Chapter 10: KABANATA 9
‘Please watch our game later. I’ll wait for you.’
Iyon ang insaktong mensahe ni Bellisimo sa akin. Napabuntonghininga ako at mabilis na tinago ang aking cellphone pagkatapos makababa ng kotse at makapagpaalam kay Kuya. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa niya akong manuod ng game niya mamaya ng basketball. Malapit na kasi ang intramurals namin at kada-hapon ay nagsisimula na ang mga practice or practice games ng mga palaro. Kasali na roon ang basketball kung saan ay captain ball si Bellisimo sa Engineering department.
Kung kailangan man niya ng cheerer, nariyan naman ang mga babae niya.
“Problema mo?” ani Bonita sa tabi ko habang patungo na kami sa lockers.
Umiling ako. “Wala.”
“Asus, wala raw,” nagdududa niyang pagpaparinig.
Tumingin ako kay Bonita at nagdalawang-isip kung magsasabi ba sa kaniya. Sa totoo lang, ayaw ko nang sarilihin. Gusto ko na ring magsabi sa kaniya dahil pakiramdam ko ang sama kong kaibigan para maglihim. Tsaka baka matulungan niya akong i-handle si Bellisimo. Iyon lang, malakas mang-asar itong si Bonita at minsan pa’y nadudulas sa kadaldalan kaya delikado.
“Mamayang uwian, daan tayong gym,” patay-malisya kong sabi.
Mabilis na napalingon sa akin si Bonita at tinuro pa ako sa mukha. Nanlalaki ang mga mata niya at naka ‘o’ ang bibig. Kaagad kong pinababa ang kamay niyang nakaduro sa akin. Kita niyo na. Malisyosa talaga.
“Oh, anong mayroon? Himala at nag-aaya kang manuod sa gym mamaya. Si Jamila pa ba ‘tong kaharap ko?”
Umirap ako sa kaniya. OA masyado.
“Hindi ba pwedeng curious lang din ako?”
Nanliit ang mga mata niya at pinagkrus ang mga braso.
“Sige, curious ka lang. Pero sakto talaga sa practice game nila Bellisimo, ah?” aniya sabay ngisi.
Tumikhim ako.
“Huwag ka ngang malisyosa? Tsaka malay ko bang sila ang may practice game mamaya? Ikaw nga alam na alam, eh.”
Tumango-tango siya pero nakangisi pa rin.
“Sige-sige. Alam mo namang paborito kong panuorin sa lahat ay basketball kaya hindi ko uurungan iyang aya mo,” aniya. “Pero curious ka lang talaga, ah?”
“Oo nga! Kulit masyado.”
Nang pumayag si Bonita ay saka lang ako nag-reply kay Bellisimo ng okay. Nag-reply pa tapos siya ng ‘Yes!’ at may emoji pang puso sa dulo. Wala sa sarili na napangiti ako nang mabasa iyon.
Alam ko sa sarili ko na mula noon, ang mga kagaya ni Bellisimo ay walang puwang sa puso ko. Kahit anong pagpaparamdam at pagpapapansin niya sa akin ay kailanman hindi tumalab at hindi ko pinapansin. He’s every girls’ man. A womanizer to the core, sabi pa nila. Ngunit sa ngayon, hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay kahit isang pursiyento, nakapasok na si Bellisimo sa buhay ko.
Looks like he’s succeeding on his goal, huh? But I wouldn’t let that easy for him. Kung gusto niya talagang makapasok ng tuluyan sa buhay ko, kulang pa ang isang pursiyento na iyon. Malayo pa ang lalakbayin niya at marami pa siyang kakainin na bigas.
“Shuta, andaming tao! Puro babae! Kay Bellisimo yata lahat!” natatawang sigaw ni Bonita sabay sapok sa likod ko.
Napairap ako, hindi lang dahil sa kaniya at sa sinabi niya kung hindi pati na rin sa katotohanan ng sinabi niyang iyon. Sabi ko na nga ba, hindi naman yata kailangan ang presensiya ko rito. Mukhang nagsisimula na rin ang laro. Hinila ako ni Bonita at doon kami naupo sa may paanan ng bench sa gitna talaga. Sa taas namin ang nagsisigawang mga tagahanga ni Bellisimo. Hinanap ko siya at inaasahan na kumakaway siya at malawak ang ngiti sa mga babae niya, ngunit hindi iyon ang nadatnan ko.
Nasa gitna siya noon ng court, bantay ng kalaban habang nasa ka-team niya ang bola. Tagaktak ang pawis at kunot na kunot ang noo. Tila ba inis siya sa kung ano. Napakunot din ang noo ko. Anong problema niyan?
“Looks like Bal is not in the mood, ano?” maarteng ani ng isang babae sa likod namin.
“Yeah. Ganiyan pa siya kanina. What’s the problem kaya?”
“But he’s still gwapo, anyway.”
Ano ba namang manalita ang mga babaeng ‘to. Ang aarte at namimilipit ang mga dila.
“Aba, wala nga yata sa mood si Captain, ah?” si Bonita. “Subukan mo ngang i-cheer, Jam. Sigaw mo ang go number 1, dali!”
Tudyo ni Bonita sa akin sabay siko pa sa gilid ko. Itong babaeng ‘to, daming alam.
“Ayoko nga. Bakit ko naman gagawin iyon?”
Pinilit niya pa ako nang pinilit kaya kinurot ko nga. Ang gaga, hindi naman ganoon kasakit iyong kurot ko, sinigaw nang malakas ang pangalan ko. Tuloy, napatingin sa amin ang iba maging ang mga players. Kaagad kong tinakpan ang bibig ni Bon at nang napatingin sa harap, natagpuan ko ang mga mata ni Bellisimo na nakatingin din sa akin.
Bagahyang lumaki ang singkit niyang mga mata at ang kunot niyang noo ay kaagad na umaliwalas. Tila may kumiliti sa kalooban ko nang masaksihan iyon.
“Oh! Kita mo ‘yun?” si Bonita ulit sabay yugyog sa akin.
“Heh! Tumigil ka na, ah?”
Hindi ko na pinansin si Bonita, ngunit lihim na may kumawalang ngiti sa mga labi ko. Lalo nang magmula nang magtagpo ang mga mata nami’y halos wala nang mintis ang laro ni Bellisimo.
They won. Yes, they won. And I don’t want to admit the idea that they did because he saw me.
No. Ayaw kong paniwalain ang sarili ko. That idea’s so ridiculous.
“Uy, hindi mo manlang ba i-co-congratulate si Captain?” tudyo ulit ni Bonita nang matapos na ang laro.
“Para saan pa? Practice game lang naman ‘to,” buryo kong sagot pabalik.
Dahil siksikan, halos pumila kami sa may exit ng gym para makalabas lang. Iyon lang, saktong paglabas nami’y nagtilian ang mga babae. Iyon pala, naroon si Bellisimo sa may exit. Nakatayo at palinga-linga, hindi pinapansin ang mga babaeng pilit lumalapit para punasan ang pawis niya o abutan siya ng tubig. Naka-jersey pa siya. May panyong puti sa leeg niya. Hawak niya ang bola sa isang kamay habang ang isa ay nakapamewang sa gilid niya. Naramdaman ko kaagad ang pagsiko ni Bonita sa akin.
“Mukhang may hinahanap si Captain,” bulong niya.
Hindi ko na iyon pinansin at nagdire-diretso lang palabas, kaso isang boses ang tumawag sa aking pangalan.
“Mila!”
Isang tao lang naman ang tumatawag noon sa akin. Ang nakaiinis pa, halos mapatingin ang lahat sa gawi ko.
Paano ba magpalamon sa lupa ngayon?