Chapter 7

Hindi makapaniwala si Ayesha sa repleksiyong nakikita niya ngayon sa harapan ng malaking salamin. Isang babaeng ubod ng ganda ang kaharap niya ngayon. Nakalugay ang malambot at alon-alon nitong buhok na hanggang kilikili ang haba. Habang maayos ang pagkaka- trim ng mga kilay nito. Ang almond shape nitong mga mata ay nababagayan din ng malalantik na mga pilik mata habang ang matangos nitong ilong ay tila kahoy na nililok; at ang maliit nitong labi ay mala-rosas ang kulay.

“Ako ba talaga ‘to?” Wala sa sariling nahaplos niya magkabilang pisngi habang pinagmamasdan pa rin ang sarili sa salamin.

“Yes, dear! Ang ganda-ganda mo naman pala. Bakit ka nagtatago sa mala-nerd mong ayos?” nakangiting tanong ng baklang nag-ayos sa kaniya.

“Ako? Maganda?” mahina niyang tanong dito. Nagkatawanan naman ito at ang kaibigang si Eds.

“Loka! Oo, ikaw! Alangan namang ako? E, matagal ko nang alam na maganda ako. Haller?” sambit ni Eds sa kaniya bago ito bumaling sa baklang nag-make over sa kaniya.

“Sesh, thank you so much at nagawan mo ng milagro itong kaibigan ko,” sabi pa nito sa baklang kaharap na sinundan ng paghagikgik.

“Oh! No problem, sesh. Alam mo namang I’m happy to help! O, siya. Mukhang may isa pa kayong kailangang ayusin dito kay ganda,” wika ng baklang nag-ayos sa kaniya.

“Ha? May isa pang aayusin sa akin? Hindi pa maayos itong itsura ko ng lagay na ito, ha?” bulong niya sa sarili.

“Ay, oo nga! Siya, sige. Babush, sesh! Sa susunod ulit. Muah!” paalam na ni Eds dito kasabay ng matunog nitong paghalik sa baklang parlorista.

“Halika na, girl. May kailangan pa tayong puntahan bago kita ihatid sa balay mo,” nakangiting yaya nito sa kaniya sabay angkla ng braso nito sa braso niya.

Naguguluhan man ay nagpahila na rin siya sa kaibigan. Sa isang boutique sila nakarating at agad siyang inasikaso ng mga tao sa tindahang iyon. Isa-isa niyang isinukat ang lahat ng mga damit na pinagdadampot ni Eds para sa kaniya. May sobrang sexy, may sakto lang, at mayroon din namang simple pero maganda ang pagkaka-fit sa kaniya.

“Ano ba naman itong mga ipinasusuot mo sa’kin? Para akong magsasagala!” nakasimangot niyang turan sa kaibigan nang ipasukat nito ang isang gown sa kaniya.

“Gaga! Malay mo magamit mo iyan,” nakangisi nitong sagot sa kaniya. “Ayaw ko nito! Iba na lang,” aniya sabay dampot ng isang jeans at t-shirt.

“Ito na lang!” nakangiti niyang saad sa kaibigan.

“Hmm, sige na nga nang makaalis na tayo rito,” sumusukong sagot naman nito sa kaniya. Nakangisi siyang pumasok sa fitting room saka isinuot ang jeans at t-shirt na bitin pala kaya kita rin ang kaniyang pusod. Hinila-hila pa niya iyon sa pagba-bakasakaling humaba iyon. Nang hindi pa rin iyon humaba ay saka siya lumabas upang manguha ng ibang t-shirt.

“Hep! Tingin,” pigil sa kaniya ni Eds saka siya pinaharap dito.

“Perfect!” bulalas nito matapos siya nitong pagmasdang mabuti.

“Ayaw ko nitong t-shirt. Baka kabagan ako!” protesta niya sa kaibigan saka dumampot ng isa pang t-shirt.

“Akin na ‘yan! Bagay na bagay sa’yo ‘yang suot mo. Ang sexy mo pala, ‘day! Kung ako lang ang may ganyang katawan. Nako, ipaparada ko talaga ang alindog ko. Kaso tama na raw na maganda lang ako.”

“Ipaubaya ko na raw sa iba ang ka-sexy-han,” bumubungisngis pa nitong turan sa kaniya.

“Eeiii! Eds, palitan ko na lang itong t-shirt, sige na. Ayaw kong kabagan ako mamaya,” nakabusangot niyang saad sa kaibigan.

“Nakakaloka ka! Sige na nga. Ito, o.” Sabay abot nito ng isang yellow shirt. Agad naman niya iyong kinuha mula rito at mabilis na bumalik sa fitting room. Medyo hapit ang shirt sa kaniya pero mas okay na iyon kaysa sa kita pusod na shirt na nauna niyang isinuot.

Isang skinny jeans na blue at yellow fitted shirt ang kaniyang suot ngayon. Habang ang saping pam-paa niya ay isang ankle strap sandals na itim. Malayong-malayo ang kaniyang itsura sa manang at nerd niyang sarili noon. Napangiti pa siya sa salamin na nasa harapan niya bago lumabas ng fitting room.

“Ang ganda-ganda mo na girl! Eeeiii!” tuwang-tuwang saad ni Eds sa kaniya nang makalapit na siya rito.

“Aray ko!” reklamo niya rito nang panggigilan nito ang kaniyang braso.

“So, kakain na ba tayo? Nagugutom na ako, girl,” aniya sa kaibigan sabay himas ng impis niyang tiyan.

“Hindi pa!” nakangising tugon naman nito sa kaniya.

“Ha? May kulang pa ba sa ayos ko?” nakasimangot niyang tanong sa kaibigan sabay ayos sa kaniyang salamin sa mata.

“Iyan ang isusunod natin,” nakangiting sagot nito sabay tuktok sa kaniyang antipara.

“Uy, babae! Huwag mong pakikialaman ang salamin ko. Alam mo namang bulag ako kapag wala nito!” pagbabanta niya sa kaibigan.

“Hindi ko naman pakikialaman. Papalitan lang natin,” sabi nito sa kaniya at hinila siya palabas ng boutique na iyon.

“Gaga! E, ‘di pakikialaman mo nga! Ayaw ko!” pagpoprotesta niya sa kaibigan. Ngunit hindi ito nakinig sa kaniya at dire-diretso lang itong naglakad patungo sa tindahan ng mga salamin. Kahit ano’ng pigil niya rito ay wala siyang nagawa dahil mas malakas ito sa kaniya.

Nang makapasok na sila sa tindahan ng mga salamin sa mata ay wala na siyang nagawa nang pasukatan siya nito ng bagong salamin at contact lense. Medyo nailang pa siya sa contact lense na inilagay sa kaniyang mga mata. Ngunit kalaunan ay nasanay na rin naman siya.

“Ayan! O, ‘di ba ang ganda mo na lalo?” sabi pa sa kaniya ni Eds. Tiningnan niya ang sarili sa salamin. At tama nga ito, mas bagay nga sa kaniya ang walang suot na antipara. Kitang-kita ang magaganda niyang mga mata na napaliligiran ng malalantik na pilik-mata. Kumurap- kurap pa siya dahil hindi niya mapaniwalaang may itinatago pala siyang ganda.

“Eds, ako ba talaga ‘to?” wala sa sariling tanong niya sa kaibigan.

“Hindi! Ako iyang nakikita mo,” biro naman nito sa kaniya at inagaw ang salamin at itinutok sa kanilang mukha.

“Congratulations, friend. Graduate ka na sa pagiging manang at nerd!” sabi pa nito sabay hagikhik sa kaniyang tabi.

“Thank you, Eds!” maluha-luha niyang saad sa kaibigan. Niyakap niya ito nang mahigpit na agad din namang ginantihan ni Eds. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya makalalaya sa mapanghusgang mundo ng mga tao.

“Ay, sus! You’re welcome, friend! Tama na nga ang dramahan natin. Remember, may misyon ka pang kailangang gawin,” paalala nito sa kaniya. Bumitiw siya sa pagkakayakap sa kaibigan at nagpunas ng luha sa pisngi. Kumurap-kurap pa siya dahil bahagyang gumalaw ang lenses sa kaniyang mga mata.

“So, siguro naman ay puwede na tayong kumain ngayon, ‘no?” tanong niya sa kaibigan matapos niyang tuyuin ang kaniyang pisngi.

“Oo na! Halika na nga!” yaya na nito sa kaniya at lumabas na ng tindahang iyon. Sinabihan na rin naman sila ng gumagawa ng salamin na balikan na lang nila iyon after a week.

Matapos nilang kumain ay inihatid na rin siya ni Eds sa kaniyang bahay. Medyo ginabi na sila dahil kung saan- saan pa siya dinala ng kaibigan. Namili pa ito ng ilang mga damit para sa kaniya na hindi naman niya matanggihan. Kaya ang ending ay ang dami niyang bitbit na iba’t ibang shopping bags ngayon.

“Sige na, ‘day, hindi na ako bababa’t gabi na. Balitaan mo na lang ako sa homework mo, ha?” sabi ni Eds sa kaniya saka sila nag-beso.

“Thank you ulit, Eds. Hindi ko alam kung paano akong makababawi sa iyo. Pero, thank you talaga!” madamdaming pasasalamat niya sa kaibigan at saka ito niyakap.

“Hay nako. Okay lang. Tapusin mo lang iyong homework mo at bayad ka na sa akin,” nakangiting saad nito saka siya tinapik sa balikat.

“Ayaw man kitang palayasin, pero sige na. Bumaba ka na bago pa kita sipain palabas ng sasakyan ko,” humahagikhik na sambit nito sa kaniya.

“Loka! Sige, salamat ulit. Mag-iingat ka sa pagmamaneho. Shunga ka pa naman,” ganting biro niya sa kaibigan bago siya bumaba ng sasakyan nito.

Kumaway pa siya sa kaibigan bago pumihit patungo sa gate. Nang makapasok na siya roon ay tinanaw niya ang bahay ng manyakis na kapitbahay. Nagtaka pa siya nang tila wala ito sa bahay nito ganoong palagi naman itong nandoon.

Napakibit-balikat na lamang siya at nagtuloy na sa loob ng bahay. Bukas na lamang niya isasauli sa lalaki ang baunan nito para maumpisahan niya na ang kaniyang misyon. Iyon ay ang akitin ito para ligawan siya ni Adonis nang matapos na niya ang manuscript.

Nakangiting tumuloy siya sa kaniyang silid upang kumuha ng bihisan. Mag-sho-shower muna siya bago matulog dahil nanlalagkit na ang buo niyang katawan sa maghapong pagkaladkad sa kaniya ni Eds sa kung saan- saang panig ng mall na iyon. Pero in fairness, nagustuhan naman niya ang resulta ng pagkaladkad sa kaniya ng kaibigan.