Chapter 4
Pumasok ako sa Dennys. At katulad ng dati, nandoon na agad si Nicolo, ang honey ko. Gentleman talaga. Kailanman ay hindi siya nahuli sa tagpuan namin. Kumaway agad ako sa kanya nang magtama ang aming paningin.
Ngumiti si Nicolo. Iyong matamis na ngiti na palagi niyang iginagawad sa akin kapag nakikita niya ako. Hindi na siya tumayo at kumaway lang sa akin hindi gaya ng nakagawian na niyang gawin noon. Kapag kasi nagkikita kami ay tumatayo pa siya at halos salubungin ako. Siguro ay pagod lang siya ngayon kaya hindi na siya nag-abala na tumayo.
"Nicolo!" bati ko sa kanya.
"Kara..."
Nicolo looked at me na parang ngayon lang niya ako muling nakita. Titig na titig siya sa mukha ko. Hindi ko iyon mabasa. Siguro ay na-miss lang niya ako. Sabagay, kung ako ang tatanungin, totoong ang hirap ng relasyon naming dalawa dahil sa mga inuuna naming prayoridad. Iniisip ko na lamang na para sa aming dalawa naman ang lahat ng sakripisyong ito.
"Mabuti naman at nag-aya kang lumabas. Tagal na nating 'di nagkita, ah," pakonsensiyang sabi ko sa kanya. Two weeks na rin kasi iyong last date namin.
Umupo ako sa katapat ni Nicolo. May mga pagkain na sa mesa. Inihanda na agad niya, pati panghimagas at mga inumin namin.
"I know," Nicolo admitted. He let out a deep sigh. Ewan ko, pero, parang malungkot siya.
“K-Kain na tayo?" tanong niya at nahalata ko ang sapilitan niyang pagngiti. Siguro, kulang talaga siya sa pahinga. Ngunit kahit anong pagod niya, naglaan pa rin siya ng oras para sa akin. Upang magkita pa rin kaming dalawa.
Nginitian ko si Nicolo ng pagkatamis-tamis. "Miss na kita, Nic. Pagkatapos nating kumain, uwi rin tayo agad, ha. Ayaw kong magpagabi," malambing na sabi ko. Iyon na lang ang dahilan ko dahil ayaw ko talaga siyang mas pagurin pa. Kaya nga hindi na ako kumuha ng kursong Law dahil ayaw ko nang maburyong ulit sa pag-aaral, noh! Pero sabi nga ni Nic, para sa aming dalawa ito. Sa totoo lang, I wanted to spend this whole night with him. Because, I really miss him so much.
Kinumusta ni Nicolo ang trabaho ko. Napansin kong mas madaldal ako ngayon kaysa sa kanya. Dati-rati ay tinatapatan niya ang pagkakengkoy ko. Mabagal lamang siyang sumusubo ng pagkain habang nakikinig sa mga kuwento ko.
"K-Kara, there's something I need to tell you..." Nasa kalagitnaan kami ng pagkain ng panghimagas nang biglang naging seryoso si Nicolo. Tig-isang slice kami ng strawberry cheesecake na nangalahati agad iyong sa akin, pero iyong cake niya ay wala pa ring bawas.
Nilunok ko muna ang nasa bibig ko at saka ako uminom ng juice. "Yes, Nic…" sabi ko nang ibaba ko ang hawak na baso.
Nabigla ako nang hawakan ni Nicolo ang kamay ko. Mahigpit iyon. Nanlalamig ang kanyang kamay. "K-Kara, magpakasal na tayo," seryosong sabi niya.
Kumurap-kurap ang mga mata ko at gulat na napangiti sa kanya. "Uh, eh, oo naman. Oo siyempre, magpapakasal tayo..." Saan pa ba pupunta ang dalawang taon na relasyon namin kundi sa simbahan din?
"Next week. I want you to marry me next week, Kara. Kahit civil lang..." Humigpit lalo ang hawak niya sa kamay ko.
Napalunok ako at matama siyang tinitigan. Seryoso ba siya?
"T-Teka, teka..." putol ko ang sinasabi ni Nicolo. Bakit biglang nagmamadali siya? At saka, anong klaseng marriage proposal ba ito? Parang shotgun wedding naman. Nagmamadali na para bang tatakasan ko siya. Next week? Hindi naman siya pini-pressure ng mga magulang ko! Lalong hindi ko naman siya minamadali dahil marami pa kaming plano na hindi pa natutupad. At isa pa, ayaw ko pang mag-asawa next week.
"Nic, may problema ba? Why are you like this?" seryoso ko ring tanong sa kanya. Ang Nicolo na kilala ko ay palaging may plano. Hindi ura-uradang nagdedesisyon lalo na at panghabang buhay ang pinag-uusapan namin dito.
"If you're not going to say, yes to me now..." Nakita kong nagbago ang reaksiyon sa mukha niya. Parang... Parang naging matapang ang kanyang anyo. Nakakapanibago. May diin pati na ang kanyang bawat salita. "Then you are not going to see me again!"
Tila may bombang sumabog sa harapan ko at nabingi ako sa sinabi niya. "N-Nic... B-Bakit... A-Anong…?"
Shit! What are the right words to say?
"I need your answer, Kara. Yes or no!" he said with a stern voice.
Titig na titig si Nicolo sa mga mata ko. Ang mga kamao niya ay parehong nakasara. Bakit ba siya nagkakaganito ngayon? What's with him?
"K-Kung may problema, puwede mong sabihin sa akin. Nandito lang ako, Nic at handa akong makinig sa mga sasabi–"
"YES OR NO!" Bumagsak ang kamao niya sa ibabaw ng mesa. Napakislot ako sa sigaw niya kasabay ng pagtingin sa amin ng iba pang mga customer na kumakain. "Iyon lang ang kailangan mong sagutin, Kara! Pakakasalan mo ba ako o hindi?" may pagbabantang tanong niya.
Mabilis ang tahip sa dibdib ko. Parang nanunuyo rin ang lalamunan ko. Huminga ako nang malalim at saka sinalubong ang mga titig ni Nicolo. I'm aware that he's trying to get me to marry him while keeping something from me.
"A-Ayaw ko pang magpakasal, Nic,” walang ngiting sabi ko. “Darating din tayo sa araw na iyon. Maybe one or two years from now. Kapag pareho na tayong handa..."
Natigilan ako nang ihagis ni Nicolo ang table napkin sa ibabaw ng mesa at padabog na tumayo.
"It's settled then. We're done!" mariing sabi niya.
Tila ako nawalan ng dugo sa buo kong katawan. “N-Nic…”
Hindi niya ako sinagot. At para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko siyang binuksan ang pintuan papalabas ng restaurant. Nagbubulungan ang mga tao sa paligid ko. Hindi ako agad nakakilos.
Anong...
Ano ang nangyari?
Nang mahimasmasan ay nagmamadali akong tumayo at nagdesisyon na sundan si Nicolo. Hindi kami maaaring maghiwalay nang ganito. Kailangan naming mag-usap kung bakit siya nagkakaganito.
Nanginginig akong tinunton ang daan na sa tingin ko ay pupuntahan niya. Iginawi ko ang tingin sa kanan, kaliwa upang hanapin siya. Pero shit! Hindi ko siya makita. Nasaan si Nicolo?
‘Not like this, Nic. Huwag mo akong ganituhin. Kausapin mo ako. Hindi ako papayag na mawala ka ng ganoon lang.’ sabi ko sa isip ko.
Pero kahit ano ang dasal ko, mukhang umalis na talaga siya. Wala ang kotse niya sa parking lot. Wala anomang bakas niya.
Nagulat na lang ako nang may pumatak na luha sa mga mata ko. Hindi ako emosyonal na tao. Bihira akong umiyak o mapaiyak ng kahit na anong sitwasyon. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko matiis ang nararamdaman ko.
Masakit.