Thymine
Unti-unting akong nagmulat ng mga mata ko habang pinapakiramdaman ang buong lugar. Pilit kong inaaninag ang paligid subalit hindi ako pamilyar dito. Hindi ko maiwasang makaramamn ng matinding kaba. Hindi ko pa ito napupuntahan mula nang makarating ako rito.
"Buhay pa ba ako? Hindi, naririnig kong may nagsasalita sa paligid. Kung namatay na ako ay hindi ko na ito maririnig pa," naguguluhang bulong ko sa sarili.
Sinusubukan kong bilangin kung ilan ang mga kasama ko rito pero nahihirapan ako. Masyado akong mahina. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng lakas para lumaban kung sakaling may masama silang balak laban sa akin.
Bahagya akong kinabahan noong maalala ko kung anong huling nangyari sa akin bago ako mawalan ng malay. Hindi ako maaaring magkamali. Sigurado ako sa nakita ko. Si Kamatayan. Siya 'yon. Siya ang nakaharap namin ni Rhian kanina. Siya ang dahilan kung bakit ako nagkaganito.
"Nasaan si Rhian? Sana naman ligtas siya. Alam kong ginawa niya ang lahat para mailigtas ako sa kamay ni Kamatayan. Utang ko sa kaniya ang buhay ko," muling bulong ko.
Nang tuluyan ko itong maalala ay pinilit kong tingnan ang lahat. Kailangan kong maging malakas. Kahit ngayon lang, kailangan kong tumayo sa sariling paa ko. Hindi ako dapat umasa na lang sa tadhana na maging ligtas ako. Kailangan kong gumawa ng paraan para makaligtas.
"Tama na ang pagiging mahina. Walang ibang mangyayari sa akin kapag patuloy akong naging ganito. Hindi ako makakaligtas kung patuloy akong aasa sa tulong mula sa iba. Maghintay ka, Rhian. Ako naman ang tutulong sa iyo ngayon," mahina ngunit determinadong sabi ko.
Muli kong pinakiramdaman ang buong lugar at tama nga ang tingin ko kanina, may mga ibang tao rito bukod sa akin. May napapansin din akong mga mata sa paligid at para bang nagtitipon-tipon ang mga ito. Ano ba talagang nangyayari? Hindi ko na alam. Wala akong anumang ideya. May pagpupulong ba?
"Nasaan ba talaga ako? Anong kuwarto ito? Sinong mga kasama ko? Nasaan si Rhian? Ligtas ba kami rito?" magkakasunod na tanong ko sa sarili.
Hindi pa rin lubusang pumapasok sa sistema ko ang mga nangyayari at naguguluhan pa rin ako kung bakit ako nandito. Kung anong ginagawa ko rito at kung paano ako napunta sa kuwarto. Masyadong malabo ang lahat. Kahit na anong pilit kong alalahanin ang nangyari, hindi ko malaman kung anong dahilan.
Siguradong wala sa kuwarto ngayon si Kamatayan. Malakas ang pakiramdam ko na wala siya rito dahil maraming tao. Kahit na hindi ko pa nakikita ang mga kasama ko ngayon, alam kong tulad ko rin sila na pilit na inililigtas ang sarili mula sa kamay ni Kamatayan.
Pinilit ko ang sarili na makaupo sa kama kahit na medyo nahihirapan ako at may iniindang sakit. Bahagya ko pang hinilot ang sentido ko. Wala talaga akong maalala kung anong eksaktong nangyari sa akin. Nakakainis naman!
"Ano ba namang kamalasan ang mayroon ka, Thymine? Kahit saang lugar, minamalas ka," naiinis kong bulong sa sarili.
Ano bang nangyayari sa akin? Bakit sobrang sakit ng ulo ko? Wala naman akong maalala na tumama ang ulo ko sa matigas na bagay o semento.
"Thymine, mabuti naman at gising ka na. Kamusta naman ang pakiramdam mo, may masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong sa akin ni Wince nang mapansing niyang nakaupo na ako sa kama.
Siya pala ang nagbabantay sa kuwartong ito. Tama pala ang naiisip ko kanina. Kung hindi si Trench ay siguradong si Wince ang makikita ko. Silang dalawa lang ang kilala kong kayang magtago sa mga kasamahan namin at iligtas sila.
"Nag-alala talaga ako nang husto sa iyo. Nabalitaan ko na nakita mo ulit si Kamatayan. Ang buong akala ko ay napahamak ka na. Mabuti na lang at nakaligtas ka. Ipinagpapasalamat ko na walang nabawas sa grupo natin," dagdag pa niyang sabi sa akin.
Hindi ko na ito pinansin at ipinagpatuloy ang paghihilot sa sentido ko. Alam ko naman na sinasabi niya lang ang bagay na 'yon para pagaanin ang loob ko. Hindi ko lang maintindihan ang sakit na nararamdaman ko na para bang may nakabaon na kung ano sa ulo ko.
"Siya nga pala, ngayon ko lang nakita na mag-aalala nang ganoon si Rhian sa isang tao at sa lalaki pa. Nakahanda siyang gawin ang lahat kahit na pumatay para lang mailigtas ka. Sigurado akong importante ka kay Rhian kaya ganoon na lang siya magtanggol sa iyo," bulalas ni Wince at bahagya pang tumabi sa akin.
Hindi ko rin maintindihan hanggang ngayon kung bakit ako kailangang iligtas ni Rhian. Hindi naman kami magkamag-anak para mag-alala siya sa akin. Kailan lang kami nagkita at nagkakilala kaya nagtataka talaga ako kung bakit niya ito ginagawa.
"Nag-aalala rin naman sa inyo si Rhian. Sa inyong dalawa ni Trench. Importante kayo sa kaniya kaya siguradong iliiigtas ka rin niya kapag kinakailangan mo. Hindi ka rin niya pababayaan gaya ng ginagawa niya sa akin," makatuwriang paliwanag ko sa kaniya.
Mas nauna silang magkakilala at mas matagal na nagsama kaya hindi malabong iligtas din sila ni Rhian mula sa kamay ni Kamatayan. Magkakampi kaming lahat dito at dapat na nagtutulungan sa oras ng pangangailangan. Walang iwanan hanggang sa magkakasama na kaming makalabas at bumalik sa dati naming buhay.
"Ano ka ba, ikaw lang ang tinatrato niya nang ganito. Saka kahit na mamatay kaming lahat dito, mas gugustuhin ko na 'yon kaysa naman maraming katulad mo pa ang madamay. Marami pa kayong pangarap sa buhay. Wala dapat kayo sa impyernong lugar na ito," pagpapaliwanag nito sa akin.
Bakit ba palagi nilang sinasabi na may mamamatay? Mas lalo akong kinikilabutan sa tuwing naririnig ko 'yon. Kahit na madalas akong mapahamak, ayoko pa ring mamatay nang hindi nagagawa ang lahat ng gusto ko sa buhay. Hindi ko pa oras kaya lalaban ako para makaligtas.
"Siya nga pala, may tanong ako sa iyo," mahinang sabi ko.
Kaagad naman siyang humarap sa akin at ngumiti. "Sige lang. Hangga't kayo kong sagutin ay gagawin ko. Ano ba 'yon?" tanong niya sa akin.
Hindi ko alam kung dapat ko bang itanong sa kaniya ang bagay na ito. Alam kong medyo sensitibo pero gusto ko talaga malaman ang dahilan. Sigurado akong may paliwanag tungkol sa nangyayari rito.
"Bakit maraming mga nagtatalik dito kahit na alam nilang mapanganib? Hindi ba sila natatakot na baka bigla silang atakihin at patayin ni Kmatayan habang ginagawa ang bagay na 'yon? Nagtataka kasi ako," naguguluhang tanong ko sa kaniya.
Saglit siyang natigilan at bahagya pang nag-iwas ng tingin. Ano ba talagang mayroon sa lugar na ito at pakiramdam ko marami pa akong hindi alam na misteryo? Ilang araw na rin akong nandito sa bahay ni Kamatayan pero nabibigla pa rin ako sa mga rebelasyon at misteryong nagsisilabasan. Nakakakilabot talaga.
"Alam mo Thymine, hindi pa ito ang oras para malaman mo ang bagay na iyan. Marami pang sikreto sa buong lugar na ito. Hindi pa ito ang tamang oras para sa lahat. Hayaan mo, malalaman mo rin kung para saan ang ginagawa nila," pangangatuwiran niya sa akin.
Nakakainis naman. Ano pa bang itinatago nila sa akin dito? Pakiramdam ko tuloy napag-iiwanan na ako ng lahat. Ang dami nilang sikreto. Nahihirapan akong makisabay sa kanila.
"Hindi ba dapat sinasabi mo na sa akin ang mga bagay na 'yan? Baka makatulong ako sa plano nating pagbabagsak kay Kamatayan. Baka ito na ang susi sa lahat ng misteryo. Baka ito na ang paraan para makalaya tayo," masayang sabi ko na tila napagtagpi-tagpi na ang lahat.
Hindi siya makatingin sa akin nang diretso kaya alam kong may itinatago siya. Bakit ba ganito ang turing nila sa akin? Paano ako makakatulong kung palagi nila akong poprotektahan? Hindi na naman ako bata para itago nila sa likod habang nakikipagpatayan sila.
"Basta darating ang araw na 'yon, Thymine. Kumapit ka lang dahil sisiguraduhin namin ni Rhian na isa ka sa mga makakaligtas. Gagawin namin ang lahat para makawala tayo rito. Magtiwala ka lang," naniniguradong sabi niya sa akin.
Nagpakawala na lang ako ng malalim na buntong-hininga. Pasimple kong kinapa ang ulo at halos mamulat ako nang may makapa akong malapot na likido. Hindi. Hindi ito ang naiisip ko. Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko at kinakabahan ako sa nakapa ko. Imposible.
"Thymine, ayos ka lang ba? Bakit namumutla ang mukha mo? Ano ba 'yang kinakapa mo? Masakit ba ang ulo mo? Thymine, sumagot ka naman. Anong nangyayari sa iyo/" nag-aalalang tanong sa akin ni Wince.
Hindi ko alam kung anong isasagot sa kaniya kaya ipinakita ko na lang ang kamay ko. Halos mamutla rin si Wince sa nakikita niya, hindi ito mapakali at halatang kabado. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ako nagkakaganito?
"Mga kasama! May dugo ang kamay ni Thymine nang kapain niya ang ulo niya. Pumarito kayo, suriin natin kung may natamo ba siyang sugat. Kumalma ka lang Thymine, kami ang bahala sa iyo. Sisiguraduhin namin na magiging maayos lang ang lahat," natatarantang sambit ni Wince.
Maging ang mga kasama namin ay hindi na mapakali at halatang kabado na rin dahil sa sitwasyon ko. Ang ilan sa kanila na kanina ay walang pakialam sa akin ay bigla ring kinabahan. Nararamdaman ko na para bang nanlalabo ang paningin ko. Nahihilo ako.
"T-Thymine, ayos ka lang ba? Bilisan niyo, baka mapaano pa siya kapag nagtagal tayo. Ayos lang Thymine, ayos lang ang lahat," naniniguradong sabi niya pero halata sa mukha niya ang labi na kaba.
Ang ingay ng buong paligid. Pakiramdam ko halos lahat sila ay nasa harap at likuran ko. Hindi ako makahinga nang maayos. Hindi ako makapag-isip. Nahihirapan akong iproseso lahat ng mga nangyayari. Masyadong maingay.
Juskong buhay naman 'to! Ano bang nangyari sa ulo ko? Bakit ito nagdurugo? Bakit ngayon pa? Wala naman siguro akong malalang kondisyon? Nakakainis! Baka sa pagdurugo ako mamatay at hindi sa kamay ni Kamatayan.
"Suriin niyo siyang mabuti at hanapin niyo kung saan nanggagaling ang pagdurugo. Kailangang maagapan agad 'to. Tiyak na malalagot tayong lahat kay Rhian kapag may nangyaring masama sa kaniya," naririnig kong nababahalang sambit ni Wince.
Kaagad na nagkumpulan ang mga kasamahan ko at pilit nilang hinahawakan ang ulo ko. Masyadong mainit. Bahagya akong umiiwas subalit may humahatak sa buhok ko kaya wala na akong ibang nagawa. Masyado akong mahina para lumaban sa kanila.
Sana tumigil ang pagdurugo, sana maagapan nila. Ayoko pang mamatay, gusto ko pang makalabas sa lugar na 'to. Hindi ko pa oras para mawala sa mundo. Marami pa akong pangarap na kailangang tuparin at abutin.
"Matagal pa ba 'yan? Nakita niyo na ba ang sugat? Tingin ko hindi naman ganoon kalalim. Sandali, bakit parang ang daming dugo sa ulo niya? Ano nang gagawin natin?" natatarantang sabi ng isa kang kasamahan.
Mas lalo akong kinakabahan sa mga sinasabi nila. Pakiramdam ko malala ang kondisyon ko ngayon kaya natataranta sila. Nakakainis naman. Alagain na naman ako. Kailangan ko na naman ng tulong mula sa iba. Wala na bang bago?
"Huwag kayong masyadong kabahan dahil magiging maayos din ang lahat. Malapit ko nang makapa kung saan nanggagaling ang dugo. Kailangan ko lang mag-ingat para hindi masaktan si Thymine," bulalas ng isa kong kasamahan.
Hindi ko na alam kung kakayanin ko pa ba. Nahihilo na ako. Nahihirapan na akong makahinga nang maayos sa dami ng dugo nanawawala sa akin. Ganito ba ang pakiramdam kapag malapit ka nang mamatay?
"Ito, nakita ko na! Pahingi ako ng bulak at gasa. Kailangan nating pigilan ang pagdurugo. Bilisan niyo," dagdag pa nito.
Sa kalagitnaan ng ginagawa nila ay naramdaman kong biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto at namalayan ko na lang na mabilis akong itinago ng mga kasamahan ko. Para silang nakakita ng multo at nagdikit-dikit pa para maitago ako. Ano na naman ba ang nangyayari? Bakit hindi ko alam? Nakakapagod nang maging bulag sa lahat ng mga nangyayari.
"Oh, ikaw pala 'yan R-Rhian. Kamusta naman ang paglilibot mo, may nahanap ka bang makakain? Hindi pa naman kami gaanong nagugutom kaya hindi mo kailangang magmadali. Ayos ka lang ba, Rhian?" nagtatakang tanong ng isa naming kasamahan subalit bakas sa boses nito ang pagkataranta.
Mabuti naman at narito na si Rhian. May makakatulong na sa akin at maaagapan ang pagdurugo sa ulo ko. Kahit papaano ay gumaan na ang loob ko dahil alam kong hindi pa ako mamamatay ngayong araw. May magliligtas na sa akin.
Akmang magsasalita na ako subalit may biglang tumakip ng bibig ko. Halata sa mukha nito na napipilitan lang siyang gawin subalit kailangan niya, wala siyang pamimilian. Ano bang problema niya? Kailangan ni Rhian na malaman na gising na ako.
"Thymine, huwag ka munang magsalita. Manahimik ka na lang muna riyan at kami na ang kakausap kay Rhian. Mapahinga ka muna. Pakiusap, huwag mo kaming ilalaglag. Ayaw pa naming mamatay ngayon," natatarantang pakiusap nito sa akin.
Ano ba talagang mayroon? May nangyari ba noong natutulog ako? Bakit parang takot na takot sila kay Rhian ngayon? May ginawa ba silang kasalanan kaya halos lahat sila ngayon ay natataranta.
Naguguluhan man ay nanahimik na lang ako. Wala pa akong sapat na lakas para makipagtalo. Hahayaan ko na lang silang mag-usap. Siguro naman ay hindi rin ito magtatagal.
Kasalukuyan pa ring may gumagamot sa ulo ko at hindi ko alam kung hanggang kailan ba 'to. Alam kong nag-aalala sila lahat sa kalagayan ko at gusto lang nilang masigurado na magiging maayos ang lahat.
"Anong ginagawa niyo riyan? May itinatago ba kayo sa akin? May dapat ba akong malaman? Bakit parang ang tahimik niyong lahat?" nagtatakang tanong ni Rhian sa kanila.
Bahagya silang nagdikit-dikit na para bang may masamang ginawa. Hindi ko talaga maintindihan kung anong nangyayari. Tinatakot ba sila ni Rhian?
"W-Wala. Wala kanh dapat na ikabahala. Maayos lang ang lahat. G-Gaya nang dati," kinakabahan na sabi ni Wince.
Muli silang tumahimik at naghintay kung magtatanong pa si Rhian. Naririnig ko pa na ang iba sa kanila ay pinipigilan ang paghinga. Ganoon ba sila katakot na malaman ni Rhian ang itinatago nila?
"Siya nga pala, ikinalulungkot kong sabihin sa inyo, wala na si Liam. Hindi na niya tayo masasamahan pa. Paumanhin dahil wala akong nagawa para iligtas siya," malungkot na sambit ni Rhian.
Kaagad namang natahimik ang iba at malungkot na tinignan ang isa't isa. Hindi ko kilala kung sino ang Liam na tinutuloy nila pero sigurado akong mahalaga ito sa grupo. Nakakalungkot dahil may isa na namang nabawas sa amin. Hanggang kailangan ba ito mangyayari?
"Nakita ko ang katawan niyang nagkalasog-lasog na. Ito ang tumambad sa akin nang subukan kong lumiko sa isang pasilyo. Ikinalulungkot ko, mukhang pinatay siya ni Kamatayan," nanlulumong dagdag pa ni Rhian.
Hindi sila halos makapaniwala sa narinig at nahihirapan silang tanggapin. Ang iba ay napaluha sa sinapit ni Liam na halatang sobrang naapektuhan. Wala na talagang pinipiling biktima si Kamatayan. Kahit sinong makasalubong niya ay pinapatay nang walang kalaban-laban.
"Wala na tayong magagawa, nangyari na. Hindi na natin maibabalik ang nakaraan, tanggapin na lang natin at kalimutan. Ganoon naman ang kalakaran dito, hindi pa?" nanghihinang sambit ni Wince.
Ang ilan sa kanila ay bahagya pang nagyakapan na para bang namatay ang pinakamamahal nila. Nalulungkot talaga ako para sa Liam na 'yon. Siguradong marami silang pinagsamahan ng mga kasamahan ko. Hindi sila magiging ganito kung balewala lang ang namatay.
"Hindi naman talaga tayo ligtas sa bahay na ito. May ibang mga kailangang mamatay para makaligtas. Walang permanente sa lugar na ito sa simula pa lang. Nakakalungkot talaga ang nangyari kay Liam," mahinang sabi ni Rhian.
Sa paraan ng pagsasalita niya ay may nararamdaman akong kakaiba. Parang may itinatago siya sa amin at may hindi siya sinasabi. Ngayon ko lang nakitang ganito si Rhian. Kahit na hindi ko nakikita ang mukha niya, sigurado akong may itinatago siya.
"Siya nga pala, nasaan si Thymine? Kamusta na ang kalagayan niya, bumuti ba? Hindi ko siya nakikita. Nasaan ba siya ngayon?" nagtatakang tanong ni Rhian.
Sa sinabi niyang 'yon ay halos mamutla ang mga kasamahan ko. Hindi nila alam kung ano bang dapat sabihin kay Rhian. Bigla silang nakaramdaman nang matinding kaba. Mukhang ito pa lang kondisyon ko ang ikinatatakot nilang malaman ni Rhian.