
Nagsisimula na ring magliyab ang kumalat ang apoy sa kabilang bahagi ng bahay. Humahangos na tumakbo si Yoola kahit na may iniindang sakit habang dala ang baril sa kaniyang kamay. Pinipilit niyang maging malakas dahil nararamdaman niyang malapit nang matapos ang lahat. Para kay Thymine ay pipilitin niyang maging matatag.
"K-Kailangan na nating makaalis dito. Nakita ako ni Klian at maaring papunta na siya rito. Hindi namIn sila kayang labanan kaya mas magandang bilisan na natin ang pagtakbo papalayo. Hindi dapat niya tayo maabutan dahil tiyak na katapusan na natin," nababahalang sambit ni Yoola.
Hindi na nila sinayang ang pagkakataon at mabilis na tumakbo papunta sa bukirin. Bukas na ang bahay ni Kamatayan ngunit hindi nabibigyang-pansin dahil wala namang kapit-bahay. Bibihira lang din na may taong dumaan dito kaya walang nakakapansin sa mga karumal-dumal na nangyayari sa loob ng bahay.
"Sige lang, tumakbo kayo! Tumakbo kayo hanggang may hininga pa dahil ilang minuto lang ay mawawala 'yan. Takbo! Bilisan niyo pa mga hunghang!" bulalas ni Klian sa hindi kalayuan.
Bahagya siyang tumigil sa paglalakad nang maramdaman ang presensya ni Kamatayan sa hindi kalayuan. Sinalubong niya ito at bahagyang nginitian. Matagal silang nagpanggap na hindi magkakilala pero ngayon ay malaya na silang gawin ang lahat. Hindi na nila kailangang itago pa ang koneksyon nila sa isa't isa.
"Ama, anong gagawin natin sa kanila? Tirik pa ang araw at sigurado akong wala pa tayong sapat na lakas. Anong magandang gawin sa mga iyon? Patayin na ba natin silang lahat at walang ititirang buhay?" nagtatakang tanong niya.
Bahagyang pinunasan ni Jared ang dugo sa kaniyang mukha na nagmula sa katawan ni Marlyn. Bumaling siya sa anak at sinenyasan na sundan ang mga tumatakas. Hindi siya makapapayag na magtagumpay ang mga ito na pabagsakin sila.
"Habulin mo sila at patayin! Kailangan kong isalba ang bahay na ito dahil mas higit itong mahalaga. Hindi ito p'wedeng matupok ng apoy!" mariing giit ni Jared at tumakbo sa kaliwang bahagi ng bahay.
Hindi na nag-atubili si Klian at mabilis na tumakbo para habulin ang mga kasamahan. Mabagal ang pag-usad ng mga ito dahil may mga kasama silang sugatan kaya hindi siya mahihirapan na habulin ito. Isa pa, hindi hamak na mas mabilis at maliksi siya kumpara sa mga ito.
"Hindi niyo ako matatakasan! Tang ina niyo! Papatayin ko kayong lahat!" nasisiraan ng bait na bulalas ni Klian at mabilis na kinasa ang hawak na baril.
Walang pagdadalawang-isip na pinaputok niya ito papunta sa direksyon ni Rhian ngunit agad itong napansin ni Thymine at kumalas sa balikat ni Yoola.
"R-Rhian, anuman ang mangyari ay tandaan mo na lubos akong nagpapasalamat sa iyo. Niligtas mo ako sa tiyak na kapahamakan kaya hayaan mong bumawi ako. Maraming salamat sa lahat. Hindi kita magagawang makalimutan. Tandaan mo iyan," nakangiting sambit ni Thymine.
Bago pa man tumama ang bala ay mabilis na hinablot ni Wince ang baril sa kamay ni Yoola at tinulak palayo si Thymine. Ikinasa niya ito at nakangising pinatamaan si Klian. Alam niyang siya na ang tatamaan ng bala kaya bago siya mamatay ay sisiguraduhin niyang mamamatay din si Klian.
"Kung may dapat mang sumalo ng bala ay ako 'yon. Salamat at patawad sa laht," mariing giit ni Wince bago tumingala sa langit at ihanda ang sarili sa sakit.
Tatlong sunod-sunod na putok ng baril ang narinig sa paligid at nakangiting sinalo ito ni Wince. Wala siyang pinagsisisihan sa ginawa niya. Sa dami ng mga pagkakamaling niya ay kahit na dito na lang siya makabawi. Marami siyang nagawang kasalanan kay Rhian at Thymine kaya sa huling pagkakataon ay gusto niyang iligtas ang mga ito.
"Wince!" nag-aalalang sigaw ni Trench at mabilis na tumakbo papunta sa kinaroroonan ng dalaga.
Kahit na nahihirapan ay pilit pa ring ngumiti ni Wince kasabay ng pagbagsak ng katawan sa lupa. Hindi na niya kaya pang tumakbo pero bago siya tuluyang malagutan ng hininga ay ngumiti siya nang matamis sa binata na siyang tumayo na matalik niyang kaibigan. Gustuhin man niyang mabuhay pa at makasama ito subalit hindi na ang lahat para sa kanilang dalawa.
"M-Malaya na kayo. M-masaya ako at naging parte ako ng buhay mo. S-Salamat, T-Trench," naluluhang sambit niya bago tuluyang ipikit ang mga mata at bumagsak ang katawan sa lupa.