Chapter 6

FENRIS

Ilang araw na magmula ng ako’y maparito sa kaharian ng Oudwech. . Dalawang araw ko ring hindi nakita ang aking mahal na Prinsesa, sa mga nakaraang araw ay may dinaluhan kasi akong mga ang pagpupulong na kabilang sa diplomatikong paglalakbay ko dito sa Oudwech. Isa sa mga tinalakay ay ang pag-bibigay suporta sa dalawang karahian ng mga hukbo sa araw na mag-iisang dibdib kami ng aking Prinsesa. At hindi na ako makapaghintay na dumating ang araw na iyon.

Ngayon ay papabalik na ako sa kastilyo, galing ako sa aming kaharian upang ibigay ang papel na dapat lagdaan ng aking ama. Mas pinabilis ko pa ang pagtakbo ng aking kabayo nang natatanaw ko na ang bayang nasasakupan ng kaharian. Nakasunod sa akin ang tatlong bantay na itinalaga ng Amang hari ng Oudwech para sa matagumpay na pagbabalik.

Dito sa aming mundo ay may iilang sumasalungat sa payapa at balanseng pamumuhay ng lahat ayon sa estado ng pamumuhay ng bawat engkantado. Sila ay ang mga itim na engkantado na ang hangad ay pamunuan ang mundo namin at makuha nila ang gusto nila, iyon ay ang kapangyarihan. Kaya kailangan naming mag-ingat.

Nang malapit na kami sa harapan ng tarangkahan ng bayan ay may napansin ako sa gilid ng aking mata. Isang engkantado na sakay sakay ng isang kabayo at may suot itong balabal kaya hindi ko mahinuha kung anong kasarian nito. Ngunit pamilyar sa akin ang balabal na iyon para bang nakita ko na iyon… at nang maalala ko kung sino ang may suot suot na ganun ay agad gumuhit ang ngiti sa aking labi. Pinahinto ko ang aking kabayo na siyang nagpahinto rin ng mga bantay sa likod. Hinarap ko ang mga ito,

“Mga matatapang kong bantay, maaari niyo na akong iwan dito. Mauna na kayo sa loob,” sambit ko sa mga ito. Sa mga suot ng mga itong balute ay kita ko pa rin ang mga reaksiyon ng mga mukha ng mga ito, at kita ko ang pagtutol doon.

“Ako’y iyong sundin, maglilibot muna ako sa kagubatan ng Oudwech. Ako’y lalanghap ng sariwang hangin,” giit ko sa kanila na may pinalidad sa boses. Kaya wala ng nagawa ang mga ito ng muli ko nang pinatakbo ang aking kabayo salungat sa direksiyon ng tarangkahan.

Pinabilis ko ang takbo ng aking kabayo, sinundan ang pinuntahang direksiyon ng kabayo ng aking mahal. Ngayon ay mas gugustuhin ko ang abilidad ng pang-amoy para mas mabilid ko siyang mahanap. Ngunit sa kasamaang palad ay ang aking abilidad ay ang pag-gaya ng iba’t-ibang anyo, kahit anong nilalang pa iyan. Ganoon pa man ay nagpatuloy pa rin ako sa pagsuot sa kagubatan, at naisip kong puntahan ito doon sa lugar kung saan una ko siyang nakita.

Agad kong tinungo ang direksiyon sa itaas na parte ng gubat. At pinabagal ko ang pagpatakbo ng malapit na ako doon, gusto ko siyang surpresahin. Hanggang sa makalapit na nga ako doon at mas lumawak pa ang ngiti sa aking labi ng matanaw ko na ang aking Prinsesa na ibinaba na ang saklob sa ulo. Tinatangay ng hangin ang buhok nito, napakaganda pa rin nito sa paningin ko.

Ngunit ang ngiti sa aking labi ay agad nabura ng makita ang paparating na kabayo na may sakay sakay na engkantadong may suot na itim na balabal, isang itim na engkantado!

“Prinsesa Tina, sayong kanan! Takbo!” sigaw ko nang makita ko ang pagtaas ng pana nito patungo sa direksiyon ng aking mahal. Napatingin saglit sa akin ang aking Prinsesa at tsaka napatingin sa kaniyang kanan, at agad itong kumilos at itinakbo ang kaniyang kabayo sabay sumakay siya dito. Hindi natinag ang itim na engkantado sa akin, sinundan nito si Prinsesa Tina. Kaya naman ay kinuha ko ang aking pana na nakasabit sa aking likuran at tsaka pinatakbo ang aking kabayo, sunod sa kanila.

Hinayaan kong tumakbo ang aking kabayo at ipinosisyon ang aking pana para tirahin ang bumabalak na saktan ang aking mahal na Prinsesa. Hingang malalim, konsentrasyon, at matalas na pag gamit sa mga mata, at sa isang saglit ay pinakawalan ko ang palaso sa aking kanang kamay. Kasabay nito ang paglipad nito patungo sa direksiyon ng itim na engkantado, at sapol. Bumulagta ang itim na engkantado, dinaanan ko lang ito at susundan ko pa ang aking mahal na Prinsesa.

Tanaw ko ang likuran nito habang patuloy pa nitong pinatatakbo ang kabayo. Mas binilisan ko ang pagtakbo ng aking kabayo para mabilis itong maabutan. Hanggang sa nasa aking harapan ko na ito.

“Prinsesa Tina! Ako na ito, si Prinsipe Fenris!” sigaw ko rito. Napalingon ito sa akin, ngunit gumuhit ang kaba sa aking dibdib nang makita ang maliit na ilog sa direksiyon ng papupuntahan ng kaniyang kabayo. “Pahintuin mo ang iyong kabayo!” muli kong sigaw dito. Kumunot ang noo nito at tumingin sa kaniyang kaharapan, agad itong napakabig sa pisi ng kabayo para pahintuin ito. Ngunit sa lakas ng pagkakahila nito ay napatayo ang kabayo na dahilan ng pagkahulog nito. Ngunit bago pa ito mahulog sa lupa ay tumalon na rin ako sa aking kabayo at sinalo ko ito.

Nagpagulong gulong kami ng ilang segundo at napadaing ako ng tumama ang aking likod sa isang puno. Yakap yakap ko sa aking bisig ang aking pinakamamahal. “Ayos ka lang ba, mahal na Prinsesa?” humihingal na tanong ko dito. Nakasubsob ito sa aking dibdib, itinaas nito ang kaniyang ulo at kita ko ang panunubig ng mga mata nito.

“A-ayos lang ako… ikaw? M-mas inuna mo pa talaga ako,” naluluhang sambit nito. Muli nitong isinubsob ang mukha sa aking dibdib. Wala naman talagang masakit sa akin, napangiti ako dahil kita ko ang pag-aalala sa mukha nito. Hinawakan ko ang buhok nito at hinimas himas.

“Tahan na aking mahal na Prinsesa. Ayos lang ako,” sambit ko dito. Itinaas ko ang ulo nito para mapunasan ko ang mga luha nito. Nakatitig sa akin ang mga mata nito na kumikislap dahil sa mga luha na dumadaloy. Nginitian ko ito at hinawakan ang magkabilang pisngi nito.

“Tahan na, walang ibang makakapanakit sayo hanggang nabubuhay ako. Poprotektahan kita kahit isugal ko pa ang buhay ko. Ngayon lang ako umibig ng ganito, aking Prinsesa. Sayo at sayo lang. At hindi na magbabago iyan,” sinserong ani ko sa kaniya. Tumigil na ito sa pag-iyak ngunit humihikbi pa rin ito. Ilang segundo kaming nagkatitigan, walang nakukuhang sagot mula sa kaniya. Kaya tatayo na sana ako ngunit pinigilan ako nito.

“Panindigan mo ang pinagsasabi mo, Prinsipe Fenris. Damn, its now or never.” Hindi ko naintindihan ang huling sinabi nito pero hindi na iyon tinuon ng pansin ko dahil nanlaki na ang mga mata ko ng maramdaman ko ang malambot na bagay na lumapat sa labi ko. Ilang segundo lang iyon ngunit ang puso ko ay hindi na magkamayaw.

“Mahal na ata kita,” sambit nito pagkatapos bumitaw sa aking labi. Habang ako’y hindi pa makaahon mula sa pagkalunod sa halik nito. Panaginip lang ba ang lahat ng ‘to?