Thymine
Maraming tumatakbo sa isipan ko ngayon pero ang pinakamahalaga ang kasama ko na ang taong matagal kong hinahanap. Ang taong may alam sa pagkatao ni Kamatayan at alam kung anong kahinaan nito. Sa wakas ay makakagawa na kami nang hakbang para matapos ang paghihimagsik ni Kamatayan.
"Hindi kaya tayo sundan ng mga pulis dahil sa ginagawa natin? Paano kung tumawag ang hepe ng mga rerespondeng pulis para sundin ang ipahanap tayo? Ayoko man itong isipin pero mahirap na kapag naging kalaban natin ang pulisya. Dapat ay manatiling nasa panig natin sila," nababahalang sabi ko habang paulit-ulit na tumitingin sa likuran ng kotse.
Kahit na gusto kong masundan kami ng mga pulis ay hindi ko matatanggap na mapahamak sila dahil kay Kamatayan. Masyadong maraming problema sa bahay na iyon at sigurado akong mababaliw sila kapag nakapasok. Hindi nila gugustuhin na mabuhay na may matinding pangamba sa dibdib. Kaya na namin itong tapusin.
"Huwag kang masyadong mag-isip nang kung ano. Mabilis at maingat magpatakbo ng sasakyan si Jerome kaya siguradong hindi nila tayo maaabutan o masusundan. Matulog ka na lang muna riyan at magpahinga. Gigisingin na lang kita kapag nasa malapit na tayo," sagot sa akin ni Marlyn.
Sa huling pagkakataon ay muli kong sinulyapan ang daan at hanggang ngayon ay wala namang nakasunod na mga pulis, Tama siya, kailangan kong kumalma. Magiging maayos din ang lahat at wala nang ibang madadamay pa. Magagawa naming tapusin ang dapat na gawin.
"Sige, kayo na ang bahala sa akin. Tapikin niyo lang ako kapag malapit na tayo. Kailangan ko na ring magpahinga dahil kanina pa ako napapagod. Aasahan ko ang tulong niyo, Marlyn. Huwag niyo sana akong iwanang nag-iisa habang tulog ako," mariing giit ko sa kaniya bago ko ihilig ang ulo sa salamin ng sasakyan at ipikit ang mga mata.
Samantala, dumadagundong na naman ang dibdib ko at nababalutan ito nang matinding kaba. Hindi ko man lamang namalayan na nandito na kami sa loob ng bahay ni Kamatayan. Nasa loob na naman ako ng impyerno at ngayon ay walang kasiguraduhan kung magagawa ko pang makalabas ulit nang buhay.
"Gising ka na pala, Thymine. Mabuti naman kung ganoon dahil hindi ko masasabi kung hanggang kailan ka makakatulog nang mahimbing. Nagkakagulo na rito sa loob at ano mang sandali ay maaaring makita mo na ulit si Kamatayan," diretsong sabi sa akin ni Marlyn nang mapansin na iminulat ko na ang mga mata ko.
Nang dahil sa sinabi niya ay mabilis akong napatayo dahil sa pagkagulat. Nasa loob kami ng isa sa mga silid sa bahay ni Kamatayan. Nakita ko na ang lugar na ito dahil dito kami unang pumunta ni Rhian noong unang gabi ko pa lang. Dito sa silid na ito ako unang nailigtas. Hindi ako p'wedeng magkamali.
"Bakit hindi niyo ako ginising kanina? Gusto ko pa naman makita kung anong mayroon sa labas ng bahay na 'to. Ang sabi ko kanina ay tapikin niyo ako kapag malapit na tayo. Bakit naman hinayaan niyo lang akong matulog? Saka sinong bumuhat sa akin? Sayang naman at hindi ko nakita kung saan banda ang bahay na ito," nanghihinayang na sambit ko.
Sa haba kasi ng byahe namin kanina ay napagdesisyunan ko munang umidlip saglit ngunit hindi ko akalain na ito agad ang tatambad sa akin. Hindi pa rin tuloy nabigyang linaw kung anong mayroon sa labas ng bahay. Nakakainis! Pagkakataon ko na sana ito para malaman kung saang lupalop ng mundo nakatayo ang bahay ni Kamatayan pero hindi ko nakita. Nakakaasar!
"Tumayo ka na riyan sa pagkakahiga mo sa kama dahil masyado kang nakakaabala. Ako ang bumuhat sa iyo. Kakaunti na lang ang nasalubong ko sa pasilyo kanina kaya malamang, marami na siyang napatay. Kung ayaw mong magaya ang kamapalaran mo sa kanila ay maghanda ka nang lumaban. Sandata ang gamit at hindi bibig," naiinis na paliwanag sa akin ni Jerome.
Hindi pa rin lubos makapaniwala ang sistema ko na nandito na naman ako sa delikadong bahay ni Kamatayan. Binabalot ulit ng matinding kaba ang katawan ko. Tama sila. Kailangan ko nang ihanda ang sarili ko dahil hindi matatapos ang araw na ito na walang namamatay. Matitira ang siyang pinakamatibay.
"Thymine, alam kong mahirap paniwalaan subalit alam ko kung paano natin matatalo ang kamatayang sinasabi mo. Kailangan mo lang magtiwala sa akin. Kilala ko siya at ako na mismo ang nagsasabi na hindi malabong mapatay siya. Magagawa natin siyang itumba, magtiwala ka lang," mariing giit ni Marlyn at sinamahan pa ng nangungusap na mga mata.
Tumango na lamang ako sa mga sinasabi niya dahil alam kong kapahamakan na naman ang sasalubong sa amin. Hindi kami titigilan ni Kamatayan hangga't walang napapatay. Pero iba na ang sitwasyon ngayon dahil may mga kasama na ako. Hindi ako basta mapapatay ni Kamatayan hangga't nasa tabi ko sina Marlyn at Jerome.
"Ano pang hinihintay natin? Hanapin na ang mga kaibigan ko at sama-sama nating harapin si Kamatayan. Halika na. Hindi na dapat natin sinasayang ang oras lalo na at marami nang namatay. Baka mahuli pa tayo kung mananatili tayong nagtatago rito," paanyaya ko sa kanila subalit wala akong narinig na sagot.
Nabalot ng katahimikan ang apat na sulok ng silid at animo'y may kung sino na nakamasid sa amin. Nagpalinga-linga ako sa paligid subalit wala akong makita liban sa aming tatlo. Pero hindi, sigurado akong may naramdaman akong kakaiba. May kasama ba kami ngayon na hindi ko nakikita? Jusko naman!
"Sandali, may problema ba na dapat kong malaman? Bakit hindi niyo sagutin ang tinatanong ko? Nasasayang ang oras, magmadali na tayo! Hindi naman natin p'wedeng hintayin na mamatay tayo sa silid na ito. Kailangan na nating iligtas ang mga kasamahan ko!" singhal ko sa kanila pero kinakabahan na rin ako sa posibleng mangyari.
Hindi ko alam kung bakit ganito sila kung umasta subalit walang mangyayari kung magtitinginan lang kami. Nasa paligid lang si Kamatayan at maaaring nanganganib na sina Yoola at Rhian. Hindi na dapat nila pinapansin pa kung sinong nagmamasid sa amin.
"Tang ina!" hindi mapigilang bulalas ko nang makita na biglang may dumungaw sa bintana.
Maliwanag pa sa labas dahil bahagyang sumisiwang ang liwanag na nanggagaling dito. Sa pananatili ko rito ay hindi ko pa nasubukang buksan ang bintana lalo na't maaraw. Ito ba ang dahilan kaya hindi nila pinapansin ang mga sinasbai ko? Tang ina! Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit nananahimik sila.
"Imposible! Totoo ba itong nakikita ko?" hindi makapaniwalang bulalas ni Jerome.
Gaya ko ay hindi rin siya halos makapaniwala sa nakikita. Marami pa talaga akong hindi alam na misteryoso sa bahay na ito. Kahit kailan ay hindi ako masasanay na maging kalmado dahil ang buong lugar ay nakakasira ng ulo. Kapag mahina ang loob mo ay siguradong mababaliw ka.
"Mag-iingat kayo. Ilang sandali na lang ay tiyak na mapapalaban tayo. Huwag tayong maghihiwalay dahil mas malaki ang tiyansa na makaligtas tayo kapag magkakasama. Magsipaghanda na kayo," mariing giit ni Marlyn.
Pagkatapos niyang sabihin ito ay bigla na lamang bumukas ang bintana at iniluwa nito ang isang manika na gulo ang mga buhok. Wasak ang bibig at walang mga mata. Batid kong manika lang ito ngunit hindi ko maiwasang kilabutan. Paano kung ganito rin ang sapitan namin? Pero hindi ako dapat na magpaapekto. Kailangan kong maging handa at kalmado.
"Narito na siya. Kailangan niyong maghanda dahil ano mang sandali ay susulpot siya sa kung saan. Thymine, ito na ang pinakahihintay mo. Nandito na si Kamatayan. Alam niyang magkakasama tayo," deretsong sambit ni Marlyn.
Sa sinabi niyang ito ay halos kumawala na ang puso ko sa labis na pagkatakot. Walang bakas ng pagbibiro sa kaniyang tono nang pananalita kaya totoo ito. Makakaharap ko na ulit si Kamatayan. Tang ina! Hindi ko alam kung ano bang dapat kong maramdaman ngayon. Basta ang sigurado ko, kailangang matapos ang paghihirap naming lahat.
"Isa. Isang trahedya ang hinarap ngunit siya ay nagpasyang magpanggap. Walang ibang pinagsabihan subalit humantong pa rin sa kamatayan. Napariwara siya ng landas at hindi niya na nagawang nakaligtas," bulalas ni Marlyn habang nagpapalinga-linga sa paligid.
Hindi ko alam kung bakit ganito siya umasta ngayon at lubhang nakakapanibago. Tila ay may alam siya sa nangyayari subalit hindi ko ito mawari at mapanutayan. Ano bang nangyayari sa kaniya? Tinatawag niya ba si Kamatayan ngayon sa pamamagitan ng mga katagang binibitawan niya?
"Dalawa. Dalawang saksak ang tinamo sa magkabilang paa. Tandang-tanda ko pa ang mga ngisi niyang nakakaloko na ang tanging hatid sa akin ay kalbaryo."
Wala pa ring pagbabago sa emosyon niya ngunit habang tumatagal ay mas lalong nakakahindik at nakakakakilabot. Wala ring ibang magawa si Jerome kung hindi manood, tulad ko. Wala kaming ano mang ideya sa kung ano ba ang nangyayari kay Marlyn ngayon. Para bang may sarili siyang mundo.
"Tatlo. Tatlong buwan akong na-agrabyado at pilit na sinusuka ang hindi niya pagiging makatao. Nahihirapan ako subalit walang ibang mapuntahan," mariing giit niya.
Hindi nakatakas sa tingin ko ang pagtulo ng luha sa kaniyang kaliwang mata pababa sa pisngi. Sa kabila nito ay patuloy pa rin siya sa pagsasalita kahit na hindi naman alam ang dahilan. Hindi ko maiwasang makaramdam nang matinding awa. Sa kaniya ba nangyari ang mga katagang sinasabi niya?
"Marlyn, ano ba 'yang mga sinasabi mo? Umayos ka nga at lumabas na tayo sa silid na ito. Kung totoo ang sinasabi mo na papunta na siya, siguradong nanganganib na ang mga buhay natin! Hindi ka ba nag-aalala? Mapapahamak tayo!" singhal ni Jerome.
Nakatingin lamang si Marlyn sa bintana at tumigil pa sa paglinga-linga sa paligid. Unti-unti na ring nagbabagsakan ang kaniyang mga luha kasabay ng pagkuyom ng kaniyang kamao. Sobra na siyang nasasaktan ngayon. Ano ba talagang nangyayari sa kaniya?
"Bakit pa tayo tatakbo para magtago kung kaya naman natin siyang labanan? Hindi na ako magbubulag-bulagan at tatapusin na ang kaniyang kademonyohan. Masyado nang maraming nasaktan at hindi ko kayang hayaan na magpatuloy pa ito," mariing giit ni Marlyn.
Nagsimula na akong makarinig ng mga kaluskos at pagkalansing ng mga kutsilyo. Kahit na hindi ko pa ito nakikita ay nasisiguro ko na pagmamay-ari ito ni Kamatayan. Nasa malapit na siya at tiyak na papunta sa kinaroroonan namin. Wala ba talagang balak si Marlyn na tumigil? Nakahanda na ba siyang makipagpatayan kay Kamatayan? Kung ganoon, handa na rin ako.
"Tama siya, hindi na natin kailangan tumakbo para magtago. Nakakapagod na ang paulit-ulit na pagtakbo para iligtas ang buhay sa tiyak na kapahamakan," pagsang-ayon ko kay Marlyn.
Inihanda ko na rin ang sarili ko sa mga maaaring maganap. Ito na ang pinakaperpektong panahon para talunin siya. May mga kasama na ako. Pareho kami nang ipinaglalaban kaya magkakasundo kami. Kailangan na naming tapusin ito sa lalong madaling panahon.
"Ano ba kayong dalawa? Bakit ayaw niyo pang kumilos para mailigtas ang buhay? Kung ayaw niyong sumama, bahala kayo! Hindi pa ako nababaliw para sumunod at maniwala sa inyo!" bulalas ni Jerome at mabilis na tumakbo papuntang pintuan.
Nanumbalik na naman ang kakaibang kaba sa dibdib ko at sa tingin ko ay may mali sa gagawin ni Jerome. Tila ang pagbukas niya sa pintuan ang magdadala sa kaniya sa kapahamakan. Tang ina naman! Bakit ba kasi ayaw niyang maniwala sa amin?
"Huwag!" bulalas ko at tumalikod para pigilan siya.
Halos lumaki ang mga mata ko dahil sa gulat at huli na ang lahat para pigilan ko pa siya. Tuluyan nang binuksan ni Jerome ang pintuan at kasabay nito ang pagkatanggal ng ulo niyo. Tang ina! Paano ito nangyari sa isang iglap lang? Pakiramdam ko ay natigilan at napako ako rito sa kinatatayuan ko.
"Tang ina!" hindi makapaniwalang sambit ko.
Madali lang itong natanggal dahil sa talim ng itak na ginamit para atakihin siya. Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Jerome na makabawi dahil huli na ang lahat. Sinusundo na kami.
"Nakakabilib naman ang katapangan mo, Thymine. Pinalabas na kita sa bahay ko ngunit narito ka na naman. Gusto mo ba talagang harapin ang kamatayan mo gaya nila?" nakangising tanong sa akin ni Kamatayan.
Tatlong beses na pagwasiwas muna ng itak sa ere ang ginawa niya at mabilis itong hinampas sa katawan ni Jerome. Hindi na niya alintana ang mga nagtatalsikang dugo. Hindi ko na mabilang kung ilang taga ang ginawa niya dahil sa labis na gulat. Hindi ako makapag-isip nang maayos.
"Marlyn, ano nang gagawin natin? Gusto ko na siyang patayin para matapos na ang lahat ngunit paano? Wala akong ideya sa kung ano ba talaga ang kahinaan niya," nababahalang sambit ko.
Pinipilit kong huwag ipakita ang pangangatog ng tuhod ko at pagpapawis ng aking ulo. Kailangan kong ipakita kay Kamatayan na hindi na ako tinatablan ng mga ngisi niya. Kahit itong pagpapanggap lang ay dapat na magtagumpay ako.
"Sino naman 'yang kausap mo? Huwag kang hunghang, Thymine. Bibigyan ulit kita ng pagkakataong makaalis dito dahil nakiusap sa akin si Rhian. Gusto niyang makaligtas ka kahit na anong mangyari kaya pagbibigyan ko ulit siya sa pagkakataong ito," bulalas niya gamit ang gasgas na tinig.
Pinakiramdaman ko muna ang paligid kung haharap na ba si Marlyn at hindi nga ako nagkamali. Ilang segundo lamang ang lumipas at nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. Pakiramdam ko ay bumabagal ang oras ngayon dahil sa nangyayari.
"Kataka-takang hindi mo na ako maalala. Parang kailan lang nang huli tayong magkita. Kamusta ka? Matagal ka bang nangulila sa akin?" nakangising tanong ni Marlyn.
Mabilis akong lumingon kay Kamatayan at halos hindi na ako makahinga nang maayos dahil nakita kong natigilan siya. Mayroong naging epekto si Marlyn sa ikinilos niya. Imposible! Sigurado akong may koneksyon silang dalawa.