Chapter 35: Bad things
Xena
“Baka naman pang-birit ‘yan?” may pag-angal ko kaagad na tanong habang naghihintay kami sa hudyat ng mga kasamahan nito na mag-uumpisa na.
Ayokong maging kahiya-hiya lalo pa at hindi naman talaga ako kumakanta nang matataas, ‘di ko keri, baka pumiyok ako o mawala na lang bigla sa tono. Dyahe ‘pag gano’n.
“Nah. Just wait and I’m sure that you’ll enjoy this song,” sagot nito na siguradong-sigurado.
“You guys ready?” singit na tanong ni Pierce.
Gusto ko sanang sumagot ng hindi pero nandito na ako, nakakahiya namang umatras at ipahiya hindi lang si Hero kundi pati na ang buong banda nito.
Tumango na lang ako.
“Yeah,” nakangising tugon naman ni Hero.
Napailing na lang ako at humigpit ang pagkakahawak ko sa mikropono nang marinig ang intro noong kakantahin namin—Bad Things by Machine Gun Kelly and Camilla Cabello.
F*ck, is he serious? Ito talaga ang kakantahin namin? Talagang wala man lang kaming practice at biglaan?
Kahit kabado ay inihanda ko ang sarili ko at nag-ipon ng hangin para sa unang parte ko sa kanta.
Hindi ko mapigilang mapangiti nang bitawan ko ang dalawang tanong sa umpisa ng kanta at ang mga sumunod pang linya.
Huminto ako at naghintay sa pagpasok naman ni Hero. Nagbi-build ang excitement ko sa paglipas ng sandali.
Alam ko kasi na ayaw na ayaw ni Hero sa rap dahil nakakabulol daw pero mukhang pinag-aralan pa rin nito ang kantang ito.
Gandang-ganda talaga kasi ako sa beat nito, e. Kaya nga talagang kinukulit-kulit ko dati si Hero na sana naman ay subukan namin ito minsan noong kasikatan pa noong kantang 'to pero ayaw nito. Sa tinagal ay ngayon lang ako nito pinagbigyan, kung kailan hindi ko na ito pinipilit at ang nakakaloka ay gusto pala nito na walang practice—on the spot pala kasi ang bet.
Napangiti ako nang malapad habang naghihintay sa boses nito.
Gusto ko na lang na tumunganga at manuod nang tuluyan na itong magsimula.
Oh, f*ck. He’s really good.
Naikurap-kurap ko na lang ang mata ko sa pagkamangha.
Ngunit nakagat ko ang labi ko kalaunan habang natatawa sa lyrics na sunod na binitawan nito, nahuli ko rin ang pagpipigil nito ng ngiti dahil sa mukhang naiisip din nito ang nasa isip ko, napaka-intimate naman kasi noong lyrics. Yes, malapit kaming dalawa sa isa't isa pero hindi kami gano'n.
Unti-unti sa paglipas ng sandali ay naglalaho na ang kaba ko at pagkailang, ang nararamdam ko na kalaunan ay saya.
D*mn this guy, alam na alam kung paano alisin ang negatibo kong isipin at nararamdaman.
Sa halip na manahimik at makinig lang ay itinaas ko ang mikropono at itinapat iyon sa bibig ko upang sabayan ito sa paborito kong parte ng kanta.
Napangiti naman ito at mukhang mas lalo itong ginanahan dahil sa ginawa ko.
Swak na swak sa nararamdaman ko ang lyrics, I want him forever, but I know that one day he needs to be with the one that he truly loves—to whom he truly belongs. And I know that I am not and I will never be that someone.
Sa ayaw at sa gusto ko ay darating ang panahon na magbabago ang set-up namin, na hindi na namin maaari pang gawin ‘yong mga ginagawa namin ngayon at may mga pagkakataon na kakailangan ko nang kayanin nang mag-isa ang mga bagay dahil sigurado na kahit gustuhin man nito akong damayan o puntahan ay may mga pagkakataon na hindi na ito magiging available para sa akin. Pero kahit na mangyari pa 'yon, pipilitin ko itong intindihin, dahil iyon ang tama at dahil may sarili rin itong buhay na kailangang asikasuhin at pagtuunan ng pansin.
Kailangan kong makuntento sa kung ano ang kaya nitong ibigay sa akin, oras man iyon o atensyon. That’s how I badly wanted to keep him forever, and when I say forever, forever talaga—hanggang sa tumanda na kami at kahit na magkaroon o makabuo na ito ng sariling pamilya.
Sa dami ng mga pinagdaanan namin, wala akong balak na tapusin ang pagkakaibigan na mayroon kami. And I'm really glad na sa dami nang lubak-lubak na daan na nilakaran namin ay nandito pa rin kami, nananatili at kumakapit sa isa't isa sa lungkot at saya.
Tandang-tanda ko pa, lunod at naliligaw ang tamang paraan kung paano ko mailalarawan ang nakaraan naming dalawa noong nagtagpo ang landas namin ni Hero. Naging sandalan at ilaw namin ang isa't isa simula noon hanggang ngayon. Nawala man sa akin si Mikey, masaya ako at natagpuan ko naman ang isang Hero.
Huminga ako nang malalim at pinagmasdan ito.
Medyo pawis na ito pero ang guwapo pa rin ng loko at kapansin-pansin na mukhang enjoy na enjoy ito sa pagkanta sa harap ng maraming tao na matagal-tagal din nitong hindi nagawa.
Mukhang na-miss talaga nito ang mag-perform.
Noon pa man kasi ay kitang-kita palagi ang kakaibang kislap sa mata nito kapag tumutuntong ito sa entablado o kahit na sa simpleng kumakanta lang ito at naggigitara, makikita mo talaga kung gaano nito kagusto at kamahal ang musika.
Napaka-passionate nito at iyon ang isa sa mga bagay na gustong-gusto ko sa pagkatao nito. Hindi lang sa pagkanta, nasaksihan ko rin kasi noong nag-uumpisa pa lang ito sa posisyon na hawak nito ngayon sa kompanyang pag-aari ng pamilya nito pati na sa kung paano nito mahalin at alagaan ang pamilya, kaibigan pati na ang mga taong nakapaligid dito.
Inilahad nito ang kamay sa akin at tinanggap ko naman 'yon nang nakangiti, umusod ako sa tabi nito mismo habang magkahawak-kamay kami.
Nagpalakpakan ang mga tao at naghiyawan.
Ngumiti ako rito nang matapos ang kanta at pinisil ang kamay nito.
I'm thankful that God gave him to me, even though we're not really together or a couple. Sapat na sa akin kung ano ang mayroon sa pagitan naming dalawa na madalas na ma-misinterpret at sadyang hindi maunawaan ng iba. Pero ang mahalaga lang naman sa lahat ay kaming dalawa ang nagkakaintindihan.
Napatawa ako nang akbayan ako nito at hilahin na sa gilid nito, nagpasalamat ito sa mga naroon at niyaya na akong bumaba, pagkatapos ay hinayaan na lamang muna nito ang mga kabanda nito na ang mga iyon ang magpatuloy na kumanta at tumugtog.
"Nag-enjoy ka?" tanong nito.
"Well, yes! Kahit na asar, gulat at kinakabahan talaga ako noong una," mabilis kong sagot.
Ngumiti ito pero biglang parang hindi na gano’n kasaya sa kanina ang nakikita kong ekspresyon nito.
Nagtataka man ay hindi na ako nag-usisa pa at kumibo.
Baka kasi napagod lang ito sa ginawa naming pagkanta.
Pinisil ko na lang ang braso nito at nginitian ito.
Habang naglalakad kami ay bigla kong naalala si Mikey.
Nandito pa kaya ang mga ito?
Dahil do’n ay pasimple kong sinulyapan ang puwesto ng mga ito pero nabigo akong makita ang pigura nito, pati na ng girlfriend nito.
Umuwi na ba ito? O mga dapat ang tamang tanong ko? And I wonder, saan naman kaya?
Napabaling ako kay Hero nang tumikhim ito. "Umuwi na yata sina Mikey," pagsasatinig ni Hero sa mismong iniisip ko.
Hilaw akong ngumiti. “Siguro nga. Halika, may ipapakilala ako sa iyo,” yaya ko na lamang dito.
Nauna na itong naglakad habang hila ako sa kamay nang maituro ko ang puwesto ni Miranda na halatang kilig na kilig.
Hinintay pa namin na matapos ang mga kabanda ni Hero kaya umabot pa kami hanggang madaling araw pagkatapos ay nagsiuwi na rin nang sabay-sabay.
Pagkatapos na maihatid si Miranda ay inihatid naman ako ni Hero sa tinutuluyan ko. Nagtaka lang ako dahil katulad na noong nakasanayan nito ay hindi na ito pumasok at nag-request ng kape bago bumiyaheng muli, bagkus ay nagpaalam na rin ito kaagad.
Ipinagkibit-balikat ko na lang iyon at pumasok na sa unit ko.
Ngunit nagulat ako nang makitang may nakaupo sa sofa at nakabukas ang TV.
Natigilan ako saglit pero napalitan din kaagad ng ngiti ang pagkasorpresa ko nang matanto kung sino ba ang inabutan ko sa loob ng unit. Nang makabawi ako ay tinakbo ko ang pwesto ng taong matagal ko na ring gustong makita at makasama syempre.
Sh*t. Kaya pala ang saya-saya ni Hero kanina at kaya pala kumanta na ang loko. Tinupad nito ang sinabi na kakanta lang itong muli sa harap ng maraming tao kapag nagbalik na ang hinihintay nito. At heto nga, narito na at nagbalik na nga ang taong iyon!
Oh, my G! Kung masaya si Hero, syempre ay hindi papatalo ang nararamdaman ko! Dahil masayang-masaya rin ako!
Inihagis ko sa kung saan ang bag na bitbit ko bago dinamba ang taong nakaupo at niyakap ito nang mahigpit.
"Aw!" daing nito na natatawa.
"God! Na-miss kita nang sobra, Crizelle Andra Manuel!" naluluhang malakas na pahayag ko, muntik nang maging kasing tunog ng umaatungal na baka ang tinig.
Niyakap din naman ako nito habang yumuyugyog ang katawan sa pagtawa. “Walang buuan ng pangalan, ‘di bagay sa akin. Masyadong girly, e. 'Langya”
Suminghot-singhot ako sa halip na patulan ang sinabi nito.
Umayos ito ng upo kapagkwan. "Grabe sa pagka-miss sa akin, ah. Halatang-halata nga."
Lumabi ako at tumulo na ng tuluyan ang luha ko, niyakap ko itong lalo. "Bakit ngayon ka lang bumalik? Napakadaya mo, nang-iiwan ka," sumbat ko.
Lalo itong natawa. “Nagsalita ang hindi marunong mang-iwan. Hiyang-hiya ako sa iyo, ah. Sa iyo ko lang kaya ito natutunan. Saka hindi mo ba alam ‘yong salitang, payback time?” tanong nito na inibang bigla ang tono sa dulo.
Sumimangot ako. “Grabe siya, ano ‘to sumbatan? Gantihan? Hindi mo pa ba ako napapatawad sa nagawa ko sa inyo dati?”
Napakamot ito sa ulo. “'Langya. Joke lang. ‘To naman, masyadong serious sa life. Dialogue lang 'yon ni Pharsa sa ML. Ikaw kasi, e. Kakarating ko lang, pero iiyakan mo na ako kaagad. 'Yong totoo, hmm?"
"E, ang tagal mo naman kasing nawala... tapos hindi ka rin nagpaparamdam. Napakadalang," sa halip ay reklamo ko.
"Sus."
Kumalas na ako rito at natagpuan ko itong nakangiti.
"'Yan lang ang sasabihin mo? Hindi ka man lang ba magpapaliwanag?"
Naaaliw ako nitong pinagmasdan. “Naks naman, demanding na ngayon ang Xena namin, ah?”
Napasimangit ako pero lalo akong napasimangot noong pisilin nito ang pisngi ko.
“Huwag ka nang magtampo, hmm? Alam mo naman na naging busy ako, nasabi ko naman na sa iyo ‘yon bago ako umalis dahil sa estado at kondisyon ng pamilya namin, ‘di ba?” paliwanag nito kapagkwan at napalis bigla ang ngiti sa mukha.
Na-guilty naman akong bigla.
Nakakaunawa tuloy akong tumango. “Sorry, na-miss lang talaga kita.”
Tinitigan ako nito. “Naks talaga, ang laki ng ipinagbago mo, ah? Kaya mo na ngayong i-express at sabihin ang nararamdaman mo,” puna nito.
Napansin pa talaga nito iyon? Hays.
Lumabi ako. “Hay nako. ’Yan lang ba ang sasabihin mo?” maktol ko dahil hindi ko pa rin naririnig sa mismong bibig nito na na-miss din ako nito.
Nangunot ang noo nito. "Ano ba dapat ang sabihin ko?" usisa nito na nakapagpanganga naman sa akin.
Hala siya. Ang sama. Hindi man lang ba ako nito na-miss?