Rhian
Hindi ako madalas na kabahan sa tuwing nakakaharap si Kamatayan dahil alam kong hindi naman niya ako magagawang patayin. Malakas ang loob ko na makakaligtas ako dahil hindi ko pa oras. Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi ako nakakaramdam nang pagkataon pero iba ang sitwasyon namin ngayon.
"H-Hindi naman siguro tayo mamamatay ngayong gabi, 'no? Alam kong walang kasiguraduhan ang lahat pero umaasa na sa tadhana na magagawa natin manatiling buhay. Nasa harapan na natin si Kamatayan, ano nang gagawin natin?" mahinang bulong sa amin ni Maxine sa likuran.
Ang ikinatatakot ko ngayon ay ang sitwasyon ni Thymine. Hindi ko siya kasama dahil halatang nagalit siya noong makita kaming dalawa ni Milo. Kung alam ko lang na mangyayari ang bagay na ito, hindi na sana ako nagpatulong sa manyakis na Milo na 'yon. Ang buong akala ko ay mabait talaga siya pero katawan ko lang pala ang habol.
"Hindi na tayo p'wedeng umatras pa dahil nasa harapan na natin siya. Tayo mismo ang nagkusang lumapit dito para malaman kung anong nangyayari kaya wala tayong ibang magagawa kung hindi ang manatiling maging matatag. Hindi p'wedeng maging mahina ngayon," mariing giit ko sa kanila.
Pinipilit kong maging matatag sa abot ng makakaya ko dahil siguradong magkakagulo ang lahat kapag nakita nilang walang kayang tumayo sa sariling paa. Nasa harapan namin ang pinakatatakutan sa impyernong lugar na ito kaya kahit nanginginig na ang mga tuhod at kamay namin, kailangan kong maging kalmado.
"Kamusta kayo? Ngayon ko lang kayo nakitang magkakasama na para bang pinagkakaisahan niyo ako. Ano ba sa tingin niyo ang ginagawa niyo ngayon? Sa halip na magtago na lang ay ang lakas pa ng loob niyong makipagkita sa harapan ko. Gusto niyo na bang mamatay?" nakangising tanong niya sa amin.
Naramdaman kong bahagyang nagdikit-dikit sila sa likuran ko at ako pa ang ginawang pain kay Kamatayan. Sa kabila nito ay pinilit ko pa ring maging matatag habang sinasalubong ang matatalim na tingin ni Kamatayan. Hindi ako p'wedeng magpakain sa takot na nararamdaman ko. Ako ang inaasahan nila ngayon.
"Hindi ba ito naman ang gusto mo? Magkakasama na kami ngayon kaya hindi ka na mahihirapang patayin ang bawat isa sa amin. Kung gusto mo, ako na ang unahin mo bago sila. Alam naman namin na wala na kaming kawala dahil pagmamay-ari mo ang buong lugar na ito. Saan pa ba kami magtatago?" naghahamong sabi ko sa kaniya.
Mabilis niya akong nginisian habang unti-unting naglakad papalapit sa amin. Mabilis din naman kaming umatras nang sa gayon ay hindi niya kaagad malapitan. Nararamdaman ko rin na unti-unti nang nagiging agresibo si Kamatayan at ano mang oras ay nakahanda na siyang pumatay.
"Gusto ko talaga ang tapang mo na iyan, Rhian. 'Yan ang dahilan kaya hindi kita kaagad pinapatay. Pero nagsasawa na ako ngayon dahil masyado ka nang maraming nalalaman. Kailangan mo nang mawala sa bahay na ito. Nakahanda ka na ba?" muling sabi niya at sa pagkakataong ito ay unti-unti niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa itak.
Mabilis akong umatras at bahagyang kinurot ang braso ni Wince na siyang tanda para umatras na kami at tumakbo. Seryoso na si Kamatayan sa mga salitang binibitawan niya at siguradong papatayin niya kami kapag nagtagal pa rito. Isa lang ang sigurado ko, hindi na kami ligtas ngayon.
"Isa, dalawa at tatlo. Ano sa tingin niyo ang magiging kapalaran ng mga buhay niyo sa kamay ko? Sino ang unang gustong makalimutan ang lahat at wala nang maramdamang takot? Sabihin niyo lang dahil nakahanda na ang itak ko. Papatayin na lang ang kulang," nakalolokong sabi niya.
Mabilis akong tumalikod at mabilis pa sa alas-kuwarto na kumaripas kami sa pagtakbo. Wala na akong pakialam kung saan ako dalhin ng mga paa ko dahil ang tanging mahalaga ay magawa naming makalayo at makaligtas. Siguradong hindi kami titigilan ni Kamatayan.
Paulit-ulit kong naririnig ang mga katagang binitawan ni Kamatayan at tila sira itong plaka na naglalaro sa isipan ko. Nakakarindi, nasisira ang ulirat ko. Nawawala ako sa wisyo at pakiramdam ko ay winawasak nito ang pagiging kalmado ko. Nakakainis!
"Sige lang, tumakbo kayo! Hindi matatapos ang pagbibilang ko hanggang tatlo ng wala akong napapaslang sa inyo. Isa!" bulalas ni Kamatayan.
Kung kanina ay buo na ang loob naming lumaban para matuldukan ang lahat, ngayon ay tila mga ligaw na hayop kami. Tumatakbo para iligtas ang sariling buhay sa kamay ng mangangaso na nais kaming patayin. Nakakatakot siya. Hindi ko na alam kung anong kahihinatnan namin ngayong gabi.
"Tang ina mo! Tigilan mo na kami at hayaang makaalis sa lugar na 'to! Mag-iisang buwan na subalit hindi pa rin natatapos ang kabaliwan mo! Kailan ka ba titigil? Marami na ang namatay dahil sa kagagawan mo. Makonsensya ka naman!" naiinis na singhal ni Wince.
Takbo. 'Yan lang ang tangi naming nagagawa para mailigtas ang buhay sa tiyak na kamatayan. Ang mga obrang nakasabit at agiw sa dingding ay nagsisilbing saksi sa karumal-dumal na kapalaran namin. Para kami may mga kadena sa leeg at ano mang oras ay maaaring sakalin at walang awa na patayin.
"Tigilan mo na ang lahat. Ibalik mo na kami sa mga dati naming buhay! Maawa ka sa mga pamilyang naiwan namin. Siguradong mamgumgulila pa rin sila hanggang ngayon!" puno ng emosyon na sigaw ni Maxine.
Nagiging mas emosyonal na sila dahil sa pagiging agresibo ni Kamatayan na patayin kami ngayong gabi. Hindi namin alam kung paano makakatakas sa kamay niya. Kontrolado niya ang lahat at kahit na saan kami magtago, siguradong makakagawa siya ng paraan para mahanap kami.
"Ang buhay ng tao ay sandali lang. Pinaranas ko na sa inyo ang buhay na dapat malasap sa mundong ito kaya nararapat nang wakasan ang lahat. Walang permanente at ang lahat ay may katapusan. Nakahanda ba kayo?" mariing giit ni Kamatayan.
Nangangatal na ang bibig ko at ang ritmo ng puso ko ay unti-unti nang napapalitan ng matinding pagkatakot. Ang malalim at gasgas na tinig ni Kamatayan ay naghahatid ng libo-libong boltahe ng kuryente sa katawan ko. Tang ina! Umayos ka, Rhian. Hindi ka pa mamamatay ngayon.
"Pero hindi pa namin oras kaya tigilan mo na kami! Wala kang karapatan na magdikta sa kung anong gusto naming gawin. P-Pakiusap, pakawalan mo na kami sa impyernong lugar na ito!" mariing sigaw ni Wince habang tumatakbo kami.
Hinahabol din kami ni Kamatayan kaya sa oras na tumigil kami, tiyak na katapusan na ng lahat. Siguradong hindi na maaawa si Kamatayan at walang pagdadalawang-isip na patayin kami. Ito ang pinakaligtas na gawin sa ngayon. Tumakbo hangga't kaya para iligtas ang sariling buhay mula sa tiyak na kapahamakan.
"Tama na! Pakiusap, tantanan mo na kami! Ayoko na! Ahh! Kamatayan, tigilan mo kami! P-Pakiusap, tama na!" singhal ni Maxine.
Gusto ko sanang lumingon subalit nakarinig ako ng pagkalansing ng dalawang metal at mahihinang halinghing na siguradong galing sa katawan ni Maxine. Naabutan siya ni Kamatayan kaya siguradong katapusan na niya. Gustuhin man namin siyang tulungan pero mapapahamak kami. Huli na ang lahat para gawin ang bagay na 'yon.
"Thymine, nasaan ka? Kung nagtatago ka man, huwag kang lalabas. Delikado rito at siguradong mapapahamak ka. Pakiusap, sana ligtas ka. Kailangan nating makaligtas ngayong gabi kahit na anong mangyari," mahinang bulong ko habang tumatakbo.
Nangunguna si Wince sa pagtakbo na sinundan namin ni Milo. Sa aming tatlo ay ako ang nasa hulihan at malaki ang tiyansa na sumunod ako kay Maxine. Pakiramdam ko pa ay bumabagal ang pagtakbo ng oras. Pero kailangan kong maging matapang at malakas ngayon.
"Rhian, umayos ka! Malayo na ang narating mo kaya huwag kang susuko ngayon. Magagawa mong makaligtas kaya huwag kang panghinaan ng loob. Bilisan mo pa ang pagtako. Bilis pa!" pagpapalakas ng loob na sabi ko sa sarili.
Hinihingal na ako pero hindi ko na alintana pa ito. Isang maling galaw ko lang ay siguradong katapusan ko na. Kailangan kong bilisan para hindi niya ako maabutan. Kailangan kong isipin na ako lang ang may kakayahan na mailigtas si Thymine kaya dapat manatili akong buhay hanggang sa mangyari iyon.
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Lahat ng tutugisin ko ay may paglalagyan. Natapos ang pagbibilang ko ng isa at may nalagas sa inyo. Sino ang susunod? Nakahanda na ba ang lahat? Tumakbo lang kayo hangga't gusto niyo dahil siguradong mapapatay ko rin kayong lahat" nababaliw na sambit ni Kamatayan.
Pinipilit kong mas bilisan pa ang pagtakbo subalit parang mas lalong bumabagal. Tila kinakapos ako ng hangin at nanlalambot ang mga tuhod ko. Tang ina naman! Bakit hindi nakikisama ang katawan ko ngayong kailangan ko ito? Nakakainis naman! Hindi ako makakahingi ng tulong sa iba dahil pare-parehong nanganganib ang mga buhay namin.
"Rhian, ano nang plano mo sa buhay? Maabutan ka niya na. Bilisan mo na kasi. Bakit ba ang bagal mong tumakbo? Kailangan mong mabuhay ano man ang mangyari kaya lakihan mo pa ang mga hakbang mo. Nasa likuran lang si Kamatayan at nakahandang tagain ka!" muling naiinis na bulong ko sa sarili.
Hindi ko na gaanong mapakiramdaman ang paligid at ang tanging naririnig ko na lang ay ang malalakas na pagkabog ng dibdib ko. Pauli-ulit kong naririnig ang pagbibilang ni Kamatayan sa isipan ko. Tang ina! Ngayon na lamang ako nakaramdaman nang ganitong kaba sa buong buhay ko.
"Rhian! Huwag!" bulalas ni Milo at bahagyang tumigil sa pagtakbo.
Namalayan ko na lang na bumagsak ang katawan ko sa sahig at bumaling ang tingin sa kisame na hawak sa kahoy. Dito ko tuluyang napagtanto kung ano ba talagang saysay ko sa buhay. Masyado na akong maraming naprotektahan at nailigtas sa tiyak na kapahamakan pero sino ba talaga ako?
"Sino nga ba talaga si Rhian at bakit siya isinilang sa mundo? Ano ang papel ko rito? Bakit ako nabubuhay? Anong pinaglalaban ko at nakikipagtayan ako para lang mabuhay? Anong rason ng lahat? " bulong ko sa aking sarili.
Hindi ko na alintana pa kung may mga mainit na likido na dumadaloy sa pisngi ko ngayon. Bihira akong maging emosyunal dahil madalas, ako ang sinasandalan ng mga taong nahihirapan. Nilalamon ako ng kalungkutan ngayon subalit hindi ko alam kung paano ba ito maiibsan. Paano ba ito mawawala na parang hindi nangyari?
"Ako si Rhian, nakahandang ibuwis ang buhay para ipagtanggol ka. Ngunit ang tanong, bakit walang nagtangka na ipagtanggol ako? Rhian, malakas ka pero bakit hindi mo na kayang tumayo sa sariling paa mo ngayon? Masakit bang maiwang nag-iisa?" naluluhang sambit ko.
Maikli ang buhay sa mundo at patikim lang ang mga nararanasan natin. Ang araw na pagdating ko sa bahay ni Kamatayan ay sariwa pa rin sa mga ala-ala ko. Hindi ko ito kayang kalimutan dahil parte na ito nang masalimuot kong nakaraan. Natatandaan ko pa ang senaryo na muntik na akong magahasa.
"Bakit pa ako lalaban kung wala rin namang patutunguhan? Hindi na ako makikipaglokohan, tama na ito. Kamatayan, patayin mo na ako! Doon din naman pupunta ang lahat kaya bakit hindi na tapusin ngayon? Napapagod na akong maging malakas. Hindi ko na ito mapanindigan pa!" bulalas ko at ipinikit na ang talukap ng mga mata.
Hahayaan kong dumampi ang malamig na patalim sa balat ko. Nanamnamin ko ang talim hanggang sa tuluyang rumagasa ang malapot na likido sa katawan ko. Ito ang masaklap na kapalaran na kahit ayokong tanggapin ay wala na akong magagawa pa. Lahat ay may hangganan pero mukhang hanggang dito na lang ang laban ko. Kailangan ko nang sumuko at magpahinga.
"Rhian! Ano bang ginagawa mo? Tumayo ka riyan! Lumaban ka! Ipagtatanggol mo pa ako, hindi ba? Nakalimutan mo na ba ang ipinangako mo sa akin? Paano ko magagawang makaligtas kung susuko ka na kaagad? Masyado pang maaga para sumuko, Rhian!"
Napamulat ako dahil sa sigaw na naririnig ko. Hindi ako p'wedeng magkamali dahil tinig ito ni Thymine. Nag-aalala siya sa akin at hindi niya gustong sumuko kaagad ako. Kaagad akong tumayo at nagpalinga-linga sa paligid. Sigurado akong hinahanap niya ako ngayon para iligtas. Hindi niya ako iniwan gaya nang inaakala ko.
"Thymine, nasaan ka? Sandali, ipagtatanggol kita. May nanakit ba sa iyo? Bumalik ba si Kamatayan para saktan ka? Hintayin mo ako dahil ililigtas kita. Hindi ka mapapahamak hanggang nabubuhay ako. Nasaan ka ba?" nagtataka kong sambit at tumayo sa pagkakahiga.
Inilibot ko ang patingin ko sa buong paligid at tumambad sa akin ang nakangising pagmumukha ni Kamatayan. Dito tuluyang nanumbalik ang ulirat ko at mabilis na tumakbo palayo. Hindi niya ako mapapatay ngayon dahil may kailangan pa akong iligtas. May umaasa pa sa akin kaya hindi ako mawawala sa tabi niya.
"Rhian, dito! Bilisan mo at maaabutan ka na niya! Magmadali ka dahil siguradong hahabulin ka niya. Bilisan mo! Takbo!" natatarantang sambit ni Wince.
Akmang liliko na ako subalit may tumatawag sa kabilang pasilyo at sinasabing do'n ako dumaan. Si Wince sa kanan at si Milo naman sa kaliwa. Tang ina naman! Bakit ginugulo pa nila ang isipan ko? Kanino ako pupunta? SIno ang dapat na pagkatiwalaan ko sa kanila? Pareho nila akong niloko kaya sino ang dapat kong paniwalaan ngayon?
"Tumakbo ka lang hanggang gusto mo! Papatayin kita! Papatayin ko kayong lahat!" bulalas ni Kamatayan at akmang uumbagin ako subalit may biglang humatak sa akin.
Malambot ang mga kamay niya at wala akong maramdaman na anumang kalyo. Hindi agad ako nakalingon sa direksyon niya dahil sa gulat at humaharang pa ang buhok ko. Basta ang alam ko, kaliwang pasilyo ang tinatahak namin ngayon. Ito ang direksyon ni Milo kanina at dito niya ako gustong pumunta.
"Milo, salamat at iniligtas mo ako. Hindi mo binigo ang pangako mo sa akin na parating ililigtas kapag nanganganib ang buhay. Salamat. Kahit na ganoon ang tingin mo sa akin ay nagpapasalamat pa rin ako sa ginagawa mong pagliligtas sa akin. Hayaan mo, hindi na ako gaanong magagalit sa iyo," mariing sambit ko.
Mas humigpit ang kaniyang pagkakahawak sa kamay ko at bahagya itong humigpit kaya napalingon ako sa direksyon niya. Nagulat ako at nais na lang na muling ibaling ang tingin sa gilid. Kung p'wede lang na kainin ako ng lupa ngayon ay hiniling ko na. Jusko naman Rhian, nakakahiya ka!
"Bakit ganiyan ang reaksyon mo? Hindi mo ba talaga inaasahan na ililigtas kita? Rhian, wala ka pala talagang tiwala sa mga kakayahan ko. Nakakatampo ka talaga. Ang tingin mo lang talaga siguro sa akin ay isang pabigat na dapat buhatin," nanghihinang sambit niya.
Hindi ko alam kung anong dapat isagot subalit namalayan ko na lang na nasa ikalawang palapag na kami at mabilis niya akong tinulak papasok sa isang silid. Matapos ito ay isinara niya ang pintuan bago ako harapin.
"Ngayong tayong dalawa na lang ang naririto, bakit hindi natin pag-usapan ang mga hinaing mo sa buhay? Rhian, kung hindi pa ako sumigaw, patay ka na sana," naiinis niyang sambit sa akin.
Hindi ako makapgsalita ngayon at parang tinakasan ako ng lakas. Ano bang nangyayari sa akin? Hindi ako sanay na ganito siya kaya naninibago ako at hindi alam kung anong dapat na sabihin paramakabawi sa kaniya. Siguradong nasaktan siya noong inakala ko na si Milo ang nagligtas sa akin.
"H-Hindi ko alam na ikaw pala 'yon. Masyado akong kinakabahan kanina dahil akala ko katapusan na ng buhay ko. Pasensya ka na kung ibang pangalan ang napasalamatan ko sa halip na ikaw. Kung p'wede ko lang bawiin ang lahat ng mga sinabi ko kanina," nanghihingi ng paumahin na sabi ko sa kaniya.
Kinakabisa ko ang espasyo at mga gamit sa loob at hindi ko mapigilang mamula ang magkabilang pisngi. Sariwa pa sa mga alaala ko ang pinagsaluhan naming halik dito. Jusko naman! Ano ba talagang nangyayari sa akin? Bakit parang sobrang emosyunal ko ngayon? Pati ang halik na nangyari sa lugar na ito ay inaalala ko pa. Umayos ka nga, Rhian!
"Thymine, sa lahat ng silid sa bahay ni Kamatayan, bakit dito mo ako naisipang dalhin? Alam mo naman na nahihiya akong balikan ang mga pangyayari noon. Dito mo ako inangkin at marami tayong napag-usapan sa lugar na ito. May ibig sabihin ba ang lahat?" bulalas ko sa kaniya.
Sa halip na sumagot ay nagtanggal siya ng pang-itaas na damit at bahagyang sinira ang bintana. Humiga siya sa kama at binaling ang tingin sa kisame. Hindi ko maiwasang tumingin sa kaniya ngayon. Parang ibang Thymine ang kaharap ko ngayon. Malayo ito sa palaging kong inililigtas na lalaki.
"May nangyari ba sa iyo kaya ka nagkakaganiyan? Maayos naman kayong umalis ng kaibigan mo kanina kaya sigurado akong ligtas kayo. Bakit ka nga pala pumunta sa lugar na iyon? Alam mo namang delikado na sa labas pero mukhang hindi mo na iyon inisip pa," magkakasunod na tanong ko sa kaniya.
Ang buong akala ko ay nagtatago na siya sa isa sa mga silid dahil natatakot siyang makasalamuha si Kamatayan. Hindi ko inaasahan na lalabas siya para hanapin at iligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Wala akong ideya na kaya niya pa lang itong gawin. Kung sabagay, palagi ko siyang inililigtas sa tuwing napapahamak siya.
"Sa ating dalawa, ikaw ang may alam kung gaano kadelikado si Kamatayan. Alam mong hindi siya magdadalawang-isip na pumatay lalo na kung gugustuhin niya. Rhian, paano mo nagawang huminga na lang sa sahig at umiyak na parang bata? Paano kung napahamak ka? Ano na lang ang gagawin ko?" naiinis na tanong niya sa akin.
Bahagya akong natigilan dahil sa sinabi niya. Kanina lang nagawa niya ring bumalik para iligtas ako pero naabutan niyang kasama ko si Milo. Hindi ko maintindihan kung anong tumatakbo sa isipan ni Thymine at nagkakaganito siya ngayon. Nahahalata ko na nagiging madalas ang pag-alala niya sa akin.
"Sandali nga, nag-aalala ka ba sa akin kaya ka nagkakaganiyan? Pasensya ka na kung umiyak ako kanina at parang bata na hindi kayang ipagtanggol ang sarili. Kahit ilang minuto lang, naranasan kong maging emosyunal at mahina. Naramdaman ko na kung ano ang palagi mong nararamdaman kapag nariyan sa malapit si Kamatayan," mariing giit ko sa kaniya.
Totoo ang mga sinabi kong iyon. Ako ang kailangan ng tulong kanina sa halip na ako dapat ang tumutulong. Kahit sa maiksing panahon, nagawa at naranasan kong maging mahina. Hindi ito maganda at siguradong nakakasira ng ulo kapag paulit-ulit na nangyari.
"Hindi ko alam kung anong mayroon sa utak mo at naiisip ang bagay na 'yan. Dinala kita rito para makapagtago at takasan si Kamatayan. 'Yon lang ang dahilan ko at wala nang iba pa," diretsong sambit niya sa akin.
Hindi niya ako pinansin kaya halos mapanganga ako sa gulat. Kailanman ay hindi niya ako isinantabi at palagi ko siyang nililigtas sa kapahamakan. Anong nangyayari, bakit tila bumaliktad ang lahat? May nangyari ba noong wala ako? Bakit pakiramdam ko napag-iwanan ako ng panahon?
"Ngunit kung may iba ka pang nais gawin, p'wede naman nating pag-usapan. Rhian, gusto mo pang painitin natin ang malamig na gabi? Ano sa tingin mo? Nakahanda naman ako kung gugustuhin mo," nakangising sambit niya.
Sa sinabi niyang ito ay biglang nag-init ang pakirmadam ko. Jusko naman, Thymine! Ano ba itong ginagawa mo sa akin? Bakit pakiramdam ko inaakit mo ako ngayon? Umayos ka nga, Rhian! Ayusin mo ang utak mo. Nakakahiya ka!