Fiery Romance

Status: Completed
Book Cover

93.2K

Views

32

Chapters

1.0

Ratings

Gusto ni Estelle na ma-promote sa kaniyang trabaho. Inasahan na niya iyon pero nadiskubre na lang niyang may ibang na-hire sa posisyong gusto niya. Nalaman niyang isang lalaki pala na galing sa States. Si Leandro. Dahil dito ay galit siya sa binatang “umagaw” sa kaniyang promotion. Pero sa kabila nito ay sumisigaw ang bawat selula ng kaniyang katawan para matikman lang ang halik nito…

Summary

Gusto ni Estelle na ma-promote sa kaniyang trabaho. Inasahan na niya iyon pero nadiskubre na lang niyang may ibang na-hire sa posisyong gusto niya. Nalaman niyang isang lalaki pala na galing sa States. Si Leandro. Dahil dito ay galit siya sa binatang “umagaw” sa kaniyang promotion. Pero sa kabila nito ay sumisigaw ang bawat selula ng kaniyang katawan para matikman lang ang halik nito…

Chapter 1

Mabilis na nagtitipa sa kaniyang laptop si Estelle Ocampo. Kasalukuyang sinasagot niya ang isang customer na nag-order ng pina-crochet na sweater. Ipinadala rin niya ang larawan ng finished product at sinabing ipapadala niya ito sa courier kinabukasan.

May mga cross-stitched at knitted products din siyang ipinagbibili online. Lahat ng ito ay gawa niya kapag may free time siya at ito ang kaniyang sideline para kumita ng extra. Ito ay bukod sa trabaho niya sa isang car dealer company bilang sales representative supervisor.

Walong taon na ring naninilbihan ang beinte y otso na dalaga sa kumpanya kaya naman ay inaasahan niyang magiging showroom manager siya sa susunod na may ipo-promote. Usap-usapan na kasing papalitan ang kasalukuyang showroom manager dahil magtatrabaho na ito sa Canada. Magma-migrate na kasi ang pamilya nito roon. Naisip niyang ang suwerte nga naman ng taong iyon at gaganda ang buhay sa labas ng Pilipinas. Gayunpaman, alam niyang hindi rin madali ang buhay sa labas. Kaya lang, mas maganda pa rin doon dahil mas lamang ang social benefits kumpara sa Pilipinas.

Sinabi sa kaniya ng HR manager na kaibigan niyang si Mindy na kandidato siya sa ipo-promote dahil sa magandang performance at tenure niya sa kumpanya. Gusto niyang ma-promote dahil sa siya na ang halos bumubuhay sa kaniyang mga magulang na may maintenance medications. Diabetic ang kaniyang ama samantalang may hypertension ang kaniyang ina. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na babae na may asawa na ngunit wala pang anak ay tumutulong sa kanilang bayaring bills kahit papaano. Samantalang ang kanilang bunso na lalaki na may asawa na rin ay may mga anak na kaya hindi na ito makakasuporta sa kanila. Kaya naman ay sagot niya ang grocery at monthly payment ng loans at credit card dahil sa pagkaospital ng mga magulang. Sagad na ang suweldo niya sa budget sa bahay. Hindi na nga siya nakapag-ipon nang ilang taon na para sa sarili dahil dito. Ang sideline niya ay hindi naman talaga maaasahan pero at least meron siyang sideline.

“So, how’s Francis?” tanong ni Mindy minsan habang nagwi-window shop sila sa mall. Patingin-tingin sila sa mga naka-display na mga jeans at mangilan-ngilan din ang mga shoppers na nandoon.

Napasulyap siya sa kasama bago napatingin sa price tag. Mahigit isang libo rin iyon. Naisip niyang marami-rami na rin siyang mabibiling grocery items kahit na tumaas na ang presyo ng mga bilihin kaysa bumili siya ng bagong jeans. Kaya naman ay medyo napakislot ang kaniyang mukha.

“Huh? As usual pa rin. Nasa barko kasi nga seaman, ‘di ba?” tugon niya.

Isang seafarer ang kaniyang nobyong mas matanda sa kaniya nang tatlong taon. Dalawang taon na rin silang naging “steady” kung masasabi niyang ganoon dahil hindi naman sila araw-araw nagkikita o nagtatawagan. Huling kita nilang magkasintahan ay limang buwan na ang nakalipas.

“As in? Walang nagbabago? Status quo kayo?” taas-kilay na anang kaibigan nang makahulugan. Limang taon itong nakatatanda sa kaniya, maganda, at sexy.

Nakasimangot siyang napatingin sa ibang pares ng jeans. “Oo, eh. Walang pagbabago. Or… maybe meron. Medyo madalang na siyang tumatawag sa ‘kin lately. Siguro dahil busy siya dahil na-promote siya, ‘di ba?” Kumibit na lang siya at napalabi.

Napatawa nang mapakla ang kaibigan niya. “Really? Alam mo, bilib din ako sa ‘yo, Estelle. May tiwala ka sa nobyo mo. Guwapo pa naman ‘yon. Hindi ba every port report ang mga seaman?”

Napangisi siya rito. “Hmm… mas guwapo ba siya kaysa sa boyfriend mo?” biro niya rito. Matagal na ring may nobyo ang kaibigan pero wala pang kasal na usapan ang dalawa na siyang gusto sana nitong mangyari.

Inismiran siya ni Mindy. Bago pa ito makapagsalita ay tumunog ang cell phone nito.

“O, babe!” sagot nito. Klarong boyfriend nito ang tumatawag. “Ano? Nasa ER ka? Bakit?” Nanlaki ang mga mata nito.

Nagkatitigan silang dalawa. Nababakas sa mukha nito ang pag-aalala para sa katipan. Nang matapos ang tawag ay napaharap sa kaniya ang kaibigan.

“Kailangan ko siyang puntahan sa ospital. Nadisgrasya siya sa motor, Estelle!”

“Sasamahan na kita.”

“Huwag na. ‘Di ba may dapat ka pang bibilhin para sa pamangkin mong may natanggap na honor sa recognition day nila? Sorry, ha? Hindi na kita masasamahan, Es,” hinging-despensa nito.

“Ayos lang pero sigurado ka bang okay ka lang na mag-isang pupunta sa ospital?” Nag-aalala rin siya sa kaibigan at sa kalagayan ng nobyo nito.

Tumango si Mindy. Nagbeso-beso na sila bago ito nagmamadaling umalis.

Nagtungo na lang siya sa may children’s department para maghanap ng mabibili para sa pamangking si Ashley. Hindi ito mahilig sa mga laruan kundi sa colored books. Iyon na lang ang kaniyang naisip na bilhin para sa bata.

Paglabas niya ng mall ay naglakad na siya papuntang MRT. Napuna niyang makulimlim ang kalangitan nang bigla na lang bumuhos ang ulan. Tumakbo siya papuntang station. Dahil sa mga taong nagsitakbuhan para makasilong ay nabunggo siya ng isang di-kilalang tao at bago pa man siya matumba ay nasalo siya ng isang pares ng malalakas na bisig.

Napaangat siya ng paningin para makita ang mukha ng estranghero. Agad napokus ang mga mata niya sa light brown na kulay ng mga mata nito. Mestizo. Maikli ang buhok. Medyo may kakapalan ang mga kilay nito na parang inukit nang sadya. Matangos ang ilong nito, ‘di tulad ng mga ordinaryong Pinoy. Medyo pinkish naman ang mga labi nitong tila nanghahalina at siguro ay masarap itong halikan. Malapit na malapit pa naman ang kanilang mukha sa isa’t isa. Dagdagan pang mabango ito! Sino ba naman ang hindi mahahalina sa guwapong lalaking ito?

Ramdam niya ang malalakas nitong bisig na nakayakap sa kaniyang likod at baywang upang suportahan siya. Hindi niya mawari, pakiramdam niya ligtas siya sa mga braso nitong saglit na nagkulong sa kaniya.

1,0

Read Now

Favorite