Chapter 8
Napaikot si Darielle ng mga mata.
‘As if namang type ka niya, D, ano? Assumera ka naman!’
Gayunpaman, naalala naman niya ang sinabi nitong bakit hindi raw nila subukan minsan at iingatan siya nito. Tuloy ay kumukulo na naman ang dugo niya sa mga salita nitong napakabastos.
‘Ano’ng akala niya sa ‘kin? Easy to get katulad ng mga babae niya? Tch! Ang kapal naman ng mukha niya!’
Pinilit niyang iwaksi mula sa isip ang binata. Sinaway ang sarili niyang dapat magpahinga na siya at huwag nang isipin ang nangyari sa klinika at sa cafeteria.
Napabalikwas siya nang magising kinabukasan dahil sa kanyang alarm. Wala na sa tabi niya ang kanyang ina. Agad siyang bumaba ng kama para hanapin ito. Napabuntong-hininga siyang ayos lang pala ito at ito pa ang nagluluto ng kanilang agahan. Naamoy niya ang bacon, chorizo, at hotdog saka fried rice. Miss na rin niya ang luto ng ina, ayaw man niyang aminin.
Pumasok na lang siya sa banyo para makapag-shower na’t makapagbihis. Naalala niyang magko-commute nga pala siya mamaya pero buti na lang at mukhang hindi na umuulan.
“Boyfriend mo ba ‘yong naghatid sa ‘tin kagabi, ‘nak?” bungad na tanong ng ina niya habang kumakain sila. Magkatapat silang nakaupo sa parisukat na mesang gawa sa salamin at metal naman ang mga paa nito.
Bigla siyang nabilaukan sa kinakaing chorizo. Napaubo tuloy siya at agad dinampot ang tubig para inumin. Nakamasid lang sa kanya ang inang patuloy sa pagkain.
“Hindi, ah! Hindi ko ‘yon type, ‘Nay, ah?” aniya pagkainom ng tubig at wala nang laman ang bibig. Nanlaki ang mga mata niyang nakatingin sa ina.
Kumunot ang noo nito. “So, ba’t ka nga hinatid? Talaga bang sira ang kotse mo?”
“Battery’s dead, ‘Nay. Ang kasama ko sa kumpanya ang magre-recharge no’n kaya ayos na siguro ‘yon mamaya at magagamit ko na ulit. Nagpresinta lang ‘yong site director namin na ihatid ako kagabi dahil on the way naman daw sa bahay niya ang apartment ko.” Itinuon na niya sa pagkain ang paningin.
“Ba’t hindi mo ‘yon type, ‘nak? Mukha namang mabait,” obserba ng inang seryoso ang mukha.
Napaubo ang dalaga dahil sa narinig.
‘Ano? Ang manyak kaya no’n, ‘Nay!’
Hindi na lang niya isinaboses ito. Ayaw niyang humaba pa ang kanilang usapan at ayaw rin naman niyang ipagkalat ang kabulastugang ginagawa ng lokong iyon. Hindi siya ganoong tipo ng tao. Hahayaan na lang niya ang ina na mag-isip sa kung ano ang nais nito.
“’Nay? Bakit hindi natin pag-usapan ang tungkol sa inyo ni Tiyo Cesar? Babalik ka ba sa kanya kapag magso-sorry siya sa ‘yo?” paglilihis niya ng usapan.
Hindi nakaimik ang ina. Nagpatuloy ito sa pagkain.
‘Anak mo nga ‘ko, ‘Nay,’ sa loob-loob niya. Pareho lang sila ng ugali kung ayaw magsalita ay tatahimik lang talaga.
Bumuntong-hininga siya. “’Nay, kahit ngayon lang kayo pinalayas niya, hindi ba’t hindi naman kayo masaya sa piling niya? Bakit nagtitiis kayo sa kanya?”
“Nagmamahalan kami, Darielle,” simpleng tugon nito.
Napatingin siya sa kisame. Umiling dahil sa frustration. Bumuga siya ng hangin pagkatapos.
“So, kung pupunta ‘yon dito mamaya at magmakaawang bumalik ka ay sasama na naman kayo sa kanya?” Parang daig pa ng nanay niya ang teenager, eh.
Napatitig ito sa kanya at ngumiti. “Baka hindi iyon agad pupunta rito. Iisipin no’n na babalik din ako sa bahay niya. Kung magte-text siya sa ‘kin at depende sa text niya, iisipin ko pa kung ano ang gagawin ko. Kung hindi, maghihintay pa rin ako kung tatawag siya.”
Pinalaki niya ang mga mata at umiling. “May gano’n? Tch! Wala talaga kayong kadala-dala, ‘Nay! Ewan ko na lang sa inyo.”
Ngumiti lang ito sa kanya nang malungkot.
“Fine! Buhay n’yo ‘yan kaya hindi ako manghihimasok. Ang sa ‘kin lang kasi ay ayaw ko kayong nakikitang nasasaktan at umiiyak, ‘Nay,” dagdag niya.
Tumitig sa kanya nang maigi ang ina. “Kapag nagmahal ka, anak, hindi naman talaga ‘yon maiiwasan.”
Nagpakawala siya ng buntong hininga. “Kaya nga ayokong makipagrelasyon, eh! ‘Tsaka… ‘yong pagmamahal kasi dapat ay masaya ‘yong tao. Siguro kung nasasaktan ka, hindi totoong pagmamahal ‘yon, ‘di ba? Nasasaktan ka dahil akala mo ay pagmamahal ‘yon. Iyon pala ay ilusyon lang ang lahat!” wika niya pa.
“Hindi mo pa maiintindihan ‘yon sa ngayon, Darielle, anak. ‘Di bale, kapag iibig ka na, malalaman at mararanasan mo rin kung ano ‘yon. Sigurado ako.”
“Knock on wood, ‘Nay!” aniya sabay katok niya sa mesa.
Napangisi naman ang ina. “Salamin ‘yan, ‘nak, hindi wood.”
Ngumiwi na lang siya. Salamin nga pala itong gamit niya.
***
Habang nasa banyo si Darielle para magsipilyo ay narinig niyang may kausap ang ina sa labas. Naisip niyang sinundo na siguro ito ni Tiyo Cesar. Naiiling na lang siya habang tinatapos ang pagto-toothbrush. Nag-apply na siya ng kanyang manipis na makeup at inayos ang buhok saka nagpabango pagkatapos.
Nasorpresa na lang siya nang makita niya sa living room si Caleb pagkalabas ng banyo.
‘Oh, shit! Bakit ‘to nandito nang maaga? Pinapasok pa talaga ni Nanay!’ Marahas siyang napahigit ng hangin.
“’Nak, sinusundo ka pala ni Caleb dahil wala ka raw sasakyan,” natutuwang sabi ng ina na nasa tapat nito nakaupo.
Kinindatan pa siya ng loko nang mapasulyap siya rito. Umismid na lang siya. Ano pa nga ba ang magagawa niya? Nandito na ito. Ayaw niyang palakihin pa ang issue at baka kung ano ang lalabas sa bibig ng kanyang ina. Mukhang gusto na yata nito ang Caleb na ito dahil pinakitaan ng pagiging mabait.
‘Huh! Ang hudas nakuha na ang loob ng nanay ko,’ inis na nasa loob-loob niya.
Gusto man niyang sabihin sa ina ang tungkol sa tunay na kulay ng lalaki ay hindi naman niya magawa nang hindi mawari. Siguro ay dahil ayaw niyang lalong made-depressed ang ina at maisip na ang malas nila sa mga lalaki. Ayaw niyang dagdagan ang problema nito. Sabagay, kaya niya namang i-handle ang site director kung kinakailangan.
Hindi niya kinibo si Caleb nang nasa kotse na sila nito. Napuna man niya ang bulaklak na nasa backseat ay hindi siya nagsalita. Naitanong na lang niya sa sarili kung sino na naman ang babaeng kinakarenyo nito sa kumpanya. Siguro para ito sa nurse na dinoggy style nito kahapon.
Ewan ba niya at naiinis siya kapag naaalala ang eksenang iyon. Masisira na yata ang isip niya kung bakit din siya napahanga sa magandang pang-upo ng lalaking ito nang makita ito. She must be a pervert in a way.
‘Oh, God. Ayoko pong mabaliw nang dahil sa manyak na ‘to!’
“You woke up on the wrong side of the bed, D?” nanunuyang ani Caleb. Habang nagmamaneho, sinulyapan siya nito sa mapang-akit na mga matang nakatitig sa kanya.