Rhian
Hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin ngayon dahil sa sinabi ni Klian. Pakiramdam ko ay trumiple ang kaba sa dibdib ko ngayon. Siguradong nanganganib na ang buhay niya ngayon. Wala siyang ano mang ideya kung anong kayang gawin ni Kamatayan lalo na at may nabasag siyang pag-aari nito.
"Thymine, nasaan ka ba? Saan ba kita makikita? Kung naririnig mo ako, sana magtago ka muna at piliting iligtas ang sarili mo. Hahanapin kita kahit na anong mangyari. Pangako ko 'yan," sigaw ko habang nagpapaikot-ikot sa mga pasilyo.
Sa bawat minutong lumilipas ay mas lumiliit ang tiyansa ko na makitang ligtas si Thymine. Wala siyang kakilala na p'wedeng tumulong sa kaniya. Walang ibang makakaintindi sa kondisyon niya sa tuwing naririnig o nararamdaman si Kamatayan. Siguradong takot na takot na siya ngayon at hindi alam kung anong gagawin.
"Nakakainis naman! Kung hindi na sana ako nagpadala sa tawag ng laman ko at nang-aakit na tingin ni Milo, baka nakita ko na ngayon si Thymine. Jusko naman, Rhian! Ano ba talagang nangyayari sa iyo at nakalimutan mo na ang dapat mong unahing protektahan?" naiinis na paninisi ko sa sarili.
Alam kong nagsimula ang lahat ng ito dahil sa amin ni Milo. Kung hindi kami nakita ni Thymine na masayang magkasama, hindi siya lalabas ng silid nang mag-isa. Kung hindi na sana ako umalis sa tabi niyo, wala na sana akong pinoproblema ngayon.
"Wala pa rin ba ang iba naming kasamahan? Sana naman naglilibot na rin sila para may makakatulong akong maghanap kay Thymine. Hindi siya malalapitan ni Kamatayan kung marami kaming magkakasama," mahinang bulong ko.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarinig ng mga yabag sa hindi kalayuan. Sigurado akong nasa malapit lang siya at hindi ko maipaliwanag ang kaba na nararamdaman ko ngayon. Imposibleng sa iyon. Hindi ko kayang paniwalaan na narito siya at mukhang may hinahanap.
"Imposible! Ako ang dapat na maunang makahanap kay Thymine. Kailangan ko siyang maunahan. Hindi magiging ligtas ang mga kasamahan ko dahil nasa paligid siya," mahinang sabi ko.
Mabilis akong nagtago sa palikong pasilyo at pasimple siyang minamanmanan. Dala niya pa rin ang itak sa kamay niya at ipinatutunog ang dulo nito sa sahig. Hindi ko maiwasang makaramdam ng matinding kaba ngayon pero kailangan kong maging kalmado. Kahit nasa malapit lang si Kamatayan, hindi dapat ako magpadala sa takot.
"Si Thymine ba ang hinahanap niya ngayon? Siya ba ang gusto niyang patayin?" nagtatakang tanong ko sa sarili habang tinitingnan si Kamatayan.
Tahimik lang siyang naglalakad habang pinapakiramdaman ang buong paligid. Walang gaanong dumadaan sa gawi na ito kaya sigurado akong ayaw magpakita ni Kamatayan sa lahat. Sadyang may gusto lang siyang hanapin at nagkataong ito si Thymine.
"Bakit ba naman kasi hindi ka nag-iingat, Thymine? Paano mo nagawang basahin ang isang bagay na mahalaga sa bahay na ito? Hindi dahil nakaligtas ka kagabi ay makakaligtas ka pa rin ngayon. Lalo na ngayon na hindi mo ako kasamahan," naiinis na bulong ko.
Kung nasa malapit man siya, sana hindi siya lumabas. Kahit na magtago siya nang matagal, huwag lang siyang magpapahuli kay Kamatayan. Siguradong malalagot siya kapag nagkataon. Hindi palalampasin ni Kamatayan ang ginawa niya at tiyak na pagbabayarin siya nito.
Halos kapusin ako nang hininga nang alisin ni Kamatayan ang obrang nakasabit sa pader at tumambad sa akin ang isang pintuan. Alam ko ang lugar na iyon at hindi ako p'wedeng magkamali. Huwag naman sanang nasa loob noon si Thymine. Hindi ko na alam kung anong dapat kong isipin.
"Hindi, mali ako nang naiisip. Ano ba, Rhian? Umayos ka. Wala si Thymine sa kuwartong 'yon. Sa iba siya nagtatago. Huwag kang mag-isip ng kung ano," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Pakiramdam ko ay panandaliang tumigil ang oras nang unti-unting bumukas ang pintuan. Umalis na ako sa pinagtataguan ko at dahan-dahan na lumapit sa kinatatayuan ni Kamatayan. Maraming mga nakakalat na banga at obra sa paligid kaya maingat akong naglalakad nang sa gayon ay hindi niya mapansin ang presensya ko.
"R-Rhian!" hindi makapaniwalang sabi ni Thymine nang makita niya ako.
Nakangiti siya sa akin pero kaagad na nawala ang ngiti na iyon nang makilala niya kung sino ang nasa harapan niya ngayon. Nakangisi nang nakaloloko at bahagya pang hinawakan ang itak na hawak niya. Mabilis na binalot ng matinding takot si Thymine dahil sa nakikita ngayon. Gusto ko sanang sumigaw pero hindi dapat mapansin ni Kamatayan na nakatayo ako malapit sa kanila.
"Kamusta ka na, Thymine? Ang tagal mo na ring tumatakbo papalayo sa akin? Makakatakbo ka pa rin ba ngayon?" mapang-asar na tanong nito kay Thymine.
Naestatwa sa kinatatayuan niya si Thymine at kahit na hindi niya sabihin, alam kong wala siyang ideya kung paano makakatakbo papalayo. Ramdam ko ang matinding takot na nararamdaman niya ngayon. Kailangan niya nang makakapitan pero malayo ako sa kaniya.
"Bakit hindi ka makapagsalita? Ang buong akala ko pa naman ay matapang ka na. Nagawa mong sagutin si Trench, hindi ba? ipakita mo sa akin ang tapang na iyon. Labanan mo ako at iligtas ang buhay mo," nanghahamon na sabi ni Kamatayan.
Tahimik ko silang tinitingnan at unti-unti akong yumuko para pulutin ang isang babasaging banga. Wala akong dalang kahit na anong matigas na bagay kaya umaasa ako na sa tulong ng banga, magagawa naming makatakbo ni Thymine. Hindi ko siya hahayaan na mapahamak sa kamay ni Kamatayan.
"Tititigan mo na lang ba ako? Kung 'yan ang gusto mo, tatapusin ko na ang paghihirap mo sa bahay na ito. Makakatulog ka nang payapa at hindi na magigising pa. Ayos 'yon, hindi ba?" nakangising sabi niya kay Thymine.
Bago pa man tuluyang hampasin ni Kamatayan si Thymine ay mabilis ko siyang binato ng babasaging banga na hawak ko ngayon kaya bahagya siyang napangiwi sa sakit. Kinuha ko ang pagkakataong ito para lapitan si Thymine na ngayon ay nawalan ng malay. Kailangan naming makatakas at makaligtas. Walang p'wedeng mapahamak sa amin.
"R-Rhian, d-dumating ka," nanghihina ngunit masayang sabi ni Thymine.
Ngumiti ako sa kaniya pabalik nang sa gayon ay hindi na siya mag-alala pa. Masyado na siyang maraming pinagdaanan ngayon araw at hindi niya ako kasama. Hindi ko siya natulungan kaya hindi siya p'wedeng masaktan ni Kamatayan ngayon. Hindi ako papayag.
"Huwag kang mag-alala, Thymine. Nandito na ako ngayon at hindi kita hahayaan na masaktan. Sabi ko naman sa iyo, poprotektahan kita, hindi ba? Kahit na mainis ka pa sa akin, hindi magbabago ang naging pangako ko. Huwag ka nang aalis ulit sa tabi ko, naiintindihan mo ba 'yon?" pagpapaliwanag ko sa kaniya.
Mabilis naman siyang tumango bilang pagsang-ayon sa akin. Kaagad ko siyang inalalayan patayo at inakbayan nang sa gayon ay matulungan siya. Halatang nanlalambot ang mga tuhod niya dahil sa sobrang kaba kaya hindi na ako nag-abalang akayin siya.
"Tang ina! Namumuro ka na sa akin, Rhian! Talagang gusto mong unahin kita bago ang lalaking pinagtatanggol mo? Tang ina! Ang sakit nang ginawa mo! Humanda ka sa akin. Hindi ko mapapalampas ang pagrerebelde niyo," pagbabanta ni Kamatayan sa amin habang pilit na iniinda ang sakit.
Mabilis akong naalarma sa sinabi niya at nagpalinga-linga sa paligid para humanap ng ano mang bagay na p'wedeng maging armas panlaban kay Kamatayan. Dahan-dahan naman akong tinatapik ni Thymine sa balikat pero hindi ko maintindihan kung anong dahilan niya. Nasaktan ba siya?
"Bakit, may sugat ka ba? Thymine, tingnan mo ako sa mata. Hindi ka naman nasaktan, 'no?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.
Mabilis naman siyang umiling na siyang ipinagtataka ko. Hindi ko maintindihan kung anong gustp niyang sabihin. Saka ko lang naintindihan ang lahat nang ilagay niya ang kamay ko sa tagiliran. Doon ko lang naalala na lagi akong may dalang kutsilyo para may magamit sa ganitong pagkakataon.
"M-May magagamit kang kutsilyo. Nakapa ko 'yan noong akbayan mo ako," pagpapaliwanag ni Thymine at mabilis ko siyang nginitian.
Akmang tatayo na si Kamatayan subalit mabilis kong hinugot ang kutsilyo sa tagiliran ko at hinagis ito sa direksyon niya. Tumama ito sa kaniyang braso kaya sigurado akong hindi na niya kami masasaktan. Mahihirapan siyang mahawakan ang itak na hawak niya.
"Hoy, Rhian! Anong ginawa mo kay Thymine? Kaya pala hindi na siya muling pumasok sa loob ng silid dahil sinaktan mo pala! Tang ina! Sino 'tong nasa may pintuan? Anong nangyayari? Saglit lang akong nagtago sa loob pero ito na ang naabutan ko?" natatarantang sambit ni Maxine.
Sinamaan ko na lang siya nang tingin at hindi na binigyang pansin ang problema niya. Bahagya kong tinapik ang pisngi ni Thymine at sinubukan siyang kausapin. Nawalan siya nang malay matapos ipaalala sa akin ang kutsilyo ko. Hindi ko na naman maiwasang makaramdam ng awa sa sitwasyon niya ngayon.
"Thymine, gumising ka. Hindi kita kayang buhatin kaya imulat mo na 'yang mga mata mo. Kailangan na nating makapunta sa silid na kinaroroonan ni Milo. Pupunta tayo sa ligtas na lugar. Hindi na tayo p'wedeng magtagal sa lugar na ito," bulalas ko sa kanya.
Wala na akong pakialam kung gusto akong isiping ni Milo basta maging ligtas lang si Thymine. Sa bahay na ito, ang silid na 'yon lang ang natitiyak kong ligtas. Kakapalan ko na lang ang mukha ko. Gagawin ko na ang gusto niyang gawin natin para lang mailigtas si Thymine. Hindi ko kayang hayaan na mapahamak na lang siya.
"Tang ina! Trench! Sinong gumawa niyan sa 'yo? Rhian! Anong ginawa mo kay Trench? Hayop ka talaga! Kahit kailan, wala kang puso! Sinong nanakit sa kaniya? Bakit niyo sinaktan ang pinuno na tumutulong sa atin palagi?" bulalas ni Wince nang hindi sinasadyang dumaan sa pasilyong kinaroroonan namin.
Napangisi na lang ako dahil kanina ko pa alam na si Trench ang kasagupa ni Thymine. Mas naging malapit man ang wangis niya kay Kamatayan, hindi maaalis ang amoy niyang punong-puno ng kataksilan. Ito rin ang dahilan kaya hindi niya pinapansin ang presensya ko sa likuran.
Bahagya lang akong nag-ingat dahil may hawak siyang itak at hindi ko alam kung nakahanda ba siyang manakit ano mang oras. Pinag-iinitan niya si Thymine kaya hindi malabong saktan niya ito. Isa pa, naramdaman ko rin na nasa malapit lang ang totoong Kamatayan na nakahandang saktan kami kaya kailangan na naming umalis ni Thymine.
"Bahala na kayo kung anong gusto niyong isipin. Ang mahalaga ngayon, mailigtas ko si Thymine. Kakayanin ko na buhatin siya kaya huwag na kayong sumunod," mariing giit ko sa kanila.
Akmang ipapasan ko na si Thymine subalit biglang lumapit sa akin si Wince at sinabunutan ako. Gamit ang dalawang kamay niya ay pilit niyang hinahatak ang buhok ko at tila matatanggal ang anit. Ano ba talagang problema ng babaeng ito? Nakakarami na siya sa akin.
"Anong akala mo, palalampasin ko na naman ang ginawa mo? Rhian, hindi na kita mapapatawad! Palagi mo na lang sinasaktan si Trench kaya dapat na kitang burahin sa mundo. Haliparot! Malandi ka! Nagpatira ka pa kay Thymine. Ang landi mo!" naiinis na bulalas niya na siyang ikinatigil ko.
Hindi ko inaasahan ang magiging tabas ng dila niya. Hindi ako makapaniwala na nagawa niyang sabihin sa akin ang mga salitang ito na parang wala kaming pinagsamahang dalawa. Nakalimutan na ba niya ang mga ginawa kong pagliligtas sa kaniya? Walang pakundangan ang marumi niyang bibig.
"Hindi ka marunong tumanaw ng utang na loob! Sino kaya sa atin ang mas malandi? Sabihin mo lang Wince kung gusto mo nang away. Labasan ng mga mababahong sikreto? Saan ba ako magsisimula? Tang ina ka! Nakakarami ka na sa akin pero pinapalampas ko lang," mariing giit ko sa kaniya.
Sa halip na labanan pa siya ay hindi ko na lang pinansin pa. Marami pa akong mahalagang kailangang gawin ngayon. Huli na ang mga tulad niyang walang magawa sa buhay at mahilig mag-eskandalo. Sapat na siguro ang mga salitang binitawan ko para malaman niyang may araw din siya sa akin.
Paulit-ulit ang pagsabunot niya at hindi ko magawang makapanlaban dahil hawak ko si Thymine. Pilit kong iniinda ang sakit na dulot ng sabunot niya dahil hindi pa ito ang tamang oras para makapaghiganti sa kaniya. Hindi siya ang dapat kong unahin sa ngayon.
"Hindi pa tayo tapos kaya huwag kang tumalikod. Kinakausap pa kita. Hindi ako natatakot sa iyo, Rhian. Alam kong may mga kahinaan ka at isa na roon si Thymi—"
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang bigla ko siyang itulak at malakas na sinampal. Halata ang pagkagulat sa mukha niya pero wala na akong pakialam pa. Sumosobra na siya. Kung sa akala niya ay hahayaan ko na lang siyang paulit-ulit na gawin ito, nagkakamali siya. May limitasyon din ang lahat.
"Huwag mong idamay si Thymine sa mga kalokohan mo sa buhay. Sinasabi ko sa iyo, hindi lang 'yan ang aabutin mo. Baka ako pa ang pumatay sa iyo sa halip na si Kamatayan. Naiintindihan mo ba ako?" mariing giit ko sa kaniya.
Natigilan siya dahil sa ginawa ko pero hindi ko na ito pinagtuunan pa ng pansin. Mabilis kong inakbayan si Thymine para buhatin para umalis pero hindi ko na ito natuloy pa. Natatarantang tumingin sa amin si Maxine at halata sa mukha niya ang sobrang kaba. Ano bang nangyayari? Bakit niya kami pinipigilan?
"Tama na! Huwag na muna kayong magtalo! Kailangan nating magtago dahil naririto na si Kamatayan! Tang ina! Bilisan niyo! Papalapit na siya. Papatayin niya tayo!" natatarantang sambit ni Maxine at bahagya pang sinipa ang katawan ni Trench.
Lumingon kami sa pinanggalingan kanina ni Wince at tama nga si Maxine sa sinabi niya. Tumambad sa amin ang nakakalokong ngisi ni Kamatayan dala ang kaniyang itak na nakapatong sa balikat at nababalot pa ng sariwang dugo. May suot din siyang itim na sumbrero na siyang mas lalong nakapagpatindig ng aming mga balahibo.
Hindi ako p'wedeng magkamali. Nagsisitaasan ang balahibo ko sa kamay. Walang duda, siya na ang totoong Kamatayan. Sa paraan pa lang nang paglalakad niya, parang may nakabarang bagay sa dibdib ko. Pakiramdam ko, pinagpapawisan na ako nang todo ngayon. Tang ina!
"Wince, tulungan mo akong buhatin si Thymine papasok sa kuwarto. Bilisan mo, maabutan na tayo ni Kamatayan. Kailangan na nating magmadali dahil papunta na siya rito! Bilisan mo! Ano ba, bakit nakatayo ka lang diyan?" natatarantang sambit ko.
Umaasa ako kay Wince subalit bigla na lang siyang pumasok sa loob habang hinahatak ang katawan ni Trench. Bigla na lang akong sinalakay ng kaba dahil tinitigan niya ako sa mata at mabilis na sinara ang pinto. Tang ina! Totoo ba ang nakita ko? Hindi ba ako nananaginip?
"Hoy, Wince! Buksan mo 'yang pintuan! Tulungan niyo akong buhatin si Thymine! Ano bang problema mo? Tang ina! Tulungan niyo kami! Huwag niyong hayaan na mapahamak kami dahil sa inyo. Hayop kayo!" natatarantang sambit.
Mas lalong lumalapit si Kamatayan sa direksyon namin at hindi ko mapigilang kabahan. Gising na rin si Thymine at nakakapit siya sa braso ko dahil sa nakita. Tang ina! Hindi ito p'wede. Siguradong mapupuruhan kami kapag nagkataon. Mahihirapan akong iligtas ang parehong buhay namin ni Thymine.
"Rhian, mabuti naman at nandito ka. Natatakot ako. Ayoko pang mamatay! Pakiusap, tumakas na tayo. Iligtas natin mga sarili namin. Malapit na siya. Rhian!" nababahalang sambit niya sa akin.
Bahagya kaming tumayong dalawa habang pilit na inaanalisa ang mga galaw ni Kamatayan. Kailangan naming bantayan kung mas magiging marahas ba siya o hindi. Sa ngayon ay mabagal ang ginagawa niyang paglakad pero kitang-kita ko ang pagnanais niyang patayin kami. Ang nakalolokong ngisi niya, pakiramdam ko tatakasan na rin ako ng lakas.
"Thymine, takbo!" bulalas ko at mabilis na tumayo.
Kaagad kong hinatak ang kamay niya at buong lakas na tumakbo papalayo kay Kamatayan. Itinaas na kasi nito ang kaniyang hawak na itak at ano mang oras ay maaari niya kaming tagain. Siguradong hindi na niya kami bibigyan pa ng pagkakataong makatakas at mabuhay. Hindi p'wedeng mangyari 'yon.
"Huwag kang lilingon sa likuran, Thymine. Ano man ang mangyari, hindi ka lilingon. Naiintindihan mo ba ako? Huwag mong ibabaling ang atensyon mo sa pinanggalingan natin. Isipin mong hindi tayo sinusundan ni Kamatayan para hindi ka kabahan," mariing giit ko sa kaniya.
Ramdam ko na tumatakbo na rin si Kamatayan at sinusundan kami. Nagtataka man ako dahil simula kanina ay hindi pa siya nagsasalita subalit ipinagsawalang-bahala ko na lang ito. Ang mahalaga ay makatakas kami. Hindi niya kami p'wedeng maabutan.
"Bakit hindi ako maaaring lumingon sa likuran? Rhian, mamamatay ba ako kapag humarap kay Kamatayan? Nakakatakot! Pipikit na lang ako. Hindi ko na kaya 'to," bulalas ni Thymine at bahagyang isinara ang talukap ng kaniyang mga mata.
Hindi ko maiwasang kabahan nang husto habang tumatakbo kami at pilit na sinasalba ang buhay sa kamay ni Kamatayan. Ito lang ang kaya naming gawin sa ngayon dahil wala kaming sapat na lakas para labanan siya. Kung tinulungan lang sana kami ni Wince, hindi na sana ito mangyayari pa. Sa ikalawang pagkakataon, binigo na naman niya ako.
"Makinig ka, kailangan lang nating tumakbo. Magiging maayos din ang lahat kaya hindi mo kailangang mag-alala. Ipikit mo lang ang mga mata mo at isipin na nasa alapaap ka. Payapa at walang ibang makakapanakit sa iyo," pagkukumbinsi ko sa kaniya.
Napangiti naman ako dahil kahit papaano ay nabawasan ang panginginig ng kaniyang kamay. Ngunit sadyang mapaglaro talaga sa amin ang tadhana. Hindi pa man kami nagtatagumpay na makatakas pero may panibago na namang problema na dumating. Ano ba naman itong kamalasan na ito"
"Thymine! Tulungan mo ako!" bulalas ng isang babae sa hindi kalayuan.
Bahagyang natigilan si Thymine at tila pamilyar sa kaniyang ang tinig ng babae. Hindi ko alam kung magkakilala ba silang dalawa mukhang nakikilala ito ni Thymine. Mabilis niyang minulat ang kaniyang mga mata at lumingon sa likuran.
"Yoola! Nasaan ka?" nag-aalalang sambit niya.
Huli na ang lahat para mapigilan siya dahil tuluyan nang lumingon si Thymine sa likuran namin. Nangyari na ang lahat kaya wala akong magagawa kung hindi samahan siyang harapin ang kaparusahan. Sinubukan kong ilayo kami sa panganib pero ito ang napiling tahakin ni Thymine.
"Thymine, tumingin ka sa itaas. May nakasabit na babae, mukhang sa kaniya nanggaling ang boses na narinig mo kanina. Sandali, kilala mo ba siya o pamilyar lang siya sa iyo?" nagtataka kong tanong.
Nagulat naman ako nang mabilis siyang lumapit dito at hindi na alintana ang presensya ni Kamatayan sa hindi kalayuan. Hinawakan niya ang katawan ng babae bago ito yakapin nang mahigpit. Sino ba itong babae? Bakit nagawa ni Thymine na isantabi ang takot para lang mailigtas ito?
"Yoola, bakit nandito ka? Hindi ka na dapat nagpunta rito dahil mapapahamak ka lang. Huwag kang mag-alala, ililigtas kita," determinadong sambit niya.
Dahil sa kagustuhang mailigtas ni Thymine ang babae ay hindi niya namalayan na nasa likuran na niya si Kamatayan at handa na siyang tagain ano mang oras. Gamit ang buong lakas na natitira sa katawan ko ay sinigawan ko si Thymine. Kailangan ko siyang mabalaan.
"Thymine! Yumuko ka!" bulalas ko at mabilis na lumapit sa kinaroroonan nila.
Mukhang kahit na kailan, hindi na namin magagawang takasan si Kamatayan. Ang tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan para magkita kami.