Chapter 9: A Farewell
TULUYANG bumaba ang tensyon na namamagitan sa aming lahat. Ang nag-aalab na hangin sa loob ng aming tahanan kanina lamang ay tuluyang natupok. Ang nag-aapoy na paligid kanina ay tuluyan nang naapula. Mahinahon nang nakatayo sa harapan ko ang aking pamilya. Tila nag-iisip na ring wala na silang magagawa dahil buo na ang desisyon ko.
"Sigurado ka ba talaga, anak?" Muling tanong ni Papa.
Tumango-tango ako, "Hindi na po ako papayag na muli kayong sumabak doon. Gusto ko rin pong mapabilang sa sandatahang lakas upang maprotektahan ang Kaharian. Papatunayan ko pong hindi mahihina ang mga babae tulad ng inaakala ng karamihan."
"Delikado roon. Lahat sila'y may taglay na abilidad, lubhang mabibilis, maiilap. Hindi sa minamaliit kita ate, pero hindi pa tayo nagpapalit ng anyo." Biglang singit ng kapatid ko na sunod sa akin. "We're not even sure if we could really morph. Baka domestic cat ka lang ate."
"Darating din 'yon. Ang mahalaga ay nasisiguro kong ligtas kayo." Saad ko at ngumiti sa kapatid, "At ano naman kung normal na pusa lang ako, mabilis 'yon, mahahaba ang buhay, hindi basta-bastang namamatay. Mahirap mahuli at mahulog man buhay parin pagkabagsak."
"Pero paano kung hindi ka tanggapin?" Tanong pang muli ni Lenin, ang sunod sa akin.
"Ang kailangan nila ay mga mandirigma. Oras na para ibagsak ang diskriminasyon. Tayo'y mandirigma rin, Lenin."
"Wala kang pinagkaiba sa iyong Ina, hindi napipigilan." Sa wakas ay natatawang wika ni Papa.
"Katulad mo rin siya, Louie. Agresibo, hindi marunong sumuko." Saad ni Mama habang nakahawak sa sentido, "Grabe, ang sasakit niyo sa ulo."
Napangisi ako, "Nagpapatunay lamang na anak niyo ako."
Sandali kaming nanahimik. Pinakiramdaman namin ang Heimdall. At hindi nga ako nagkamali nang isipin kong hindi lang ang pamilya namin ang nagkagulo, dahil malalakas na iyakan at sigawan ang tanging maririnig sa Heimdall kasabay ng ugong ng mga naglalakihang sasakyan ng palasyo at ang anunsyo sa trumpeta.
"Representatives of each families, report now."
"Today is the said incursion. The first born of the families will join the death and life wicked quest. This is a must. If a family do not lend a life, you will be forever slaves of Kingdom Fatum."
"Again, representatives of each houses. Report now."
Napalingon ako sa pamilya kong maluha-luha na naman. Maging ako tuloy ay hindi maiwasang mapaluha.
Ang sikat ng araw ay tuluyang pumasok sa loob ng aming munting tahanan. Naramdaman ko ang pagtama nito sa aking balat, sumikat na ang panibagong umaga. At ni minsan ay hindi ko naisip na mangyayari ito sa akin. Hindi ko inisip na ganito pala kahirap, ngunit para sa pamilya ko'y gagawin ko.
"Huwag niyo po akong alalahanin. Babalik ako ng buhay, at may medalya." Nakangiti kong saad.
"Ipapanalangin ka namin lagi. Mag-iingat ka," wika ng aking Ina at niyakap ako, "Nakikiusap ako, bumalik ka rito ng buhay. Hangga't may pandinig ka, pakiramdam, pang-amoy, paningin, hangga't may hininga ka, huwag na huwag kang susuko. Lagi mo iyang tatandaan."
Ngumiti ako at ginantihan ng yakap si Mama. Salamat naman at nauwi rin kami sa isang maayos na pag-uusap. Akala ko'y hindi na matatapos ang bangayan naming lahat. Nang bumitaw ako'y nahinto ako sa tapat ni Papa na seryosong nakatingin sa akin.
"'Pa,"
"Ang espada?" Sa halip ay saad niya at napalingon sa sarong na nilalagyan ng aking espada, "Buhay at kamatayan roon, anak. Pwede ang anumang sandata na maaaring ikamatay ng bawat isa. Kaya ayaw kitang payagan dahil nagiging madumi ang laro doon."
"Laro?"
"Ang sikreto lamang anak ay obserbasyon at pakikinig. Pagkatapos ay gamitan ng isip bago kumilos, naiintindihan mo ba?"
Tumango-tango ako at hinawakan ang espada ko, "Buhay o kamatayan. Palagi mong isipin kung paano ka mabubuhay, hindi ko kung kailan ka mamamatay. Pakiramdaman ang paligid, tingnan ang bawat anggulo. Hindi ka pwedeng padalos-dalos, at sumunod ka sa plano."
Ang totoo'y hindi ko nauunawaan si Papa, ngunit nasisiguro kong malaking parte sa paglalakbay ko roon ang mga sinasabi niya.
"Sinasabi ko ito sa'yo hindi para takutin ka. Kundi dahil malaki ang tiwala kong makakarating ka doon. Makakasama ka doon. At mag-uuwi ka ng medalya. Ngunit hindi na nga mahalaga ang medalya anak, ang pinakaimportante sa lahat ay makauwi ka ng buhay."
Makakarating ako doon? Makakasama ako doon? Saan? Ano nga ba ang mga sinasabi ni Papa? Nakakatunaw nga sa pusong marinig na malaki ang tiwala sa akin ni Papa, sa ngayon ay sapat na iyon upang mas lalong tumibay ang aking loob.
"Kailangan mo munang pumasa sa mga pagsusulit. Bawat sabihin nila'y isipin mong mabuti bago ka kumilos. Isiping mabuti anak, isiping mabuti."
"Opo, 'Pa." Sagot ko at tumango-tango.
Tinapik-tapik ni Papa ang balikat ko at binigyan ako ng mabilis na yakap. Niyakap na rin ako ng mga kapatid ko bago ako tuluyang humakbang patungo sa pintuan.
Bago ako lumabas ay binigyan ko muna silang muli ng mahihigpit na yakap. Pagkatapos ay lumabas na ako nang hindi sila nililingon. Natatakot akong baka hindi na ako makaalis kapag nilingon ko pa sila.
Hindi pa ako tuluyang nakakalayo ay naiiyak akong napalingon sa kanila, hindi ko na talaga napigilan ang sarili ko. Nasa bintana na ang mga kapatid ko habang kumakaway sa akin, si Papa naman ay nasa pintuan lamang habang pinapanood ako. Tuluyang akong napahinto nang makita si Mama na tumatakbo papunta sa akin dala ang isang mahabang itim na kapa na may talukbong at dalawang maliit na bote.
"'Ma," Naluluha kong saad nang ikabit niya ang kapa sa aking likuran. Mahaba iyon, malaki at natatakpan ang buo kong katawan. May hood na pan talukbong rin iyon, at talagang tagong-tago ako kung tutuusin.
Isinabit niya ang dalawang bote na naglalaman ng gamot sa short pants kong suot. Hindi na ako magkakaroon pa ng pagkakataon upang magpalit ng dami o mag-ayos, baka hilahin na ako ng mga opisyal kapag nagtagal pa ako.
"Nagpapasiguro lang ako, Anak. Kapag nagkasugat ka o ang mga kasamahan mo, gamitin mo lang iyang asul na bote. Kapag masyadong malala, iyang berde naman. Mag-iingat ka, kung maaari ay huwag mong gamitin ang berde nang may kasama."
"Bakit po?"
"Aprodisyak." Maikling saad ni Mama, tumango na lamang ako. Akala niya siguro ay naintindihan ko iyon ngunit ang totoo'y hindi ko iyon nakuha, "Gusto kong humingi ng pasensya sa nagawa ko sa'yo, natatakot lang ako para sa'yo. Ngunit panghahawakan ko ang mga sinabi mo." Aniya at hinaplos ang aking pisngi, "Nagtitiwala ako sa'yo, Kornalina."
Ngumiti ako, "Maraming salamat, Mama. Mahal na mahal ko po kayo."
"I know, I know..." Bulong niya. Animo'y nagpipigil ng pagbugso ng damdamin, "Always remember, you are not an ordinary hybrid. Always remember that."
Nagtataka man ay tumango na lamang ako. Binitawan ako ni Mama at siya na mismo ang nagtulak sa akin palayo sa aming munting tahanan. Hindi na ako lumingon pang muli, ipinapasok ko na lamang sa aking utak ang mga tinig nila.
"I'm proud you've grown up to be a fearless woman, Kornalina." Ani Mama, "We have raised a wonderful child."
"Good bye, Kornalina!"
"Bring me cookies and bread when you come back!"
Doon ako mas lalong naiyak. Sa sinabi ng bunso kong kapatid. Masyado pa itong bata, at siguro'y wala itong kamuwang-muwang na papasok ako sa isang sitwasyon na walang kasiguraduhan kung iluluwa pa ba akong buhay o nag-aagaw buhay.
"Mag-iingat ka! Bumalik ka ng buhay! Pangako mo 'yan, maghihintay kami!"
Hindi ko na naman napigilan ang sariling maluha; "Pangako, babalik ako ng buhay... at may nakasabit na medalya sa aking leeg na isinabit ng pinakamataas na nilalang sa Fatum."